"'Inay, anong ginagawa natin dito?" Kunot ang noong nilingon ko ito at nakitang ibinaba niya ang tatlong bag na hawak.
Imbes din na sagutin ako ay lumakad pa siya palapit sa malaking gate saka nagpipindot sa door bell. Mas lalo lang nangunot ang noo ko habang nanatiling nakatitig kay inay.
Nagbabakasakaling sagutin ang kaninang tanong ko pero masyado itong abala sa ginagawa. Nakailang pindot na siya roon pero wala pa ring taong lumalabas o kahit na anong sign man lang na magbubukas iyon.
Ano na naman ba itong trip ng nanay ko?
Pinasadahan ko ng tingin ang malaking bahay na nasa harapan namin ngayon, sobrang lawak no'n at kahit nga nandito ako sa labas ay nakikita kong sobrang laki talaga. Paano pa kaya kung pumasok kami sa loob?
Hindi na ako magtataka kung sobrang yaman din ng may-ari ng bahay na iyan at kung sobrang dami ng pera nila para makapagpatayo ng ganiyang bahay.
Dati-rati, ganito ang gustung-gusto kong bahay. Pinangarap ko noong tumira sa isang mataas at malaking bahay pero naisip ko, ang bata ko pa noon para mangarap ng isang bituin na mahirap abutin.
Kasi hanggang ngayon, wala pa rin akong napapatunayan sa nanay ko at kahit sa sarili ko. Nag-aaral pa lamang ako at tanging pagtulong sa trabaho niya lang muna ang nakakaya kong gawin.
"Anak, buhatin mo na iyang mga bag." Pahayag nito, ilang segundo lamang nang namalayan kong nakabukas na pala ang gate.
Walang alinlangan na binuhat ko ang tatlong bag na nasa lapag at kahit mabigat ay hindi na alintana sa akin o problema iyon kasi alam kong sanay na ako sa ganitong bagay.
"'Inay, ano ba kasing ginagawa natin dito?" Pagtatanong ko na hindi mapakali kakabaling sa paligid.
"Dito muna tayo pansamantalang titira." Simpleng sagot nito bago tuluyang pumasok sa loob ng bahay.
Sa sinabi niya ay natigilan ako, naiwan ako roon na tulala. Napakurap-kurap pa ako sa hangin na para bang isang malaking kahibangan ang sinabi ng nanay ko.
Kami? Titira sa malaking bahay na ito?
Alam kong minsan may pagka-feelingera si inay pero hindi ko lubos maisip na sa ganito pa siya mangangarap, kahit na alam ko namang walang masama sa pangangarap.
Ganito ba talaga ang epekto ng mawalan ng bahay? Pagak akong natawa at nailing-iling na lamang sa kawalan.
Napalayas kami sa apartment na tinutuluyan namin sa kadahilanang dalawang buwan na kaming hindi nakakapagbayad ng renta. Ilang beses kaming nakiusap na bigyan pa kami ng palugit, pero wala, e.
Anong magagawa namin kung wala talaga kaming pera? Minsan naiisip ko kung ganito ba talaga ang nakatadhanang mangyayari sa buhay ko. Lumaki na nga akong mahirap, tatanda at mamamatay pa rin ba akong mahirap?
Kung hindi lang masama magbenta ng lamang-loob at katawan ay nagawa ko na, gaya ng mga nagawa ng dati kong kaibigan dahil sa sobrang kahirapan sa buhay.
Ngunit hindi ko rin naman kayang gawin iyon dahil mahal ang puri ko. Mahal ko pa ang sarili ko at mas lalong mahal na mahal ko si nanay na kahit mahirap kami, napalaki niya akong may respeto sa sarili.
Muli ay napailing-iling ako. Hindi nagtagal ay pumasok na rin ako sa loob at gaya nga nang inaasahan ko, sobrang rangya at puro kagamitan ng mayayaman ang naroon sa loob.
Halos malaglag na nga yata ang panga ko sa sobrang pagkamangha. Iba pa rin talaga kapag nakaapak ka sa ganitong lugar, pakiramdam mo ay ang gaan-gaan mo at wala kang problemang pang-pinansyal ang hindi malulutasan.

BINABASA MO ANG
One Night, One Pleasure (Published Under Dreame App)
General FictionBOOK 1. Hindi kailanman matutumbasan ng salitang "sorry" ang nangyari sa gabing iyon, na kahit ang pagluhod at pagluha ng dugo ay hindi nito mapapawi ang sakit na kaniyang naramdaman. Tyra Nicole Fajardo, isang simpleng babae na nagnanais makamit an...