Ang Tugon ni Herano

7 1 0
                                    

Paumanhin.

Ikaw naman ay aking ginusto't minahal, kay sarap ng kapeng ating tinimpla.

Ngunit alam naman nating ang isang kape ay lalamig din balang araw. 

Kung mahirap para sa iyo'y mahirap din sa akin. 

Tanong ko sa aking sarili: bakit tila ikaw ang palagi kong nakikita? Kahit nasaan man ako ay nasisilayan ko parin ang iyong mukha. Inirog kita, ito ay tunay at walang halong biro.

Inirog kita at kailan man ay hindi mali ang magmahal. Sininta kita at walang mali doon. Inirog kita ngunit sarili ko ay naguguluhan . Walang kulang sa iyo, walang mali. 

Karapat-dapat kang mahalin ngunit hindi ako ang karapat-dapat.

Salamat sa iyong pag-sinta ngunit mas mayroong karapat-dapat sa iyo.Masakit para sa akin ngunit sa atin ay mayroong ibang nakalaan.

Buo at tapat naman ang aking pag-irog ngunit hindi ko lang makita ang kinabukasang tayo ay magkasama. Minahal kita, totoo ang aking naramdaman ngunit masakit sa akin noong nakita kong  ako ay mayroong kahati. 

Naalala mo noong tayo ay nagsisimula pa lamang? Ang aking ligaya'y umaapaw ngunit biglang isang araw, nalaman kong ako pala ay maroong kahati sa iyong puso. Pighati ang naramdaman ng aking puso sa panahong iyon. Humingi ka ng tawad at nakita kong nagbago na ang iyong kilos -ikaw ay naging mas mabuting tao at nalinis mo ang iyong puso para sa akin. 

Napatawad na kita ngunit hindi ko pa rin maalis sa aking isipan ang iyong nagawa.

Tunay bang ako ay naging sapat? Noong una, akala ko ako lamang ngunit bakit ako ay mayroong kahati? 

Napatawad na kita't nabigyan ng pangalawang pagkakataon. Napatunayan mong ikaw ay karapat-dapat sa aking muling pagkakataon. Napatunayan mong ikaw ay nagbago na para sa akin kung kaya't minahal kita ulit. 

Muli kong binuksan ang puso para lamang sa iyo, irog, ngunit tila ako naman ang mayroong nararamdamang mali. Sa panahong ikaw ay nagbago para sa ating pagsinta't relasyon, tila ang puso ko naman ang sumusigaw ng papaano kung maulit muli ang kanyang ginawa?

Ika'y sinisinta ngunit tila sarili ko naman ang mayroong problema.

Paumanhin. Patawad. Paalam.

Paumanhin sapagkat hindi ko alam na mararamdaman ko ang mga bagay na hindi dapat. Pinagkatiwalaan kita muli, ngunit, hindi ko mawari ang aking pakiramdam.

Patawad sapagkat noong inayos mo ang iyong sarili para sa pag-iirogan natin, ako naman ang hindi mapakali.

Alam kong masakit. Alam kong nasasaktan ka ngunit magiging mas mahirap ang mga bagay kung ating papatagalin pa. Paalam sapagkat hindi man tayo naging opisyal, naramdaman ko ang pag-ibig mong alay. 

Inuulit ko, napatawad na kita at lalong walang mali sa iyo sapagkat naging mabuti ka sa akin. Ikaw ay nagsisi, nagpakumbaba, nagbago, nanumpang hindi na uuliting manloko, at namuhay sa pangakong magiging mabuti. 

Nakita ko ang iyong pagbabago para sa atin at, higit sa lahat, para sa iyong sarili. 

Marahil, ngayo'y hindi mo maintindihan ang aking mga dahilan, hindi ko itatangi minahal kita ngunit hangad at kailangan kong lumayag. Nawa'y iyong maunawaan. 

Patawad sapagkat noong ikaw ay naging maayos, ako naman ang naging magulo. 

Pinapahintulutan ko na ang ang aking sarili na bitawan ang ating kape. Marahil sapat na ang munti't minsang masilayan ang makisig mong wangis at madama ang iyong mga kamay. Kahit hindi man tayo naging opisyal na naging  magka-sintahan, marahil sapat na ang minsang tayo ay nagmahalan. 

Hindi ko malilimutan ang minsang tayo ay nagkasalo upang uminum ng kape. 

Kung mayroon mang mag-aalay ng kape sa iyo ay huwag mong tanggihan. Huwag mong ikulong ang iyong sarili sa ating nakaraan. Huwag mong ipagbawal ang puso mong umirog muli.  

Panahon na upang tayo ay mag-kape nang hindi magkasama. Marahil, panahon na rin upang bitawan mo ang ating tasa. 

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Aug 09, 2021 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Kape at SanaysayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon