Chapter Twenty-Six

164K 5.6K 2.4K
                                    

TRIGGER WARNING: RAPE AND MURDER

* * *

Xanthos Archante

Wala akong pakialam kahit pa habang buhay pa kaming mamuhay ng mahirap, wala akong pakialam kahit minsan wala kaming makain, wala akong pakialam sa kahit anong sitwasyon... basta kasama namin si nanay. Lahat kakayanin ko.

"Nay, nasaan po ang tatay namin ni Xanthos?"

Napatingin kami ni nanay kay Xceron na abala sa paggawa ng pamaypay. Naiinis na binato ko siya ng basahan na nasa tabi ko.

"Sabing tawagin mo 'kong kuya, e!" sabi ko na lang para malayo ang usapan sa tatay namin. "Nay, tingnan n'yo naman po si Ronron, hindi na po nakakatuwa," paghihimutok ko.

"Eh bakit mo ba kasi ako tinatawag na Ronron? Ang ganda ganda ng pangalan ko, e," nakangusong sabi ni Xceron saka binato ako ng pamaypay.

Natawa na lang si nanay habang pinapanood kami. Napatigil siya sa paggawa ng pamaypay at lumapit sa 'min saka niyakap kami.

"Kayo talagang dalawa ang nagtatanggal ng lahat ng pagod ko. Alam n'yo ba 'yon, mga baby ko?" nakangiting tanong ni nanay saka pinupog kami ng halik sa pisngi.

"Nay naman, binata na po ako," sabi ko na lang saka bahagyang tinulak si nanay.

"Anong binata? Gusto mong kurutin ko 'yang singit mo? Hindi pa binata ang 15 years old," napapailing na sabi ni nanay.

Ang totoo n'yan madalas akong mapagkamalang 12 years old o pababa dahil maliit ako para sa edad ko. Nasabi sa 'kin ni nanay na kinulang ako sa buwan noong pinagbubuntis n'ya pa lang ako kaya masyado akong maliit at mahina kumpara kay Xceron kahit mas bata siya sa 'kin ng dalawang taon. Madalas din akong magkasakit kaya palaging napapagod si nanay pagdating sa pag-aalaga sa 'kin.

Gusto ko na agad lumaki para ako naman ang mag-aalaga sa kanya, sa kanila ni Xceron. Kapag lumaki na 'ko, hindi ko na hahayaang mapagod si nanay at magtrabaho.

"Xanthos, Xceron... pasensya na kung kailangan n'yo munang tumigil sa pag-aaral ngayong taon ha? Babawi si nanay next school year. Ibibili ko kayo ng maraming notebook kaya dapat top 1 ulit kayo next year," nakangiting sabi ni nanay saka hinaplos ang buhok namin ni Xceron.

"Nay, okay lang naman po sa 'min. Basta po magkakasama tayo lagi," sabi ni Xceron at nag-thumbs up pa.

Napangiti si nanay. "Siyempre gagawin ko pa rin lahat para mapag-aral kayo. Kasi diba may mga pangarap kayo? Ano nga ulit 'yon?" tanong ni nanay.

"Nay, pangarap ko po maging macho na pulis tapos ipagtatanggol ko ang mga naaapi tapos ikukulong ko 'yung masasamang tao," mayabang na sabi ko. Natawa naman sina nanay.

"Ako 'nay, pangarap ko po maging superhero kagaya ni Superman!" sabi naman ni Xceron. Binato ko siya ng pamaypay.

"Hindi naman pinag-aaralan sa school 'yon, e. Saka hindi na kailangan ng superhero kung may pulis na katulad ko," sabi ko na lang.

Natatawa na lang si nanay habang pinapanood kami. Bahagya n'yang ginulo ang buhok namin ni Xceron.

"Ako naman ang nanay ng future macho na pulis at superhero kaya kailangan mas magsipag ako para matupad n'yo ang mga pangarap n'yo. Kaya kapag pumasok na kayo sa school next year, galingan n'yo ulit. Okay?" nakangiting tanong ni nanay.

"Opo, 'nay!" sabay na sagot naman namin ni Xceron.

Wala kaming reklamo ni Xceron sa simpleng pamumuhay namin. Walang ibang importante sa 'min kundi si nanay. Maski sa tatay namin wala na rin kaming pakialam. Pangalan lang ang alam namin sa kanya, ni hindi namin alam kung ano'ng hitsura n'ya at kahit hindi sabihin ni nanay... alam naming inabandona kami ng tatay namin.

Chasing the Forbidden (SERIE FEROCI 3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon