Chapter 2
Ivan's POV
"Saan ka galing? Kanina pa ako nagugutom! Nakabili ka ba ng ulam?" sigaw ang bumungad kay daddy nang umuwi siya.
"Oo," iyon lamang ang isinagot niya. Inilapag niya sa mesa ang supot na may lamang dalawang klase ng ulam, adobo at dinakdakan.
"Kumain na kayo," mahinahong saad ni daddy sa amin. Pagkatapos niyang ilagay sa mangkok ang mga ulam ay pumasok na siya sa kwarto nila.
"Daddy, hindi ka kakain?" Tanong ko habang kumakatok sa pinto ng kwarto.
"Hindi na, kumain na ako."
Nahagip ng tingin ko si Iya na nakatitig sa akin. Nakatungtong ang dalawa niyang paa sa upuan habang hawak ang plato.
"Kuya, kain na tayo," pagtawag niya sa akin kaya bumalik na ako sa kusina para humarap sa mesa.
"Sa inyo 'yang adobo, akin itong dinakdakan," sabi ni mommy at kinuha ang dinakdakan na nasa isang supot. Sumandok din siya ng maraming kanin at kumuha ng isang boteng tubig na para lang sa kaniya.
Nakatitig lang kami ni Iya sa kaniya. Pinagmasdan ko ang kapatid ko na kasalukuyang nakapako ang tingin sa nanay namin. Nakatikom ang bibig niya at parang may gusto siyang sabihin ngunit hindi iyon lumalabas.
"K-kain na," pagputol ko sa nangyayari.
Habang kumakain kami at kasalukuyan akong nakayuko para kumuha ng isusubo ay nakarinig ako ng malakas na halakhak.
"Oo, mare. Bukas ba?" napatingin akong muli kay mommy na nakahawak sa cellphone at nakatutok iyon sa tenga niya. Hindi ko alam kung sino ang kausap niya dahil hindi ko naman kilala ang mga kaibigan niya. Mas lumalakas ang pagtawa niya na naging dahilan para bumalik sa isip ko ang nakita ko kanina. Malinaw na malinaw ang imaheng iyon sa utak ko.
"Kuya, tubig," napatigil ako sa pag-iisip nang tawagin ako ni Iya. Tumayo ako para kumuha ng tubig sa ref at isang buntong hininga ang nagawa ko nang makitang huling bote na iyon.
"Ikaw na ang maglagay ng tubig sa bote," matapos kong marinig 'yon ay napabuntong hininga ulit ako. Ayokong mainis ngayon pero hindi ko maintindihan kung bakit ganoon si mommy.
Pagkalapag ko ng bote sa mesa at uupo palang sana ay hindi ko na 'yon nagawa. "Baso," muling sabi ni Iya. Pilit akong nagbigay ng ngiti sa kaniya at naglakad upang kumuha ng baso.
Pagbalik ko ay inilapag ko agad ang baso sa harap niya at nilagyan na 'yon ng tubig. "Thank you," sambit niya.
Kumain na ako at kahit na sobrang lakas ng tawa ni mommy ay hindi ko nalang 'yon pinansin. Naunang matapos si Iya at kinuha niya ang cellphone ko para manood ulit doon. Ang pinapanood niya lamang ay mga barbie, paggawa ng laruan at mga batang naglalaro.
"Kuya, tumatawag si Ate Hara!" medyo malakas ang boses niya na nakaagaw sa pansin ni mommy.
"Ang ingay ingay mo, nakita mong may kausap ako!" napatigil sa paglalakad si Iya at dahan-dahan ang paggalaw niya para iabot ang cellphone ko.
Kinuha ko iyon mula sa kanya at ramdam ko ang masamang tingin ni mommy. Tinitigan ko si Iya at nanggigilid ang kaniyang mga luha.
Pagkaabot niyon ay tumayo muna ako at pumasok sa kwarto ko para kausapin si Hara.
"Bakit?" tanong ko sa pagsagot ko palang ng tawag. Narinig ko ang kaniyang mahihinang hikbi at ang mabibigat niyang paghinga.
[T-tayo pa rin ba?] paos ang kaniyang boses at bakas ang lungkot sa kaniya.
Tinanong ko rin ang sarili ko. Kami pa rin ba? Pero ayoko na. Ayoko lang sabihin sa kaniya pero hindi ko na talaga kaya. Hindi ko siya minahal bilang girlfriend ko pero mahal ko siya bilang kaibigan lang.
BINABASA MO ANG
Ivan's Apple
RomanceSa pagpasok sa iba't ibang relasyon, iba-ibang paraan din ng kilig ang nararanasan natin. Mayroong kilig na panandalian, kilig na pangmatagalan. Mayroong sa simpleng tingin ay nakakaramdam agad ng kilig. Pero paano kung ilang beses ka nang pumasok...