Everything I have (Lahat ng meron ako!)
Unang Kabanata:
Masarap magmahal sa taong mahal ka. Iyon bang kaya niyang ibigay sa iyo ang lahat ng gugustuhin mo. Handa niyang gawin ang lahat ng hiling mo. Titiisin ang lahat, isakripisyo at kalimutan ang pansarili niyang kaligayahan. Sabi nila, masuwerte ka kung may darating na ganitong pag-ibig sa iyong buhay. Sabi din nila minsan din lang ito darating at kung pakakawalan mo maaring hindi na muli pang darating.
Paano nga ba ako maniniwalang may ganoong pag-ibig sa tulad kong lumaki lang sa isang liblib na purok ng dulo ng Pilipinas. Magsasaka ang tatang ko. Magsasakang walang sariling lupa dahil binabayaran lamang siya araw-araw. Lahat ng puwedeng iutos sa kaniya ay ginagawa niya kapalit ng 40 pesos niyang kinikita. Noong bata ako, ang 40 pesos na iyon na kaniyang pinagpaguran sa maghapon ay tama din lang para sa kaniyang bisyong alak at sigarilyo. Kung may maiiwan doon ay siya naman naming pambili ng kailangan sa kusina. Basta hindi dapat maisakrpisyo ang alak niya at sigarilyo dahil katwiran nga naman niya ay siya ang nagpagod kaya nararapat lang na sa kaniya mapunta. Si Nanang naman hayop din kung manigarilyo. Tambutso ang bunganga sa paninigarilyo at sinasabayan din niya ang Tatang sa pag-inom ng alak. Hindi nga lang sila magkaharap kung tumoma ngunit pagsapit ng gabi kapwa na sila lasing at magkakaroon ng mahabang sumbatan sa nangyayari sa buhay namin. Hindi ko naranasan yung lumaki na pinapaliguan ng mga magulang. Basta nang nagkaisip ako, ang alam ko ay kasama ako ng mga hubu't hubad na mga batang nagtatampisaw sa ilog na para bang hindi sila natatakot na ako'y malunod o tangayin ng agos ng ilog. Kapag kainan naman ay lalagyan na lang ni nanang ng kanin ang pinggan ko, hahaluan ng mantika o kaunting asin o kaya ay bagoong, sarap na sarap na ako doon. Kung sa umaga naman ay masaya na ako kung may kape na isasabaw ko sa aking kanin. Pista na nga ring maituturing kung may ginisang sardinas na ihahain. Mula nagkaisip ako ay natutulog akong tanging pagbubungangaan at walang kamatayang diskusyon ang aking naririnig mula sa mga lasing kong nanang at tatang. Hindi ko nakitang naglambingan sila. Kung hindi sila lasing sa tanghali, tama na yung pag-uusap nila tulad ng pagtatanong ni tatang kung may sinaing na at kung ano ang nalutong ulam, sasagutin naman ni nanang na tignan na lang ni tatang sa kusina kung ano ang nakahanda doon at kainin kung anong meron dahil hindi naman sila mayaman.
Walang kuryente pa noon ang baryo namin kaya noong edad anim na taong gulang lang ako ay nakapaa pa ako sa madilim at masukal na daan para makidayo na makipanood sa betamax ng may kaya at may sariling generator sa kabilang baryo. Kung may dalawampiso kang pambayad, papapasukin ka sa loob at kalimitan naman ay wala akong pera kaya naghahanap ako ng butas na puwede kong silipan para lang mapanood ko si Jackie Chan, si Robin Padilla, Philip Salvador, Rudy Fernandez, Bhong Revilla at si Fernando Poe Jr. Ngunit isang araw nang muli akong pumuwesto doon sa sinisilipan ko ay nasarhan na iyon ng napakakapal nilang kurtina kaya sinikap kong pumuslit para makapasok sa loob na hindi nagbabayad. Kapapasok ko pa lamang sa ay bigla na lang hinila ang aking manipis at maduming puting sando at narinig ko pa ang pagkapunit.
"Balak pang pumuslit ng hayop na 'to!"
Hinila ako palabas saka pabagsak na isinara ang pintuan. Pakiramdam ko noon ay parang hindi ako tao katulad ng mga nanonood sa loob. Dahil ba sa wala akong pera kaya wala na din akong karapatang mapanood ang pinapanood nila? Umaatungal ang aso sa labas ng bahay nila. Nabuksan muli ang pintuan nila at napangiti ako. Akala ko ako ang papapasukin pero kinarga ng may ari ang tuta saka tumingin sa akin.
"Ano pang ginagawa mo dito? Umuwi ka na sa kubo niyo, hoy!"
Pagkatapos no'n ay pumasok na siya kasama ng aso. Mabuti pa yung aso kinarga at ipinasok sa loob ngunit ako na tao pinapalayas na masahol pa sa hayop. Bago ako umalis ay nakita ko ang pinagkakainan ng aso, May pansit at ilang buto ng pritong manok na madami pang laman na sa katulad kong mahirap lang ay ulam na din iyong maituturing. Napabuntong-hininga ako. Iisa ang tumatakbo sa isip ko no'n, naiinggit ako sa aso nila. Mas hamak pang masuwerte siya kaysa sa akin.
BINABASA MO ANG
EVERYTHING I HAVE
RomanceMasarap magmahal lalo na kung mahal ka din ng taong mahal mo. Ngunit paano ba magmahal kung ang tamang pagmamahal para sa'yo ay hindi katanggap-tanggap para sa iba. Saan patutungo ang pagmamahal ni Mario kay Gerald sa pagmamahalang tinututulan at ki...