"Nakatutuwa siyang pagmasdan. Tila bata ang kanyang kilos. Ngayon lamang ba siya nakakita nang ganitong klaseng hardin?"
Ngumiti lamang si Julien sa tanong ni Victoria. Hindi niya alam ang sagot. Maari niyang itanong iyon kay Hanan maya-maya ngunit sa ngayon, nais niya itong panooring maglaro sa mga nahuhulog na dahon mula sa matatayog na puno. Hinahagis ito nito pataas ang mga dahon saka umiikot na tila nagsasayaw.
Nakita niya itong nag-angat ng tingin at sumulyap sa balkonaheng kinalalagyan nila ni Victoria. Ngumiti si Hanan nang matamis sa kanya. Gumanti din siya ng isang ngiti at kumaway.
Sandaling kumunot ang noo nito. Tumingin ito sa sariling kamay at ginaya ang kaniyang ginawang pagkaway.
Napangiti siya.
Nakatutuwa talaga. Nakaaaliw.
"Nagkaiigihan na kayo. Sinasabi ko na nga ba," singit ni Victoria. "Ilang linggo na siyang nakatira dito. Ano ba ang balak mo sa kanya?"
Bumuntong-hininga lamang siya. Ang totoo'y hindi niya alam. Ang naiisip lamang niya noon ay maialis ito sa piitan at mailayo sa mga taong nais manakit dito. Sa ngayon wala na siyang balita na pinaghahanap pa si Hanan. Malaki ang ibinayad niya sa mga humili dito. Kasama sa bayad na iyon ang pagpapakalat nang balitang kinitil na nito ang sariling buhay kaya't hindi na magpapakita pa sa mga tao.
"Ikaw ba ay hindi nahihirapan sa kanyang pagkain? Iba siya sa atin Julien."
Napalingon siya kay Victoria at umiling. Ordinaryong pagkain ang nais nito. Ngunit kadalasan ay sariwang karne. Mabuti naman at malapit sa mercado ang inuupahan niyang bahay, hindi na nahihirapang mamili ang mga tagapaglingkod nila.
Tila nasasanay na siya sa pag-aakikaso dito. Ang pagmamasid niya at pagtugon sa bawat tawag nito. Kahit papaano, nababawasan ang pagkabagot niya.
Ngunit kadalasan ay nahihirapan siyang pigilan ang sarili kapag siya ay lumalapit kay Hanan. Tila tinutulak ang kanyang puso na gawin ang hindi nararapat.
Ang matamis na halik na iyon. Ang malalambot na labi nito.
Humugot siya ng malalim na buntong-hininga. Ilang araw din siyang hindi pinatulog ng alaala ng mga labi na iyon. Nais niya ito uling ikulong sa mga bisig niya at muling hagkan.
Ngunit alam niyang isa iyong pagkakamali sapagkat may nagmamay-ari ng iba kay Hanan. Hindi niya dapat kailaman angkinin iyon.
"Julien...matanong nga kita..." Lumapit si Victoria, tinakpan nito ang bibig ng dala nitong pamaypay. "Natikman mo na ba siya?"
Napaawang ang kanyang bibig sa tanong. Tila may mainit na tubig na bumuhos sa kanyang mukha. Hindi niya inaasahang itatanong iyon ng babae. "Anong nais mong ipahiwatig--?"
"Tonto!" Singhal ni Victoria kasabay ng pagpalo ng pamaypay sa kanyang bumbunan. "Mahalay ang iyong iniisip. Ang nais kong malaman ay kung ikaw ay nakainom nang kanyang dugo. Hindi ba't bantog iyon na nakadagdag ang kapangyarihan ng mga tulad natin?"
"Wala akong balak." Sagot niya dito nang nakangiwi.
Ngumuso ito sa kanya. "Kung sabagay, napakalakas mo na. Ika'y magiging mas malakas pa kaysa kay Ama kung mangyayari ang bagay na iyon."
"Victoria?" Nakita niya ang biglaang paglamlam ng mga mata nito.
"Julien, kung sakaling magawa mong agawain ang kanyang trono. Maari mo bang baguhin ang aking kapalaran?"
Naiintindihan niya. Kung sakaling hindi matuloy ang pag-iisang dibdib nila ay ipagkakasundo lang ito ng Hari sa iba.
Malapit na iyong mangyari, sa oras na magising ang dugo ni Victoria ay maari na itong maikasal. At kasamaang palad, alam niyang hindi kailanman sa lalaking tunay minamahal nito.
"Ah, ano ba ang lumabas sa aking bibig," biglang sambit nito. "Hindi ko nais na patayin mo si Ama, Julien. Iyon ay iyong subukan at papatayin din kita!"
Tumawa siya. "Kung ano-anong iniisip mo Victoria. Hindi hinagip ng aking pag-iisip ang maging Hari o pinuno ng kung ano man." Mas gusto niya ang buhay niya ngayon. Malaya at walang pag-aalinlangan.
Napansin niya ang pagtigil sa paglalaro ni Hanan. Nakatingin na lamang ito sa langit na tila may pinagmamasdan. Napansin niya ring kumukulimlim na ang kapaligiran. Kakaiba sapagkat katanghaliang-tapat. Nakadagdag pa nang pagtataka niya ang ingay mga tagapaglingkod nila. Ang sunod-sunod na pagdadasal ng mga ito.
"Naglalaho ang araw, Julien." Sambit ni Victoria. Nakatingin na din ito sa kalangitan.
Tumingala siya. Kalahati na ng araw ang natatakpan ng itim ng buwan. Unti-unti nang naglalaho ang liwanag nito at ang natitira na lamang ay mga sinag na tila pilit na kumakawala. Lalong dumilim ang paligid.
Bumalik ang tingin niya kay Hanan. Tila natutuwa ito sa nangyayari. Kumaway pa ito sa kanya.
"Si Bulan at Adlaw! Natagpuan na nila ako!" Sigaw nito. Agad itong pumanhik sa bahay, nadidinig niya ang mga hakbang nito sa hagdan na papalapit na kanila.
Adlaw. Bulan. Kumunot ang noo niya. Ito ba ang mga taong naghahanap kay Hanan dati sa kagubatan?
"Si Bakunawa! Nilalamon ang buwan ni Bakunawa!" Dinig niyang sigaw ang isa sa pinakamatandang tagapaglingkod nila.
Alam niya ang tungkol sa alamat na iyon. Ang tungkol sa paglamon ng dambuhalang ahas sa buwan at ang makakapatigil nito ay ang malalakas na pag-iingay.
Pag-iingay. Hindi ito maari.
"Julien, ihanda mo ang iyong pandinig."
HIndi niya iyon nagawa. Nilamon ng kanyang pandinig nang malakas at biglaang pagtunog ng kampanaryo ng kalapit na simbahan. Kasabay pa noon ang mga tunong ng malalakas ng kahoy at mga palayok na pinupukpok upang makapagbigay ng napakalas at nakakarinding ingay.
Napahawak siya sa magkabilang tenga. Napaluhod siya sa sakit na dulot noon sa ulo niya. Tila pinupok. Binabasag. Napasigaw siya at tuluyan nang bumagsak sa sahig.
"Julien... Mahal ko..."
Ang mga salitang iyon nalang ang huling narinig niya. Tila mabining pag-awit na pinaghehele siya patungo sa mundo ng panaginip at pagtulog.
BINABASA MO ANG
Isang Umaga at Takipsilim
VampirePrequel of Requiem Kasalukuyang nahihirapang huminga ang manunulat ng akdang ito dahil sa patuloy na pag-agos ng masaganang dugo sa kanyang ilong. Hindi pa sigurado kung itutuloy... Paumanhin. Kung nag iisip kayo kung ano yung IKOT... click the exte...