Munting Paraiso

21 0 0
                                    

BALISANG naglalakad si Jason mula sa malakas na ulan na pumapatak ngayong gabi. Bukod sa malalaking patak ng ulan ay ang makapangyarihang kulog at kidlat. Ang hangin ay galit na galit tila handang magpalipad ng kahit sino o ano.

Pagkaraan ng ilang minutong paglalakad galing sa gubat ay tuluyan nang pumasok si Jason sa isang maliit na bahay kung saan siya nakatira. Ang bahay na ito ay halos hindi kapansin-pansin mula sa gubat. Isa itong simpleng tahanan kung saan gawa ito sa matitibay na kahoy at yerong bubong.

Nakatulala lamang siya sa kawalan. Basang basa ang sarili at may putik sa kanyang talampakan. Umupo siya sa salas, nang walang pakialam sa kaniyang basang damit.

Wala sa sarili siyang tumawa na tila nababaliw sa sariling pag iisip. Tanging siya lamang ang nakakaintindi sa sarili niya.

Napapikit siya ng panandalian, ninanamnam ang lamig ng gabi. Ngunit agad din nito iminulat ang mga mata nang makarinig nang malalakas na katok mula sa labas ng kanyang pinto.

Sino naman ang bibisita ng ganitong oras? isip ni Jason. Napabusangot si Jason bago tumayo upang silipin ang kumakatok mula sa bintana.

Pagsilip niya ay wala namang siyang nakita ni isang anino ngunit hindi ito natakot pagkat naisip niya na baka dala lamang ng malalakas na patak ng ulan kung kaya't hindi niya ito makita.

"Sino 'yan?!" sigaw niyang tanong sa kumakatok. Dahan-dahang huminto ang pagkatok kaya labis ang inis na naramdaman nito bago bumalik sa salas.

Nag simula ulit ang desperadong pagkatok mula sa pinto. Tila sinampal siya ng isang malakas at malamig na hangin na bumalot sa kaniyang katawan at bumilis ang tibok ng kaniyang puso habang unti-unting nawala ang kulay ng kaniyang mukha.

"Sino 'yan sabi eh!" buong lakas na sigaw na pagtatanong ni Jason para maitago ang takot na kaniyang nararamdaman. 

"Jason... anak!" Nanglaki ang mga mata niya nang marinig ang boses ng babae mula sa nakasaradong pinto.

'Na... ay?

Kahit na matagal na niya itong hindi nakasama, hinding hindi niya makakalimutan ang tinig ng sarili niyang ina.

Pinagpapawisan na siya nang malamig at pabilis ng pabilis na ang tibok ng puso niya. Nanlalambot ang mga tuhod ni Jason, hindi na niya mawari kung ano ang gagawin niya. Papapasukin niya ba ito o hahayaang mag-isa sa labas habang umuulan?

Bakit nga ba ito nagbabalik kung pinabayaan lamang siya nito noong siya ay nawala?

***
Madalas mamasyal ang mag-ina sa tabing dagat kung saan may gubat na malalaking puno at iba't ibang halaman. Ito ang kanilang bonding na nakasanayan simula noong iwanan sila ng kanyang ama. Dito nila nailalabas ang kanilang damdamin kahit pa magsisigaw sila.

"''Nay! Taguan tayo," sabi ng maliit na batang Jason habang nakangiti.

Bahagyang hinaplos ni Aling Nela ang buhok ng kaniyang anak. "Delikadong magtago sa gubat anak, baka hindi na kita makita pa muli." Mahinhin nitong pagtanggi sa anak.

Sumimangot si Jason sa katagang iyon, ito ang unang beses na tinanggihan siya ng kanyang ina. Hindi niya lubos maintindihan kung bakit sa simpleng laro na lamang ay tinanggihan pa siya nito.

Sumama ang loob ni Jason sa ina. Tinignan niya ang gubat kung saan naisip niya kung ano bang meron sa gubat na iyon kung kaya't tinanggihan siya ng kanyang ina hanggang sa naisipan niyang tumakbo patungo roon.

Nabitawan ni Aling Nela ang kanyang hawak na pagkain sa nakita.

"Jason! Anak!" Nangibabaw ang sigaw ni Aling Nela upang pigilan siya, ngunit mas binilisan pa niya ang pagtakbo hanggang sa makapunta siya sa lublob na parte ng gubat, kung saan hindi na niya marinig pa ang boses ng ina.

Nilibot niya ang kanyang paningin, matatayog na puno, mahamog na hangin at nakakikilabot na katahimikan. Ang kapaligiran ay tila mamasa-masa kung kaya't parang may makakapal na pawis ang bumabalot sa balat ni Jason.

"'Na... ay?" Nanginginig niyang sambit, unti-unting namumuo ang kanyang mga luha mula sa kanyang mga mata.

Nagsimula na siyang humikbi, "NAY!"

Lumalim na ang gabi ngunit hindi pa rin niya nakikita ang kaniyang munting nanay, ngunit alam niyang hahanapin siya nito. Malakas ang tiwala niyang nag aalala na ito sa kaniya at marahil maya-maya ay mahahanap na siya nito. Ito ang huli niyang naisip bago tuluyang mawalan ng malay.

Kinabukasan, nagising siya sa lugar kung saan siya unang nawala, ngunit wala pa rin ang kaniyang ina o kahit anumang nabubuhay na nilalang doon. Alam niya na nag-iisa lamang siya hanggang sa unti-unti siyang nawalan ng pag-asa.

Lumipas ang ilang araw at gabi — ngunit wala pa ring sumasagip sa kaniya. Ilang hayop na rin ang kaniyang kinatay at kinain upang mamuhay mag-isa sa kagubatang iyon. Wala na siyang pakialam sa buhay na kanyang kinikitil basta makuha lamang niya ang kaniyang ninanais.

Para sa kaniya, walang saysay ang kanilang buhay tulad ng pag-iwan ng kanyang nanay na tila wala itong halaga sa kaniya.

Ano nga ba ang saysay ng buhay kung wala ka namang naidulot na mabuti?

***
"A-anak! B-buksan mo itong pinto at ako'y iyong papasukin! Matagal tagal na kitang hinahanap!" samo nito ang panginginig na boses.

"Hindi! D'yan ka lang! 'Wag na 'wag kang papasok!" Tinakbo niya ang pinto at sumandal doon. Labis ang kanyang pangangamba na baka magawang buksan ng nanay niya ang pinto at tuluyang makapasok.

Mabuti nang sigurado.

Narinig niya ang hikbi ni Aling Nela, "A-anak! Pakinggan m-mo ako. Hindi ko na kakayanin ang lamig-"

"Ano ngayon?! Noong iniwan mo ako dati sa gubat na ito, hinanap mo ba ako? Hindi ba't hindi?! Bakit ngayon ka pa nagpaparamdam?"

"Maawa ka sa akin! Hinanap kita sa abot ng aking makakaya, ngunit hindi ko kinaya," Umiiyak nitong saad.

"Umalis ka na! Hindi ko kailangan ng inang katulad mo!"

"Jason... anak, ni isang beses hindi kita sinukuan. N-nagpatulong ako sa mga pulisya ngunit kahit anong gawin namin, h-hindi pa rin kita nakita. Ni mahawakan o maiyakap h-hanggang sa huling hininga ko ay hindi k-ko na nagawa pa."

Nanghihinang dumausdos ang katawan ni Jason hanggang sa mapaupo siya sa sahig habang nakasandal pa rin sa pinto. Bumagsak na ng tuluyan ang mga luhang kanyang pilit na itinatago.

"Umalis ka na." Pagmamatigas ng loob ni Jason, taliwas sa puso niyang dahan-dahang bumibigay na sa pang uulila niya sa kaniyang ina.

"Jason, n-ngayon lang ulit kita makakasama. Pagbigyan mo na ako, m-makakapasyal na tayo muli sa dagat. P-pagbibigyan na kita sa iyong gusto! Magtagu-taguan tayo!"

Tuluyan nang nanglambot ang puso ni Jason para sa kaniyang ina. Bagama't matagal na niya itong inantay at tinaniman ng sama ng loob, alam niya sa kaniyang sarili at puso na isa pa rin siyang anak na naghahangad na makasama ang kaniyang ina hanggang sa huling sandali.

Binuksan niya ang pinto, isang babae na may mahabang bestida at buhok ang kaniyang nakita na basang basa sa ulan. Ngunit sa kabila ng lahat ng ito ay nakangiti siya na parang isang anghel mula sa langit.

"'Nay!" sigaw ni Jason saka niyakap ng mahigpit ang ina. "Patawad 'Nay! Patawad."

Yumakap pabalik si Aling Nela, "Lagi mong tatandaan anak, walang sinumang nanay ang makakatiis sa kaniyang anak. Halika, sumama ka na sa akin."

Tumingin si Jason sa kaniyang ina at ngumiti nang pagkatamis tamis, "Sumama ka sa ating munting paraiso,"

"Patungong kalangitan."

THE END.

Munting ParaisoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon