Ch. 17

9.7K 248 13
                                    

Unedited: I'm belly belly sorry!

Florrence

Dalawang araw ang matulin na lumipas. Abala sina Tyrone at Alpha Zeann sa pagpaplano nila para supilin ang mga rogues na nagbabantang manalakay sa kanilang mga bansang nasasakupan.

Napansin ko rin ang paghigpit ng seguridad sa paligid. Nadagdagan ang mga lobong nagbabantay sa labas ng bahay ni Tyrone.

Si Stacey at Sid, ang dalawa sa tatlong bantay na itinalaga sa akin ni Tyrone, ang nagbabantay sa akin ngayon. Dalawampu't-isang oras na silang gising masiguro lamang na hindi sila malingat sa pagbabantay sa akin. Minsan kasi ay wala si Tyrone sa bahay at nakikipagpulong kasama ang ibang Alphas.

"Matulog muna kayo, o hindi kaya ay kumain. Ano ba ang gusto ninyong kainin?" Tanong ko sila nang makababa ako sa hagdanan. Buong gabi silang nanatili sa bahay, alam kong pagod na rin sila at gusto nang umuwi.

"Okay lang kami, Luna. Paparating na rin naman si Cody. Inikot lang niya ang hangganan malapit sa bahay ni Alpha Tyrone para masigurong walang makakalusot na rogue." Magalang na tanggi ni Stacey sa aking alok.

"Ano ba ang nangyari? Noong isang araw ay parang normal lang naman ang lahat, hindi ba?" Tanong ko sa kanila. Nagkatinginan sina Stacey at Sid bago ako sinagot ng lalaki.

"Noong isang araw, habang pabalik na si Yra ng Auota...tinambangan siya ng higit-kumulang dalawampung rogues nang lumampas na siya sa hangganan ng Baron." Imporma sa akin ni Sid na nakayuko. Labis akong nagimbal sa kanyang sinabi.

Si Yra?

"Napaano siya? Kamusta siya?" Hindi ko mapigilang kabahan sa maaaring sinapit ng dalaga. Kahit na ganoon ang pakikitungo niya sa akin, hindi ko naman maitatanggi na ilang beses na rin niya akong iniligtas...sa paraang alam niya.

"Ayos lang siya. Nagkaroon lang ng konting kalmot at daplis. Mabuti na lang at narinig ni Alpha Zeann ang komosyon at nasaklolohan si Yra." Nagtagis ang bagang ni Stacey nang sabihin iyon.

"Kaya ba biglang humigpit ang seguridad sa Baron?"

"Oo. At hindi lang sa Baron. Maging ang Auota ay naalarma sa ginawa ng mga rogues. Hindi ito papalampasin ng Konseho. Sinubukan nilang patayin ang isa sa reaper ng konseho, ngayon ay pagbabayaran ng mga rogues ang kapangahasan nila." Ani Sid.

"Si Riske?" Bigla ay tanong ko sa kanila.

"Umuwi siya ng Auota nang malaman niya ang nangyari kay Yra. Isa siya sa nangunguna sa pagtugis sa mga rogues ngayon. Maging si Niel nakalimita'y nagbibigay lang ng utos, ngayon ay nanguna na rin mismo sa pagtugis sa mga rogues." Ani Stacey saka napatingin sa gawi ko.

"Anong nangyari sa mga nakasagupa ni Yra? Nakulong ba sila? May impormasyon bang nakuha mula sa kanila" Sunod-sunod ang naging tanong ko sa kanila.

Magkapanabay na umiling sina Stacey at Sid sa katanungan ko. "Patay na ang lahat ng rogues na umatake kay Yra pagdating namin. Napatay na silang lahat ni Alpha Zeann."

Para akong nanlamig sa narinig. Pinatay lahat ni Alpha Zeann? Oo at wala akong duda sa lakas at kakayahan ni Alpha Zeann, pero hindi ko pa rin maiwasan ang panginginig maisip lang na kaya nitong pumatay ng ganoon na lang.

"The borders are clear. You two can go home now." Napalingon kaming lahat sa boses na nagsalita. Kapapasok lang ni Cody sa kabahayan. Isinuklay pa ni Cody ang kanyang mga daliri sa kulay-pulang buhok niya. Sumaludo siya kina Stacey at Sid at nang humarap siya sa akin ay dahan-dahan itong yumuko. "Magandang umaga, Luna."

"Magandang umaga rin. Maaari na sigurong umuwi sina Sid at Stacey. Alam kong pagod na sila. Kailangan na rin nilang magpahinga." Sabi ko sa kanila saka nagtungo sa kusina. "Pero bago iyon, ipagluluto ko muna kayo ng almusal."

Tyrone: Dark Series Book 1 (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon