Unang Kabanata

160 2 1
                                    

Hulyo 16, 1999 (6:53 p.m.)

JASON: May mga bagay talaga sa mundo na hindi mo maiintindihan. At minsan, mas makakabuti sa iyo kung mananatili na lamang silang ganoon, at hahayaan na lamang na kusang matuklasan ang tunay na dahilan kung bakit sila ganoon, tulad ng aparisyon ng mga taga-ibang planeta sa ating mundo, o ng mahiwagang Bermuda Triangle.

O ng mga taong laking Maynila na mas pinili pang dumayo sa probinsiya para lamang mag-aral gayong santambak ang mga eskuwelahan dito sa lungsod, tulad ng kapitbahay naming si Greg.

"Bulacan?! Ano'ng nakain mo at doon mo gustong mag-aral ng medicine?!” tanong sa kanya ng erpat niya noong sabihin nito ang kagustuhan niyang mag-aral sa isang medicine school sa Bulacan. Sabi pa ni Greg, sa sobrang pagkabigla ay halos mabugahan daw siya ng iniinom na kape ng erpat niya nang marinig ang plano.

“Ano ka ba naman iho?” dagdag ng ermat ni Greg. “Ang dami-daming magagandang medicine schools dito sa Maynila... Nar’yan ang UST... UP... Maski sa PLM merong medicine... Bakit sa BSU mo pa naisipan? Baka mapaano ka doon sa Bulacan, Gregorio!”

“Nasisiraan ka ba?” gatong na naman ng kanyang erpat. “At naisipan mo pang mag-dorm samantalang dito, halos lalakarin mo na lang ang mga unibersidad d’yan! Isa pa, mas malapit ka dito sa amin!”

Magmula nga noon, wala na ngang nakaalam ng tunay na dahilan kung bakit gustong magdormitoryo ni Greg at kung bakit gusto niyang mag-aral sa Bulacan State University. Maski ang kanyang mga magulang na noon pa man ay takang taka sa ibang klaseng trip niya ay wala nang nagawa. Sa huli, pinayagan na rin si Greg na doon na lamang mag-aral at mag-dorm sa Bulacan.

Pero hanggang doon na lamang siguro iyon.

Hindi ko alam kung ano ang nakain ni Greg ngayon at naisip niyang sabihin sa akin ang tunay na dahilan ng pananatili niya sa Bulacan. Ibang klase nga naman kasi ang trip niya. Pangkaraniwan, ang mga taga-probinsiya ang lumuluwas sa Maynila para mag-aral, ‘di tulad niya na taga-Maynila pero gustong mag-aral sa probinsiya.

Nakakadiri mang malaman pero siguro, medyo nami-miss lang naming kakuwentuhan ang isa’t isa. Isa lang kasi si Greg sa mga malapit kong kaibigan dito sa aming subdivision sa San Nicolas, bukod pa sa mga tropa ko sa eskuwela, ilang kakilala diyan sa tabi-tabi, sa aking banda at kay Yumi. At ganoon din siya sa akin. Pero dahil na rin siguro iyon sa halos mahigit isang buwan kaming walang balita sa isa’t isa, magmula nang umalis siya patungong Bulacan para sa opening ng klase sa Bulacan State University noong nakaraang June.

Kasalukuyan kaming naghuhuntahan noon sa labas ng aming gate. Maaaring dahil na rin sa kawalan ng mapag-uusapan kung kaya’t biglang naungkat ang dahilan kung bakit doon sa Bulacan niya planong mag-kolehiyo. Bago iyon, napagdiskitahan na naming pag-usapan ang mga burgis na kanina pa palakad-lakad sa tapat ng aming bahay, ang mga batang uhugin na inabot na ng dilim sa paglalaro ng mga larong kalye tulad ng patintero at langit-lupa, mga paboritong musika at basketball team, at kung anu-ano pang maaaring pag-usapan.

Niyaya ko siyang pumasok sa loob at doon magkuwentuhan pero tumanggi si Greg. Mainam nga rin siguro iyon dahil kung sakaling marinig ni ermat ang mga pinag-uusapan namin, siguradong mapapahawak na naman iyon sa rosaryong palaging nasa loob ng  bulsa ng kanyang suot na duster. Hindi ko alam kung ano ang tawag sa ganoong sakit o mannerism -- iyon bang kapag nate-tense ka’y may partikular kang bagay na kinakalikot. Stress reliever, kumbaga.

“Mga babae?!” bulalas ko kay Greg. Halos marinig na ng mga tao sa labas ang pagkakasabi ko nito. Ang walanghiya, babae lang pala ang dahilan kung bakit gusto niyang doon mag-aral sa Bulacan.

“Hayop ‘yung mga bebot doon sa Bulacan, pare!” akbay sa akin ni Greg. “Wala kang itatapon! May kaklase nga ako sa Psychology Class namin, putang ina ang hot! Tapos may prof akong fresh graduate, punyemas! Laging bakat ang utong! Trip ko ngang pasukin sa faculty minsan eh, kaso ‘di ako makatiyempo!”

A City of Sleeping HeartsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon