Kabanata 29

19 2 0
                                    

"L-Laide? Seryoso ka ba?" Gulat na tanong niya sa akin, napalitan ng gulat na may halong saya ang ekspresyon niya.

Ngumiti ako sa kanya saka marahang tumango bilang sagot. Ngumiti siya na at hinawakan ang dalawang kamay ko, nagulat ako sa ginawa niya pero napangiti na lang ako.

Parang gumaan na ang pakiramdam ko ngayong nasabi ko na sa kanya ang nararamdaman ko. Oo, sinasagot ko na siya. Hindi naman sa nagmamadali akong sabihin sa kanya na sinasagot ko na siya, hindi ko na kasi kayang pigilan ang sarili ko na sabihin sa kanya ang gusto kong sabihin noong nakaraan pa. 

"Anong ibig sabihin nito ay sinasagot mo na ako?" Tanong niya.

Kinagat ko ang ibabang labi ko at marahan ulit na tumango habang nakatingin sa mga mata niya. Mas lalong lumaki ang ngiti niya kaya maging ako ay napangiti na rin. Parang tumatalon ang puso ko dahil sa mga ngiti niyang iyon. Nagulat ako nang bigla niya akong yakapin, natawa ako nang mahina at hinayaang yakapin ako hanggang sa humiwalay siya nang pagkakayakap sa akin.

Umayos siya nang tayo, diretso siyang tumingin sa akin gamit ang seryosong paningin niya. "Gagawin ko ang lahat para sa'yo kahit patago lang itong relasyon natin ay gagawin ko ang lahat." Sabi niya, muli siyang ngumiti sa akin. 

Wala akong pinagsisisihan sa mga naging desisyon ko ngayon dahil ang mga desisyon ko na ito ang nagpasaya sa akin, ayoko nang mag-isip nang kung ano-ano, gusto ko na lang maging masaya kahit alam kong lahat ng kasiyahan ay mayroong hangganan. May hangganan ang kasiyahan kaya hangga't pwede pang maging masaya ay gagawin ko.

Ang dami kong pinalampas na pagkakataon para maging masaya kaya ngayon ay ayoko nang palampasin ang bawat pagkakataon at ang bawat araw. 

Wala akong maisip na sasabihin sa kanya, hindi ko alam kung paano tumugon sa mga nasabi niya. Ilang segundo ang lumipas ay naglakad na kaming dalawa, tahimik lang ako pati si Dariel na naglalakad. Noong malapit na kami sa hacienda ay tinanggal niya na ang kamay niya na nakahawak sa kamay ko para hindi makita ng mga tao, umaarte lang kami na magkaibigan kami sa harapan ng maraming tao pero ang totoo ay mayroon kaming relasyon.

"Saan ka nga pala pupunta mamaya? Sabi mo may pupuntahan ka." Baling ko sa kanya, agad ko ring inalis ang tingin ko sa kanya para makita ko ang nilalakaran ko. 

Ang kapatid niya na si Adeline ay nakita ko noong nakaraang araw na naglalaro kasama ang kapatid niyang si Kylie sa labas ng bahay nila, ang kapatid naan nila na si Rhyzon ay hindi ko nakikitang lumalabas ng bahay nila, noong tinanong ko si Dariel kung bakit ang sabi niya ay hindi sanay si Rhyzon na lumabas ng bahay at kadalasan na nagkukulong sa kwarto niya.

Sa tingin ko ay may pinagdadaanan ang kapatid nila, base kasi sa narinig ko mula kay Dariel ay nasa kwarto lang palagi si Rhyzon at hindi lumalabas, tahimik lang daw siya. Hindi ako sigurado pero parang napagdaanan ko ang napagdaraanan niya ngayon, noong kasing-edad niya ako ay ganoon din ako. 

"Ah, oo, may bagong bukas kasi na pabrika pero lampas pa ng bayan kaya pupunta agad ako pagkatapos kong kumain ng tanghalian para mag-apply ng rabaho. Sayang hindi tayo makakalabas, noh?" Tanong niya at nilingon ako, nilingon ko rin siya saka nginitian.

"Okay lang. Pwede naman tayong lumabas sa ibang araw kapag wala ka nang ginagawa." Ngiti ko na syang ikinangiti niya. 

Kinuha ko ang panyo na nasa bulsa ko saka ipinunas iyon sa noo kong mayroong pawis. Maaraw ngayon pero mamayang gabi ay paniguradong uulan, ganoon naman tuwing gabi, palaging umuulan.

Itinuon ko na ang paningin ko sa daanan, pansin ko ang ilang mga tao na nag-uusap sa paligid namin. Sa tingin ko ay may iba silang pinag-uusapan ngunit hindi ko alam kung ano iyon dahil malayo ako sa kanila, halos palagi namang nag-uusap usap ang mga tao na nandito lalo na ang mga ginang na hindi nawawalan ng mga chismis. 

Threads That BindTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon