Isang Umaga at Takipsilim

2.7K 59 29
                                    

1770

Halos kaalis lang ng huling barko ng Britanya. Maglalayag na ang mga iyon sa bansang India kasabay nang pagbawi ng Espanya sa Filipinas.

Unti-unti nang nawawala ang kaguluhan. Unti-unti narin mababawasan ang dahilan nang pananatili niya dito.

"Ginoo, tiyak ba kayo na nais ninyong manatili dito?" tanong ng binatang naghatid sa kanya sa lugar na iyon.

Sinipat niya ang paligid.

Matalahib. Mapuno. Madilim.

Natanaw niya ang isang maliit na kubo sa di kalayuan.

Tumango nalang siya.

Maari na ito.

"Maari bang pakisabi kay Fredo na nais kong magpalipas ng gabi sa kubong iyon."

Nagitla ang binata sa kanyang iniwika. Kung sabagay. Saan ka ba naman makakakita ng isang Pranses na matataas magsalita ng kanilang salita? Kung alam lang nito kung ilang taon na siyang nanatili sa pulong iyon.

"Masusunod po. Sasabihin ko po kay Señorito Fredo."

Ngumiti siya.

Si Fredo ang Aleman na kasama niyang pumunta sa Filipinas. Galing sa isa sa malalaking pamilya mula sa Mataas na Konseho ang binatang iyon. Palibasa ay nais ding makita ang isa sa mga kadalagahang Sang-Real na iniirog nito.

Masyado talagang mapupusok ang mga kabataan sa panahong ito.

Sinabi na niya sa binata wag nang umasa. Walang patutunguhan ang pag-ibig nito. Ngunit tila isa itong bingi sa mga paliwanag niya. Nabulagan na rin mula sa katotohanang mapanganib ang pakikipag-ibigan nito.

Bumaba na siya ng karwahe at naglakad patungo sa kubo. Nadinig pa niya ang paglisan ng karwaheng sinakyan.

Napabuntong-hininga siya. Matagal na panahon na niyang hinihintay ang ganitong pagkakataon.

Bantog ang kagubatang iyon sa mga kababalaghan. Mga espirito, o ang mga tinatawag nilang mga Engcanto. Mga Asuang. Noong una ay hindi siya naniniwala. Hanggang makarating sa kanyang pandinig ang salaysay ng isa sa mga kalahi niyang nakabase sa Italya. Dalampung taon na ang nakakaraan nang magtungo ang manlalakbay na iyon dito sa Filipinas.

Dala ng kiyuryosidad, natagpuan nalang niya ang sarili na naglalayag na patungo sa lugar na ito.

Kung totoo ang mga nilalang, nais niyang makita ang mga ito sa sarili niyang mga mata.

Padilim na, pababa na ang araw sa mapulang kalangitan.

Ito ang hinihintay niya. Mas malakas ang kakayahan nilang mga nilalang ng dilim kapag wala na ng araw na nagpapahina sa kanilang katawan. Nanatili pa siya ng ilang oras sa kubong iyon. Ipinikit niya ang mga mata. Naghihintay nang tanda ng mga nilalang na matagal na niyang hinahanap.

At sa wakas nakarinig siya ng kaluskos. Mahina. Mula ito sa malayo. Malapit sa batis.

Agad siyang nagmulat at tinungo ang lugar kung saan niya narinig ang ingay gamit ang pambihirang bilis. Pagkadaka'y nagtago sa isang matayog na puno nang makarating doon.

Natanaw niya ang isang magandang babae na nakasuot ng puti. Nakatayo ito gilid ng batis. Naamoy niya ang mabangong halimuyak ng koronang bulaklak na nakaputong sa ulo ito mula sa pinagtataguan.

Hindi. Galing mismo sa babaeng iyon ang nakakahalinang amoy.

Hindi siya napansin ng babae sapagkat tuloy-tuloy lang itong lumusong sa batis. Nang umabot na ang tubig sa paanan nito ay nagsimula na nitong tanggagalin ang damit.

Lalo siyang nabighani sa taglay nitong ganda. Waring kumikinang ang makinis na balat nitong nasisinagan ng liwanag ng buwan. Ang itim at mahaba nitong buhok ay tila sumasayaw sa alon ng tubig.

Ni hindi nito mapantayan ng mga kalahi niyang itinuturing nang dios at diosa sa ibang kalupaan.

Nakakaakit. Nakakabighani. Hindi niya maintindihan ang nararamdaman.

Nakalayo na ang babae sa paglangoy ng napagpasyahan niyang lumabas. Hinanap niya ng tingin pero hindi niya ito mahagilap. Napansin niya ang kasuotan nitong naiwan sa batuhan. Pinulot niya iyon.

Napakalambot ng pagkakahabi. Napakabango. Dumikit doon ang bango ng babae. Wala sa loob niyang dinala iyon sa kanyang ilong.

Hindi niya inaasahan ang susunod na pangayayari. May pwersang nagtulak sa kanya papalay, patungo sa kakahuyan. Tumama ang kanyang likod sa isang puno at bumagsak sa matutulis na bato sa ibaba.

Ramdan niya ang pagkatusok ng mga ito sa dibdib at tiyan pero hindi niya ito ininda. Sinubukan niyang tumayo pero may brasong pumigil at umipit sa leeg niya sa katawan ng puno.

Malakas. Hindi niya magawang makaalpas.

Mukhang hindi siya nagkamali sa kanyang hinala.

"Pangahas ka!" dinig niyang angil ng babae.

Sa kabila ng sitwastyon niya, hindi niya maiwasang mapangiti. Walang saplot ang babae at ang tangging tumatakip sa maselang bahagi ng katawan nito ay ang mahaba at basa nitong buhok.

Napakaganda nga nito sa malapitan. Nakatitig sa kanya ang mapupungay nitong mga mata na napapalibutan ng mahahabang pilik. Ang mayumi nitong ilong at ang mapupulang labi na nakaawang sa kanya.

"A-Antonio." Dinig niyang sambit nito.

Sinong Antonio?

Lumuwag ang pagkakakaipit sa kanya. Nagawa niyang makawala.

"Ibalik mo sa akin ang aking damit." Utos ng babae.

Agad niya iyong binigay at tumalikod. Hinayaan itong magbihis.

"Paumanhin binibini," ramdam niya ang gulat nito ng siya ay nagsalita. "Hindi ko sinasadyang--"

"Katulad ka rin niya, hindi ba?" Putol nito sa kanyang pagpapaliwanag.

Hindi niya mawari ang itunutukoy nito. Sinong katulad niya? Sinong Antonio?

Naninilip din ba ito kagaya niya?

Ah, gusto niyang inuntog ang sariling ulo sa naiisip. Napakahalay.

"Naamoy ko sa iyong dugo. Katulad ka rin niya."

Naintindihan na niya.

Natatandaan niya. Ang Antonio iyon ang nagsalaysay sa Mataas na Konseho tungkol sa mga nilalang na ito.

Marahil ay magkakilala sila.

"Oo," tipid niyang sagot pagharap. Maayos na ang pananamit ng babae. Sinusuklay na nito ang mahabang buhok gamit ang mga daliri.

"Maari ba kitang makilala?" tanong niya dito.

Hindi ito nagsalita. Tumalim lang ang tingin nito sa kanya.

Mula sa malayo nadinig niya ang mga boses.

"Hanan!" galing iyon sa isang lalaki.

"Hanan?!" galing naman sa isang babae ang narinig niya. "Nasaan ka na?"

Napatungo nalang ito at nagbugtong hininga. "Sina Adlaw at Bulan talaga," dinig niyang bulong nito.

"Hanan?"

Napanguso nalang ang babae sa kanyang sinabi. Kung ganoon Hanan ang ngalan nito.

"Ako nga pala si Jul--"

"Umalis ka na dito dayo! Hindi nararapat dito ang mga katulad niyo!"

Iyon lang at bigla itong nawala sa kinatatayuan.

Napangiti nalang siya.

Napakamahiwaga talaga ng lugar na ito.

Isang Umaga at TakipsilimTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon