F1: Akala ko

3 0 0
                                    

Simula pagkabata hindi ko naranasan ang hirap. Madalas sabihin ng aking ama at ina na ang mga bata raw ay dapat walang ibang iniisip maliban kung anong supresa ang nag-aabang sa kanila sa kinabukasan. Hindi man lahat ng luho ko ay ibinibigay nila, pinuno naman nila ng pagmamahal at paninigaw hanggang mabingi ang aking mga tainga ang aking pagkabata. Makulit kasi ako at strikto naman sila. Hindi ko naman sila masisi dahil madalas uuwi ako sa bahay na bangas ang mukha. Dahil kahit babae ako, masyado akong mapaglaro.

Sabay kaming natawa ng pinsan ko matapos naming magpagulong-gulong sa damuhan at di na namalayang mag-aalasais na pala ng gabi. Tiyak mapapagalitan na naman ako. Matapos ihatid ay huminga ako ng malalim sabay inihanda ang aking tainga sa "ratatat" ng aking ina samantalang bubuhatin naman ako ng aking ama at hahalikan saka itatanong kung kamusta ang aking araw. Isang regular na pagkakasunod-sunod ng aking kabataan maliban kung magagalit sa akin si papa at paluluhurin ako sa munggo sa harap ng birheng Maria at pahahawakin ng dalawang libro sa magkabilang kamay upang pagsisihan ang aking nagawang kasalanan.

"Kapag lumaki ako, hindi ninyo na ito magagawa sa akin. Kapag kumikita na rin ako ng pera, hindi ko kayo bibigyan," pagluha ko, isang batang tila pinagkaitan ng lahat sa kanya.

Matapos ang ilang oras na pagluhod ay bumakat na sa aking mga tuhod ang munggong hindi pa yata ako lulubayan dahil dumikit sa aking balat. Nanamamanhid ang aking mga kamay dahil sa mabigat na librong hawak ko ng ilang mga oras. Sinabi ni papa, isipin at humingi ng tawad sa aking mga kasalanan subalit dahil laki sa pagmamahal, hindi ko alam kung ano ang ikabubuti noon. Hindi ko pinahahalagahan ang pagkakataong ibinigay sa akin.

Noong magsimula na ang pasukan ay hindi ako palaaral. Masaya na ako sa inaabangan kong uwian dahil doon ko lamang nararamdaman na ako ay malaya. Sa malawak na bahagi ng aming paaralan nagsimula akong tumakbo at makipaghabulan hanggang sa...

*BLAG*

Nagising ako sa nag-aalalang mukha ng aking mga magulang. Muling umusbong ang inis sa aking kalooban. Bakit ba pinalaki ninyo akong mahina ang pangangatawan? Bakit sa lahat naman ng ipapamana ninyo sa akin ay asthma pa? Matapos ang nangyari, tila isa akong malayang ibong inihawla sa takot na makaalpas. Simula noon, naging limitado na ang paglabas ko upang malaro kaya nagugol ako sa panonood ng telebisyon. Nagagalit ang aking mga magulang sa tuwing hindi ko sila marinig kung may iuutos kakapanood ko, subalit anong magagawa ko? Matapos pagkaitan ng kaligayahan, ito na ang pinagbalingan niyon.

"Kung malaki na sana ako, edi sana kaya ko na rin gawin ang gusto ko. Lumabas ng bahay at bilhin lahat ng gusto ko," usal ko, isang bata na wala pang kamalay-malay sa tunay na mukha ng buhay.

Nagsimula nang mag-aral sa sekondarya ang dalawa kong mga kapatid at naiwan ako sa aking gurong ina. Hindi pa rin ako nag-aaral subalit nakakapasok sa mga batang nagtala ng magagandang marka. Iyon nga lang noong ako'y nasa ikaanim na baitang, hindi ako nakaabot sa Top 10 kaya hindi ko naranasang tumayo sa stage. Hindi ako nagsisisi, masaya ako sa buhay ko.

"Tiyak na maganda ang kinabukasan ko sapagkat ako ay napakatalino. Paano kaya kung yumaman ako? Bibili ako ng maraming bahay, lupa at tig-iisang kotse na ipagmamayabang ko sa aking pamilya." mapagmalaki kong wika, isang batang mapagmataas dahil hindi pa nakakaranas ng hirap.

Noong tumuntong ako ng sekondarya, hindi ako pumasok sa Section A dahil alam ko na walang ibang ginawa ang mga tao doon kundi makipagkompetensiya sa isa't isa. Ayoko ng ganoon, nag-aaral ako habang nagsasaya, hindi nag-aaral para patayin ang natatanging buhay sa loob ko. Sa unang taon ay naungusan ko ang mga nasa Section A kahit pa nasa Section B ako kaya sa ikalawang taon ay inilipat nila ako sa Section A. Masaya? Hindi, sapagkat tama ang aking hinala.

"Akala ko ba matalino ka? Sabi na nga ba, sinwerte ka lamang noong nakaraang taon," bulong ng aking katabi na hindi nalalaman na ang matabil niyang dila ay sumaksak sa akin.

Random Stories of Suicidal PenTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon