Daop-palad

693 29 16
                                    

Nagising na lamang ako sa ingay ng mga tinig na nag-uusap-usap. Tila ba nakikipagtalo sa isa't isa.

Hindi ko mawari ang mga salita. Salita ito ng mga dayo na kung tawagin nila ay mga Espanyol. Ilang daang taon na rin ang mga itong naninirahan malapit sa aming lupain. Sinakop na halos nila ang dating pag-aari ng aming lupon kaya't iilan na lamang ang mga tulad naming nanatili dito.

Ang iba nangamatay na dahil hindi nila masabayan ang pagdami ng mga tao sa paligid. Ang iba ay naging tulad kong nahuhuli at kalauna'y pinapatay.

Tanggap na nang aming lipi ang aming tadhana. Ang mga tao ang mananatili sa daigdig at kami ay unti-unting papanaw at mabubura na sa kasaysayan nila. Hindi na ito maiwasan, ito na ang nakatakda. Ang pangangalaga ng kalikasan ay nailipat na sa mga tao matagal ng panahon ang nakakalipas. Hindi na mga ito ng mga tagabantay at tagagabay.

Sinipat ko ang mga nagaganap mula sa siwang ng aking kahoy na kulungan. Naaninaw ko ang mga taong humuli sa akin. Ang mga gwardiya sibil, ang mabilog na prayle, at ang tinyente ng bayang ito. Bukod doon may isa pa silang panauhin.

Ang dayo.

Ang lalaking nagtangkang mang-umit ng aking barong gawa sa seda noong naliligo ako sa ilog.

Ang pangahas.

Ano bang nais ng lalaking ito? Hindi ba niya naintindihan na kaya ako ay nagpahuli para hindi siya mahalata ng taong bayan? Ngayon naman ay naririto rin siya at nakikisalamuha pa sa mga taong tumutugis sa amin.

Huminga nalang ako ng malalim at sumandal sa malamig na batong dingding na pinaglagakan sa akin. May mga bakal na tanikalang nakakabit sa aking mga kamay at paa. Mabibigat iyon at halos di ko na maigalaw. Sadyang tiniyak nilang hindi ako makakaalis sa piitang ito.

Nararamdaman ko na rin naman ang pagsapit ng gabi. Hindi rin naman ako magtatagal dito. Mga hangal sila at pinanatili pa akong buhay bago magdilim.

Nakarinig ako ng mga kalansing mula sa labas. Ginto. Pilak. Nadinig ko ang pagbasak noon sa kahoy na lapag.

Napatingin nalang ako sa pintuan ng piitan at nakita ko ang paglapit ng dalawang bantay dito.

Agad akong pumunta sa pinakasulok. Batid ko ang ginagawa ng mga nilalang na ito sa mga bihag nilang babae. Naririnig ko ang mga salaysayin ng mga tao sa bayan, hindi ako papayag na mangyari din sa akin mga bagay na iyon.

Agad na lumapit ang mga ito at kinalas ang mga tanikala mula sa aking mga paa. Kikilos na sana ako ng marinig ko ang isa pang yabag papasok.

Ang dayo.

Nakatitig ito sa akin habang kinakalas pa nang iba ang tanikala sa aking mga kamay.

Ano bang nais ng nilalang na ito?

"Es todo suya, Señor."

Nadinig kong sinabi nang isa sa mga bantay.

Ngumisi lang ang lalaki at naglabas ng tig-isang pilak sa kanyang lupi. Ibinigay niya ito sa mga lalaking bantay.

"Gracias."

Naintindihan ko ang sinabi ng lalaki. Nagpapasalamat ito. Ngunit para saan?

Lumabas na ang dalawang bantay. Nadinig ko ang pagsara ng malaking kahoy na pinto at naiwan kaming dalawa sa loob.

"Hanan."

Hindi ako sumagot. Narinig nga pala nang lalaking dayo ang aking ngalan mula sa pagtawag nila Bulan.

"Hanan ang iyong pangalan, hindi ba binibini?"

Ngumiti siya sa akin. Kitang-kita ko ang mapuputi at pantay na ngipin niya, maliban na lamang sa mga nakausli at mahahabang pangil.

Tulad nga din siya ni Antonio.

"Ano ang nais mo?" Tanong ko sa kanya.

Ngumiti siya uli sa akin. Inilahad niya ang kamay na waring may inaabot na kung ano. "Ang pangalan ko ay Julien."

Kumunot ang aking noo. Hindi parin nito binababa ang kanyang kamay.

Napahalukipkip ako. Inilibot ko ang aking mga bisig sa aking dibdib. Tila ba may balak itong masama.

"Ano ba ang nais mo?!"

Nagulat ito sa aking pagsigaw. Ngunit napalitan din iyon ng ngiti. Nakita ko pa ang mga biloy na lumabas sa kanyang pisngi at kanyang mga mata na kulay bughaw, tila kasing tingkad na nang langit sa umaga.

"Ang iyong kamay, maari ba?"

Naguluhan ako sa winari ng lalaki. Bakit nito nais ang aking kamay?

Kinakabahan man, ginaya ko ang paglalahad ng kamay niya.

Agad niya itong hinablot at hinawakan. Magkadaop ang aming palad habang maharahan niya itong iniwagayway pababa. At pataas.

"Ikinagagalak kitang makilala, Hanan."

Hindi ko alam kung bakit niya ginagawa ang bagay na iyon. "Hindi ako nagagalak. Bitiwan mo ang aking kamay." Sabi ko. Sumunod naman ang dayo.

Napatungo ako. Hindi ko alam kung bakit, ngunit may kung ano akong naramdamang init sa palad ng dayo. Sinapo ko ang aking kamay malapit sa aking dibdib.

"Huwag kang matakot sa akin. Nais ko lang naman ay makipag-usap." Humakbang siya papalapit sa akin.

"A-ano ang nais mong pag-usapan."

Hindi ko alam ang kung bakit ako natatakot sa kinikilos niya. Ngunit tiyak ko, umiinit ang aking pisngi sa pagtitig niya sa akin. Napansing kong bumaba ang tingin niya sa aking mga bisig na nakadaop sa aking dibdib.

Napahakbang ako papatalikod at napasandal sa batong dingding.

"Maari ko bang makita uli ang iyong kamay?"

Tila iba na ang ipinapahiwatig ng tinig niya. Tila ba naguguluhan. Nagtataka.

"Paki-usap," sabi niya sa akin. "May nais lang akong makita. Hindi kita sasaktan."

Naguguluhan man ay sinunod ko siya. Iniaangat ko ng dahan-dahan ang aking kamay at inilapit sa lalaki. Naramdaman ko ang paghawak niya dito. Ang paghaplos ang ilang darili niya sa aking pulsuhan.

"Saan mo nakuha ang markang ito?" tanong niya sa akin.

Marka?

Ang pilat pala ang kanyang tinitingan. Matagal na panahon na iyon ngunit hindi parin naglalaho, mag dalawampung taon na. Iyon ba ang sinasabi niyang marka?

"Galing sa isang kagat sa isang dayong kagaya mo," sagot ko sa kanya. Marahil iyon ang dahilan ng pag-uusisa niya. Itininuloy ko nalang ang aking salaysay.

"Natagpuan namin siya ng aking kaibigan sa gubat noon na nag-aagaw buhay. Sinubukan namin siyang tulungan ngunit sinakmal niya ang aking bisig at kinagat. Doon naming napagtantong hindi siya tao at katulad din naming nilalang,"

Binawi ko na ang aking kamay sa pagkakahawak ng lalaki.

"Nagawa siyang tulungan ni Bulan. Napag-alaman ko na Antonio ang kanyang ngalan,"

Natatitig lang siya sa akin. Nababasa ko ang panghihinayang sa mukha niya.

"Kung hinanap mo siya sa akin, paumanhin. Matagal na siyang naglayag at hindi ko alam kung saan na siya naroroon." Tuloy ko.

Sa totoo lang, ang lalaking iyon ang dahilan kung bakit ako nasa daungan.

Nangako si Antonio sakin. Sa amin. Ang winika niya'y babalik siya sa lalong madaling panahon. Ngunit ilang tag-init na ang lumipas, tila ba nakalimot na siya.

Nagbugtong-hininga ang dayo. "Kailangan mo sumama sa akin, binibini." Sabi niya.

Kumunot ang aking noo. "Bakit?"

"Kailangan mong malaman," lumunok ito bago nagsalita uli.

"Ikamamatay mo ang markang iniwan sayo ni Antonio."

Isang Umaga at TakipsilimTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon