Ikalawang Kabanata

119 4 1
                                    

Hulyo 16, 1999 (9:19 p.m.)

KULET: Biyernes na naman ng gabi. Para sa ilang mga kabataan, mga parokyano at iba pang mahilig sa iba't ibang gimmicks at weekend parties, dito sa isang lugar sa Malate ang punta nila matapos ang buong araw na eskuwela o trabaho. Willy’s Bar is the place to be, sabi nga nila. Paminsan-minsan, narito sila para makapag-unwind habang pinakikinggan ang mga tumutugtog na singer o banda tuwing gabi.

Hindi maitatangging mas dagsa ang tao tuwing Biyernes ng gabi. Bukod kasi sa walang pasok sa klase o sa opisina kinabukasan, maraming guest performers kapag ganitong katapusan ng linggo, pati na Sabado. Magsisimula ang programa ng alas siyete ng gabi, mga banda ang pangkaraniwang ‘opening act’, pagkatapos may ilan ding mga solo performers. Total entertainment ba ang hinahanap mo? Malate ang tamang lugar.

At kapag ganitong sasapit ang Biyernes ng gabi, sa Willy’s Bar din ang punta ko. Hindi para manood ng banda o makipag-inuman sa kung sinu-sino, kundi para sa isang transaksiyon – isang lihim na unawaan sa kalakarang matagal ko nang ginagawa pero magpahanggang ngayon, laking pasasalamat ko pa rin at hindi pa ako nahuhuli ni minsan ng mga parak.

Parak? Oo, parak. Pulis. At tama ang nasa isip mo. Alam kong ilegal itong ginagawa ko pero kung sabagay, parang ganoon lang naman talaga ang buhay. Kailangan, paminsan-minsa’y magkaroon ng thrill man lang sa buhay mo, lalo na kung gusto mo talaga ang ginagawa mo. Dapat sabay ka nang sabay sa hamon. Dapat, bira lang nang bira hangga’t kaya pa.

Ganoon pa rin ang eksena nang pumasok ako sa Willy’s Bar. Tulad ng mga nakaraang Biyernes, dagsa ang mga tao. Halos hindi na mahulugang karayom sa dami, mukhang SRO na ang sistema. Kapansin-pansin ang umpukan ng mga baklang nagtititili sa kanilang table sa harapan mismo ng nagpe-perform na banda. Ang balita ko, type daw ng isa sa mga baklang ito ang bokalista nila. Mahusay naman kasi talagang umawit, bukod pa sa nagtataglay ito ng napakainonsenteng mukha at tila nangungusap na mga mata. Akala mong pop singer o matinee idol sa unang tingin pero lintik, head banger pala! Malayong malayo kasi ang itsura nito sa estilo ng mga awitin nilang punk at hardcore. Aminin man natin o hindi pero ang kaguwapuhan ng lalaking iyon ay isa ring mabisang panghatak sa mga parokyano ng Willy’s Bar, lalo na sa mga babae.

Mga putang ina ninyo, alam ko ang tumatakbo ngayon sa utak ninyo! Huwag n’yo akong pinag-iisipan ng masama ha! Sinasabi ko sa inyo, wala akong gusto sa lalaking iyon! Hindi kami talo, pare! Kilabutan naman kayo, pwede ba?!

Bukod pa sa mga baklang tila reserbado na ang table na iyon sa tuwing may gig ang banda ng lalaking lapitin ng mga babae’t mga bakla, makikita din sa mga gilid-gilid ng bar ang ilang mga kabataan at iba pang parokyano. May naispatan din akong pamilyang nakaupo sa may entrada ng naturang bar. Paulit-ulit ang palakpak ng mga magulang habang pinapanood ang banda. Malamang, isa sa mga anak nila ang tumutugtog. May kasama din silang batang babae, sa tantiya ko, mga lima o anim na taong gulang, nanonood din sa kuya niya siguro habang panay ang kain ng kanyang french fries. Medyo tiningnan pa ako nang masama nung nanay na mataba pagpasok ko kanina. Gusto ko tuloy isigaw sa pagmumukha ng babaeng iyon, “Anong tinitingin-tingin mo diyan, ha?! Bakit, ngayon ka lang ba nakakita ng tibo?!”

Maganda ang lugar na ito. Akmang akma talaga para sa mga naghahanap ng kakaibang gimik tuwing weekends. Pero sino ang mag-aakalang dito mismo sa lugar na ito nagtatago ang isa sa pinaka-ilegal na gawaing talamak ngayon dito sa Maynila?

Pero kung tutuusin, ganoon naman talaga dapat. Kung gusto mong pumasok sa isang ilegal na transaksiyon, doon kayo mag-usap ng kliyente mo sa lugar na hindi pagdududahan, tulad nitong Willy’s Bar. Malalaking tao kasi ang madalas na narito, lalo na tuwing Sabado at Linggo. May mga politikong nasa duty pa mismo at ilang palaos nang artista, kapwa bigla na lamang maiispatan ng hidden camera ng Bitag o Imbestigador, at paulit-ulit na ikakaila sa publiko ang nangyaring pagha-happy happy nila kahit na huling huli na sa akto.

A City of Sleeping HeartsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon