Chapter 1

15 2 2
                                    

Chapter 1

Ivan's POV

Kauuwi ko palang galing sa night market na pinuntahan namin ni Hara. Masaya at nakaka-enjoy. Hindi boring ang gala namin pero hindi ko lang masyadong nagustuhan ang pagiging clingy niya.

"Kuya, matutulog ka na ba?" tanong ng kapatid ko. Nakatayo siya sa pinto at magulo ang mahaba niyang buhok. Parang nagising lang siya dahil sa ingay ng pagbukas ng pinto noong dumating ako.

"Oo, bakit?" tanong ko rin pabalik sa kaniya.

Lumapit siya sa akin at naupo sa tabi ko. "Tabi tayo," sambit niya gamit ang maliit niyang boses.

"Oh sige ba. Basta sa lapag ka," maliit man ang kamay niya ay mabigat ang pagpalo niya sa balikat ko. Tumatawa lamang ako habang nakairap siya sa akin. "Joke lang, halika na."

Nakapuwesto siya sa tabi ng pader upang hindi siya mahulog. Ako naman ay nasa gilid upang harangin ang malilikot niyang paggalaw. Iniisip ko kung bakit hindi siya natulog sa kwarto nila.

"Nag-away sila kanina," bulong niya habang nakatalikod sa akin. Ang tanging nakikita ko ay ang mahaba niyang buhok at ang kulay pink na sando niya. Yakap niya ang kaniyang paboritong teddy bear na si pinky.

"Anong ginawa mo habang nag-aaway sila?" pang-uusisa ko. Nasasaktan ako kapag nakikitang naiipit sa sitwasyon si Iya.

"Birthday ko na sa Monday, kuya. Parang ayaw nilang mag-celebrate," kahit nakatalikod siya ay bakas sa boses niya ang lungkot.

Gusto kong magsalita pero hindi ko mahanap ang tamang sasabihin. Baka kapag nagsalita ako ay hindi maganda ang resulta.

Nakatitig ako sa kisame ng kwarto ko. Mahinang liwanag mula sa maliit na ilaw ang nagpapaliwanag sa munting kwarto na ito. Naririnig ko ang mahinang pagkanta ni Iya habang ako ay tahimik lang na pinakikinggan ang maganda niyang boses.

"Anong gusto mo para sa birthday mo?" tanong ko. Naghintay ako ng sagot mula sa kaniya pero katahimikan ang bumalot sa amin.

Tumalikod na lamang ako dahil baka tulog na siya. Pagpikit ko ay bigla naman siyang yumakap sa akin.

"Kahit walang celebration, basta hindi na sila mag-aaway," parang nawasak ang puso ko dahil sa sinabi niyang 'yon. Sumabay rin ang mahinang paghikbi niya pero wala akong ibang nagawa kundi hawakan ang kaniyang mga kamay.

Kinabukasan ay maaga akong nagising. Alas sais palang ay lumabas na ako papunta sa kusina para magluto ng almusal.

"Aalis na ako," nakasukbit sa balikat ni daddy ang bag niya.

"Hindi ka kakain?" tanong ko. Nakalapag sa mesa ang mga pagkain.

"Hindi na," sagot niya at nagmadaling lumabas mula sa bahay namin.

Napabuntong hininga ako. Palaging ganito ang eksena. Aalis siya nang sobrang aga at hindi na haharap sa amin. Pag-uwi halos hindi na rin humaharap dahil doon sila kumakain sa sala habang nakaharap sa TV.

"Kuya, makikipaglaro ako kay Jasmin," kalalabas pa lamang ni Iya mula sa kwarto ko habang nag-aalis ng muta sa kaniyang mga mata ay laro na agad ang naisip niya.

"Kumain ka na muna," sagot ko.

Maingay ang paghila niya sa upuan kaya sigaw ang inabot niya kay mommy. "Ang ingay naman niyan! Mabigat ba ang upuan?"

Napayuko si Iya at ako ay nakatitig kay mommy. Masama ang tingin niya sa amin at hindi niya rin piniling humarap para kumain.

"Mommy, kain ka na muna."

Ivan's AppleTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon