Sa pagtama ng mga mata ko sa suot na itim na jacket at pantalon ni Greg sa paglalakad niya papaalis ng barko kasabay ng iba pang mga taong galing sa Maynila, tingin ko ay maraming nagbago sa kaniya. Mas naging ganap na nga siyang binata kung tingnan. Nakakabwisit pa lalo ang ngisi niya na nakaguhit na naman sa kaniyang labi. Ngunit minsan nagugustuhan ko kapag ganoong may ngisi siya sa labi kasi lalong lumilitaw ang taglay niyang kaguwapohan.
Noong bata pa kami ay iba na ang ngisi ni Greg. At nang mga panahong disinuwebe na kami pareho mas doble ang ipagkahulugan ng kaniyang ngisi. Anim na taon nang huli kaming magkita kaya siguradong marami siyang bitbit na kalokohan.
Hindi rin maiiwasan ang mabilis na pagtibok ng puso sa likod ng aking dibdib. Tila eksayted din akong makita siya kahit hindi naman talaga masasabing kami ay magkaibigan. Hindi ko talaga maiwasan na makaramdam ng ganoon kasi mula nang hindi ko na siya makita may isang bagay akong napagtanto --- siya ay aking nagugustuhan.
Sadyang mapaglaro nga naman ang tadhana dahil sa kaniya pa ako nagkagusto na isang lalaki. Hindi ko maintindihan bakit sa kaniya pa talaga samantalang siya iyong taong walang alam kundi pagtawanan ako. Marahil iyon nga ang nagustuhan ko kasi kahit nilalait niya ako nabibigyan niya ako ng atensiyon kahit papaano.
Tila sasabog na ang aking puso kung hindi ako lalayo sa kaniyang paglapit.
Kumakaway pa siya kaya napalingon ako sa aking tabi.
Akala ko pa nga ay ako ang kinakawayan niya pero ang tatay ko pala na kaway nang kaway din. Masaya ang tatay ko na makita ulit ang inaanak niya.
Ang malas lang dahil isinama pa talaga ako para sunduin si Greg. Kailangan kong sumunod baka mabatukan pa ako ng mabait kong tatay. Maliban sa pagiging drayber ni tatay sa pamilya ni Greg, matalik na magkaibigan pa ang tatay ko't daddy ni Greg na mayor ng San Martin.
"Kumusta na ninong?" agad na bati ni Greg nang tuluyan siyang makalapit at niyakap si tatay na medyo pumuputi na ang buhok sa itaas lang ng tainga.
Minsan nga ang naiisip ko ay mag-ama ang dalawa't nagkapalitan lang ang mga magulang namin sa hospital. Parehas ang araw na kami ay ipinanganak ni Greg kaya ganoon na lang ang tuwa ng mga magulang namin. Sa umaga lang siya samantalang ako ay sa gabi. Tinatawag nga niya akong anak ng dilim. At isa lang iyon sa mga panglait niya sa akin. Kung ililista ko ang lahat siguradong puno ang isang pahina na papel.
"Okay naman ako. Ikaw ba? Ang laki mo ng bata ka," ang masayang saad ni tatay matapos ang yakap. Tumaas nga si Greg pero tantiya ko parehas lang kami na nalampasan ang taas ng tatay ko.
"Masaya po ako na nakauwi na rin," ani Greg. Ang mga mata niya'y sa akin na nakatutok.
Kita ko ang pagtataka sa kaniyang mukha. Itinulak ko ang suot kong reading glass para kung may sabihin siyang hindi maganda kaya kong tanggapin. Ngunit hindi ko nakaya ang mga sumunod niyang sinabi. Ang buong akala ko naman kasi ay nagbago siya nang kaunti ngunit nagkamali ako.
"Buti nga pumayag na si pare," ang natatawang saad ni tatay sa kaniya.
Pagkatapos nang nasabi ni tatay sa akin na nabaling ang atensiyon ng dalawa.
"Sino ho ba ito 'nong?" Nabigla ako sa sinabi ni Greg. Napakaimposible namang hindi niya ako nakilala. Samantalang noong bata kami parati niya akong pinagtritripan. Hindi ko na isinumbong kay tatay dahil panigurado hindi naman ito maniniwala at pagtatawanan pa niya ako.
Nakaturo talaga ang hintuturo ni Greg sa akin. Ang sarap kagatin hanggang maputol na parang hotdog. Hindi naman galit ang nararamdaman ko kasi iba iyon, naiinis lang talaga ako madalas sa kaniya.
"Nakalimutan mo ang anak ko pumunta ka lang ng Maynila." Natutuwa talaga si tatay. Hinayaan ko na kung doon ito masaya.
"Sinong anak? Si Levi?" Nakaramdam ako ng kompiyansa sa sarili nang sabihin niya ang pangalan ko na agad namang nawala dahil sa naging klase ng tingin niyang basang-basa ko na. Tumango si tatay bilang sagot at doon na pumalatak ng tawa si Greg. Ang tawa niya ay ang lakas na tila galing siya ng kuweba, kita ngala-ngala pa. "Ang itim mo na Levi! Pota! Dagat ba ang pinapaligo mo? O hindi ka naliligo?"
BINABASA MO ANG
Ang Magnanakaw Sa Dilim #BoyxBoy [Completed]
Fiksi RemajaAng pag-ibig ay isang mistulang magnanakaw sa dilim dahil hindi mo siya mapaghahandaan kung tatamaan ka na. Malalaman mo na lang umiibig ka na sapagkat nakakaramdam ka na ng kirot at ligaya.