08

130 9 1
                                    

Unti-unting lumiliwanag ang kalangitan. Mukhang titila na naman ang ulan pero wala pang nababanggit ang lalaking ito tungkol sa kinalaman ko sa ulan. Nangunot ang noo ko nang iabot niya sa akin ang kanang kamay niya.

"Nais mong sumama sa akin?" tanong niya sa mas mahinahong boses. Nagsisitaasan ang balahibo ko sa katawan kapag naaalala ko kung saan kami galing kahapon. Baka ibang nilalang na naman ang makasalamuha ko.

Mabilis kong inilagay ang mga kamay ko sa likuran ko habang masamang nakatingin sa kanya. "Hinding-hindi na ako sasama sa 'yo. Baka mapahamak na naman ako."

Tumango siya at saka binawi ang kamay niya. Nagpamulsa siya at saka tumabi sa akin, sa silong ng bubong. Bahagya akong humakbang pagilid para makalayo sa kanya. Nakatingala siya sa kalangitan, pinagmamasdan ang buhos ng ulan. Ang payapa ng mukha niya.

"Hindi ko sinasadyang malagay ka sa alanganin. Maniwala ka, hindi ko iyon nais na mangyari."

Lalong kumunot ang noo ko. "Bakit parang kung magsalita ka, concern ka sa akin?"

Nilingon niya ako kaya napalunok ako. Kahit g'wapo siya at mukhang foreigner, nakamamangha naman ang pananalita niya ng purong Filipino. Hindi siya nabubulol. "Hindi ko rin alam, Ulan," mahinang sagot niya.

Hindi agad ako nakakibo. Pinanliitan ko muna siya ng mga mata kasi baka niloloko niya ako. "A-ano ba talaga ang kinalaman ko sa ulan?"

"Nais ko ring malaman ang kasagutan. Ngunit ikaw lamang ang makapagdadala sa atin sa bagay na iyon."

"Bakit ako? Hindi ko nga alam kung paanong nakikita at nakakausap kita," hindi makapaniwalang wika ko.

Tumango siya. "Isa lamang ang paraan upang malaman." Mabagal niyang inabot sa akin ang kanang kamay niya at pareho na kaming nakatingin doon. Napakurap-kurap ako nang makitang walang guhit iyong palad niya. Ngayon ko lang ito napansin.

Umawang ang bibig ko sabay turo sa palad niya. "Ang daming kakaiba sa 'yo," kinakabahang wika ko. "Kapag kusa kitang hinahawakan, nagiging tubig ka. Wala rin akong reflection sa mga mata mo. Tapos iyan, wala kang guhit sa palad." Nanlalaki na rin ang mga mata ko habang palipat-lipat ang tingin sa kamay at sa mukha niya.

Napansin ko ang mabagal na pagkunot ng noo niya habang nakatingin sa palapulsuhan ko. "Saan mo iyan nakuha?"

Tinutukoy niya ang marka ng pagkakagapos sa akin ng tikbalang na iyon. Napahawak ako sa peklat kong 'to. "Kagagawan 'to ng tikbalang na 'yun."

Gulat siyang napatingin sa akin habang medyo nakaawang ang bibig. "Nadadala mo ang mga bagay na nangyayari sa iyong katawan tuwing nagtutungo tayo sa ibang lugar?"

"So hindi mo 'to alam?"

Umiling siya habang hindi pa rin kumukurap na nakatingin sa akin. "Tulad ng aking sinabi, ngayon lamang may isang nilalang na nagawa akong kausapin."

Natahimik kami habang nasa malalim na pag-iisip. Hindi ko na nga alam ang iisipin ko. So wala rin siyang alam sa mga nangyayari sa amin. O baka minamanipula niya lang ako. Hindi ako p'wedeng magpa-uto sa kanya.

"Hindi mo ako maloloko," mahinang wika ko at saka mabilis na naglakad papasok ng building. Sinabi ng matanda kanina na ginagamit niya lang ako. Hindi ako magpapagamit. Paano kung may gagawin siyang masama? Tapos dinadamay niya pa ako.

Kahit mukhang inosente ang mga mata niya, hindi niya ako madadala roon.

"Hindi kita niloloko," wika niya kaya halos mapatalon ako sa gulat. Muntik pa akong malaglag sa hagdan habang pababa ako, mabuti na lamang at nahawakan niya ang mismong kamay ko.

Halos malaglag ang panga ko nang biglang nalaglag kami nang sabay sa tubig. Agad akong lumubog sa tubig tapos nabitawan niya ako. Masyadong malakas ang alon ng tubig, hinihila ako nito papalubog. Hindi rin ako marunong lumangoy kaya hindi ako makaahon. Hindi na ako makahinga. Nakakainom na ako ng tubig dagat. Oo, maalat kasi. Hindi ko magawang dumilat.

Curse Of The Rain (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon