CHAPTER 01: A brother's love

14 3 0
                                    

Liam Oliveros

"PATULOY pa ring iniimbestigahan ng National Bureau of Investigation o NBI ang ninakaw na limangpung milyong piso sa Bangko ng La Trinidad noong Disyembre nito lamang nakaraang taon. Maaalalang pinagbintangan at pinaghinalaan ang estudyanteng si Zoe Adamson sa nangyari pagkatapos niyang magpakitang gilas sa pagha-hack sa isang paligsahan sa kanilang paaralan. Ngunit sa isinagawang imbestigasyon ni Inspector Bruce Carpio at mga kasamahan sa NBI-Cybercrime Division, nilinaw nilang hindi si Zoe ang salarin sa pagnanakaw. Sa ngayon ay hindi pa natutukoy ng NBI kung sino― o kung sinu-sino― ang kumuha ng 50 million pesos ngunit ayon sa kanila hindi sila titigil, kahit na sabihin pa ng iba na maliit lang ang halaga ng ninakaw na—"

Sunod ko na lamang natanaw ang problemadong repleksiyon ko sa TV nang bigla itong i-off ng taong kakarating lang.

Hindi naman ako umimik sa pagkakaupo ko nang dumaan siya sa harap ko para tanggalin ang saksakan ng TV.

"Imbes na paulit-ulit mong pakinggan ang nawawalang 50 million, magbihis ka na lang pare at magtrabaho na tayo. Bigatin ang mga customer natin ngayon. Malaki-laki ang makukuha nating pera," wika ng taong nag-off sa telebisyon. "At saka noong December pa ang balitang 'yon, hindi man lang nagka-progress ang NBI. Para rin namang matutukoy pa nila ang hacker."

Mag-iisang buwan na palang umeere ang mainit na kaso ng nangyaring pagha-hack sa Bangko ng La Trinidad. At dahil pera ito ng mga magsasaka at mga ibang politicians sa probinsiyang iyon, naging mainit ang isyu lalo na't laganap ang mga kaso sa online hacking at stealing sa bansa.

"Sa tingin mo, Makoy? Sa'n kaya gagamitin ang malaking halagang 'yon?" tulalang tanong ko sa aking kaibigan.

Nakatitig lamang ako sa kaniyang likuran habang nakatungkod ang aking kamay sa  pisngi at naka-dekuwatro ang paa.

"Malay ko ba, p're! Baka ginastos noong Christmas o kasalukuyang winawalgas ngayong New Year," tugon niya.

Abala siya sa pag-connect ng kaniyang cellphone sa Bluetooth speaker. Maghahating-gabi na nga lang, magpapatugtog pa siya. E' rinig na nga namin dito sa staff room ang pop-rock music ng bar. 'Di nga lang kalakasan.

"O baka hindi pa ginagamit at naghahanap ng pagkakataong i-withdraw," pagpapatuloy niya. "Mahihirapan silang ilabas 'yon lalo na't alerto ang mga NBI. Maghihinala sila kung biglang may ilabas na ganoong halaga."

Huminga ako nang malalim at mapait na napakuyom ng kamao.

"Sana ako na lang nakakuha no'n, p're. Kahit mga five percent, malaking tulong na sa 'min," malungkot kong hiling.

Lumingon sa akin si Makoy at matamlay na ngumiti. "Magkano nga ulit ang kailangan para sa kidney operation ng kakambal mo?"

"Isang milyon... pero kailangan pa naming ng mas higit do'n. Lubog na kami sa utang buhat ng mga nagastos sa pagpapa-checkup niya sa mga nakaraang taon. Hindi pa kasali sa isang milyon ang mga hospital fees at ibang gamot," mabigat sa dibdib kong sagot.

"Pilay na pilay na nga ang mga magulang ko sa kakahanap ng perang magagamit. At konti na lang malulumpo na rin ako sa kaiisip at katatrabaho para makatulong," pagpapatuloy ko.

"Chair up, Liam!" masiglang wika niya sabay taas pa ng kamay na parang naglalaro ng Hephep-hooray.

Nagpipigil naman akong humagikhik sa sinabi at ginawa niya. Kung hindi lang siya nakasuot ng pambabaeng kasuotan baka humagalpak na ako sa tawa.

"Mga bibigating half-half na foreigners ang customer natin," dugtong pa niya at mala-supladang biglang hinawi ang blondeng wig niya sabay isinasayaw na pinapakita sa akin ang nakabukas na cellphone. "Malay mo maka-jackpot ka ngayong gabi."

Cross-dresser Wife of Mr. BillionaireTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon