Prologue

248 3 0
                                    

Abril 2001

JASON: Magandang araw sa iyo, kaibigan. Una sa lahat, ituring mo itong isa sa pinaka-espesyal na pagkakataon sa buhay mo dahil sa mababasa mong paglalahad naming mga tinaguriang bituin ng Maynila. Hindi, hindi kami mga artista. Hindi kami mga personalidad na tinitingila at iniidolo. Kung tutuusin, mga ordinaryong tao lang kami, gaya mo. Mataas lang talaga ang mga pangarap namin. Sintaas ito ng paglipad ng agila sa kagubatan ng mga imahinasyon. At minsan, sa sobrang taas ng aming paglipad, nakakalimutan na naming lumapag sa lupa.

Ikalawa, at ang pinakaimportante sa lahat, kung nasanay ka na sa mga tipikal na kuwento tungkol sa mga lalaki at babaeng bigla na lamang pinagtagpo ng tadhana at tinamaan ng pana ni Kupido, mga sanggol na nagkapalit ng magulang (dahil ewan ko kung sabog ang nurse na nagbabantay sa naturang sanggol kaya't nagkapalitan ang mga iyon), o higit sa lahat, mga makabagbag-damdaming kuwentong mala-rags to riches at happily ever after endings na tiyak na kapupulutan ng katakut-takot na aral at magbibigay ng inspirasyon sa bawat nilalang, ngayon pa lamang ay mahigpit na kitang pinapayuhan. Isa itong payong kailangan mong sundin, sa ayaw mo o sa gusto:

Ipikit mo ang iyong mga mata! Takpan mo ang iyong mga tenga! Itikom mo ang iyong bibig! Ngayon pa lang, umalis ka na sa harapan ko!

Bakit?

Dahil unang-una, walang nakakakilig na kuwento sa ibabahagi namin. Pangalawa, walang mala-soap operang rigodon ng mga anak, at ikatlo, higit sa lahat, wala kang aral na mapupulot sa kuwento ng buhay namin!

Pero sa totoo lang, huwag din dapat tayong pakasisiguro. Malay natin, pagkatapos mong marinig ang kuwento ng mga buhay at pakikipagsapalaran namin sa Maynila, matapos mong mabuwisit sa lahat ng mga pinagdadakdak at isiniksik namin sa kapirasong espasyo ng utak mo, kahit paano'y biglang may sumulpot na aral pala sa mga ito. You can never can tell, ika nga ng kasabihan. Eh 'di ayos, 'di ba? Mas mabuti pa nga iyon dahil ikaw mismo, mahal na kaibigan, ang unang nakaalam na may aral palang mapupulot sa bawat istorya ng buhay namin. At balang araw, maaari mo pa kaming pasalamatan dahil sa naibahagi naming inspirasyon, o vice-versa.

Kaya muli, mahal na kaibigan, malugod ka naming tinatanggap sa kuwento ng aming buhay. Ito ang sari-saring kuwento ng mga simpleng tao sa sikat na kabisera ng Pilipinas.

Pasensiya na nga pala at medyo napahaba ang satsat ko. Matagal na kasing walang kumakausap ng matino sa akin dito sa lugar na kinaroroonan ko. Isa pa, ganito talaga ako kapag matagal nang hindi nakaka-score.

Gustong kumalma? Magdamo. Walang damo? Eh 'di idaan na lang sa dakdak, baka sakaling epektibo. Huwag mo nang isipin pa kung tama ba o mali ang ginagawa mo. Ang mahalaga, nag-eenjoy ka. Ganyan lang ang buhay, mga pare. Laban ng laban. Enjoy ng enjoy.

A City of Sleeping HeartsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon