Batang Kriminal Part 5

4K 101 11
                                    


Naging mabilis ang mga pangyayari ngunit hindi ko napaghandaang gapiin ang pagkabigla. Para akong nalusaw na kandila. Sa pagkabigla ay hindi ko nagawang tumakbo o magtago. Nanatili ako doong nakaluhod at yumuko. Mabilis na umeskapo si kuya Berto. Naiwan akong parang walang magawa kundi hintayin ang paghahatol. Naramdaman ko na lamang ang isang malakas na suntok na pinakawalan ni tatang sa aking bibig na dahilan din para tuluyan akong matumba. Hindi ako umiyak. Hindi ko ramdam ang sakit kahit nalalasahan ko ang dugong galling sa aking mga labi. Hinablot ni tatang ang sando kong itim at hinila niya ako pauwi sa bahay.

"Hindi ka talaga magbabago, tang ina mong bakla ka. Makikita mo ngayon kung paano ko puputulin ang pagiging binabae mo tarantado ka!"

Samyo ko ang amoy alak niyang hininga. Alam kong malakas pa siya at hindi pa ginugupo ng kalasingan kaya alam kong alam niya ang kaniyang ginagawa at sinasabi. Nakainom ngunit hindi lango.

Hindi ko nagawang sagutin siya. Ano naman kasi ang sasabihin ko? Paano ko ipagtatanggol uli ang sarili kong hindi na nadala sa mga sunud-sunod na kahihiyang ginawa ko. Kaya noon, walang kahit anong pagtutol o kahit takot sa maaring gawin ni tatang sa akin. Dapat lang akong pahirapan, kailangan kong lasapin ang bunga ng kabuktutang aking ginawa. Hindi ko nagawang lumuha. May mga nakasalubong kaming mga tao habang hila-hila ako ni tatang ngunit nanatili akong nakayuko. Wala akong mukhang iharap sa kanila kahit alam kong hindi nila alam kung ano ang sadyang nangyari. Kinahihiya ko noon ang pagiging alanganin ko, kinahihiya ko ang mga ginawa ko dahil lamang sa panandaliang ligayang hatid ng laman. Anong nangyayari sa akin? Nasaan ang aking talino? Bakit hindi ko nagawang gamitin ito para labanan ang mga tuksong dala ng aking pagiging alanganin? Bakit pagdating sa tukso ng lalaki ay nagiging napakahina ko?

Pagkarating namin sa aming kubo ay malakas akong tinulak ni tatang. Napasubsob ako sa sulok. Hindi pa man ako nakakatayo nang bigla niya akong tinadyakan sa sikmura. Nanlilisik ang mga mata ni tatang noon. Sinasabayan ng paulit-ulit niyang pagmumura at pagkutya sa aking pagkasino.

"Bakla! Binabae! Salot! Malas! "

Lahat ng masasakit na tawag sa katulad ko nasabi na niya. Ngunit sa pagkakataong iyon tanggap ko ang lahat. Hinayaan ko siyang pahirapan ang aking katawan na walang pagtanggi o kahit man lang luha. Iniisip ko noon, kulang pa, kulang pa ang mga papanakit na iyon para tuluyang mabura ang mali kong nakahiligan. Sana sa pananakit ni tatang na iyon ay tuluyan na ring mabago ang takbo ng aking isip lalo na ng aking nararamdaman. Kinamuhian ko noon ang aking pangkalahatan.

"Magsalita ka ngayon! Ano! Tang-ina mong bakla ka! Hindi ka magdadahilan? Akala ko ba matalino ka!"

"Sige lang po tang, saktan niyo lang ako ng saktan! Kung gusto niyo akong patayin, gawin niyo lang, hindi ko kayo sisihin dahil sawang-sawa na din akong mabuhay!" garalgal kong tinuran iyon ngunit buo... matatag... sigurado.

Pagkatapos noon ay isa uling malakas na suntok ang pinakawalan ni tatang. Nang biglang nakita ko na lamang si nanang na nasa pagitan na namin ni tatang.

"Anong ginagawa mo sa anak ko? Anong karapatan mong saktan siya ng ganyan!" pasigaw iyon ngunit ramdam ko kung gaano nasasaktan ang isang inang makita ang anak na duguan ang mukha.

"Bakit hindi mo tanungin sa binabae mong anak kung ano ang ginagawa nila ni Berto sa silong ng tulay!"

Nilingon ako ni nanang ngunit yumuko ako. Tanda ng pag-amin, ng pagsuko at ng pagsisisi. Pati siya ay hinihila ko sa kahihiyan.

"At dahil doon sasaktan mo siya ng ganyan...anong gusto mong mangyari? Papatayin mo siya? Anong karapatan mong pahirapan ang anak ko ng ganyan samantalang hindi ka naman naging tunay na ama sa kaniya?"

EVERYTHING I HAVETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon