Road Trip - Part 2: Psycho

904 5 4
                                    

"Good evening mga listeners! Kayo ngayon ay nakatutok sa pambansang radyo ng Pilipinas. Time check, it's already 8:30 in the evening. Guess what mga listeners? Alam niyo ba kung ano ang petsa ngayon? Today is February 29! Yes, you heard it right! Alam niyo bang every four years, nadadagdagan ng one day ang buwan ng Pebrero at tinatawag itong leap year..."

Patuloy na maririnig ang malakas na boses ng isang DJ sa radyo ng isang itim na kotse. Madilim na ang daang tinatahak nila. Wala man lang mga poste ng ilaw ang nakatayo sa gilid ng daan. Kung hindi lang sa nangyari kanina, nakauwi agad sila at hindi na inabot pa ng pagkagat ng dilim.

Mapapansing hindi mapakali ang babae sa kanyang upuan. Agad itong napansin ng kasama niya.

"Bakit Zoey, may problema ba?"

"Ah, eh... Leo naiihi na ako eh," pag-amin ng dalaga.

"Ganun ba? Kaya mo pa bang pigilan?"

"Hindi na siguro. May ilang oras pa tayo bago makarating ng Manila. Pwede mo bang itabi mo muna yung kotse sa gilid ng daan. Iihi lang ako."

"O sige. Walang problema," at saka itinigil ni Leo ang kotse sa gilid ng daan. Bumaba si Zoey ng passenger's seat at agad nagtungo sa talahiban para doon umihi. Bago matapos ay biglang dumampi ang malamig na hangin sa kanyang balat. Kinilabutan siya kung kaya't agad siyang tumayo pagkatapos.

Pagtungo niya ng kotse, nakita niya si Leo sa labas.

"Uy Leo! Anong ginagawa mo diyan?" Pag-uusisa niya.

"Ha? Eh, kinuha ko na yung oportunidad para kumuha ng litrato. Ang ganda ng mga tanawin sa probinsya na 'to. Tignan mo yung punong yun," turo niya doon sa malaking puno at saka kinunan ito ng litrato.

"Nakakatakot naman 'yan. Tara na," pag-aaya ni Zoey. Kumuha pa ng ilang mga litrato si Leo bago ito pumasok ng kotse.

Paandarin na sana niya ang kotse ngunit nag-ingay lamang ang makina nito.

"Pambihira! Ngayon pang oras na 'to?" Lumabas siya ng kotse para i-check ito.

'Wala namang sira. Anong problema nito?' Ang sabi niya sa kanyang isip.

"Ah Zoey, ayaw umandar ng kotse eh. Hindi ko alam kung bakit. Dito ka lang ha? Hihingi lang ako ng tulong sa kalapit na baryo para magpatulong." Pagkatapos nito ay tumingin siya sa paligid nila. "Nasa akin ang susi. I-lock mo ang lahat ng pinto. Mukhang delikado na sa lugar na 'to kaya 'wag kang lalabas o kaya 'wag mong buksan yung mga pinto hangga't hindi ako bumabalik."

"E kung sumama na lang kaya ako sa'yo? Nakakatakot mag-isa dito e. Dagadagan mo pa ng babala mo."

"Hindi pwede. Dito ka lang sa loob at baka mapahamak ka pa. 'Wag kang lalabas hangga't hindi pa ako bumabalik."

"Okay, sige. Sabi mo e."


Nagmadaling umalis si Leo at nagtungo sa Sta. Barbara. Sinunod naman ni Zoey ang sinabi ng kasama na i-lock ang lahat ng pinto.

Ilang oras ang lumipas ngunit wala pang Leo ang nagpakita. Pinatay na ni Zoey ang radyo. Napansin niya ang camera na ginamit ng kasama kanina at binuksan ito. Nakita niya ang mga kuhang litrato at totoo nga na maganda ang mga tanawin sa probinsiyang iyon. Pinindot niya ang susunod na button at nakita niya ang isang litrato ng malaking puno. Nakakatakot nga ang itsura nito dahil sa lagas na ang mga dahon at mukhang wala na itong buhay. Okay na sana ang lahat ngunit may kumuha sa kanyang atensyon sa larawang iyon. Anino ng isang tao sa likod ng puno. Kinilabutan siya sa nakita at agad na pinatay ang camera. Napapikit siya at napadasal. Hindi naglaon ay nakatulog siya.

Nagising si Zoey sa tunog ng malakas na kulog. Umuulan pala. Napansin niyang wala pa rin si Leo kung kaya't nag-alala siya. Ilang minuto ang nagdaan at may nakita siya sa harap na papalapit sa kanyang kinaroroonan.

'Si Leo na kaya 'yon?' Tanong niya sa sarili.

Kumulog at kumidlat kung kaya't naaninag niya ang itsura nito. Hindi, hindi siya si Leo. Baka siya yung tutulong para ayusin yung kotse? Muling kumulog at kumidlat. Sa pagkakataong ito, nakita niya na bumubuka ang bibig nito na parang may sinsabi. Nangilabot na siya sa nakita.

(A/N: Paki-play yung audio sa youtube sa taas.)

Mas lalo pang lumakas ang pagbuhos ng ulan at kasabay nito ang mabilis na pagtibok ng puso ni Zoey. Palapit na nang palapit ang lalaki patungo sa kanyang direksiyon. Alam niyang hindi ito ordinaryong nilalang. Napansin niya na ang mga kamay nito ay nakalagay sa kanyang likuran na parang may tinatago.

Kumatok ang lalaki sa salamin na katabi niya na nag-udyok para mapatalon siya sa takot. Makikita sa mukha nito ang bulok at sira-sirang ngipin nang ngumisi ito na tulad ng sa demonyo. Ang mga mata nito'y namumula at nangigitim ang ilalim. Talagang ngang nakakatakot ang itsura nito.

Napako ang tingin ni Zoey sa lalaki at hindi na ito nakagalaw sa sobrang takot. Mas lalong tumindi ang takot nito nang makita niya na may nakasukbit na duguang palakol sa gilid nito.

Napaisip siya, 'Kay Leo kaya galing ang dugong 'yon?'

Napapikit siya sa takot at inaasam na mali ang kanyang iniisip. Nagdasal siya nang taimtim habang hindi minumulat ang mata. Biglang kumalabog ang buong kotse. May boses na lumabas sa kanyang bibig. Mga pigil at hindi mailabas na sigaw. Pagmulat niya ng mata, nawala na ang nakakatakot na mama. Tumigil na rin ang buhos ng ulan. Nakahinga ng maluwag si Zoey mula sa matinding kaba.

Lumabas siya upang tanawin kung darating na si Leo. Ngunit isang tunog ang bumasag ng katahimikan. Isang tunog na parang hinahampas. Muling nabalot ng takot si Zoey. Lumingon siya pabalik ng kotse. Patuloy pa rin ang tunog ng paghampas. Dahan-dahan siyang lumingon pataas, at mula doon nakita niya ang kaninang lalaki, hinahampas ang pugot na ulo ni Leo sa bubong ng kanilang sasakyan.

"AAAAAHHHHHHH!!!" Pagtili lamang ang nagawa niya.

Isa na namang pagpatay sa parehong kalsada. Nakatakas kaya si Zoey o tuluyan na siyang napatay ng nakakakilabot na lalaki? Ang kalsadang noo'y may bumabalot na kakaibang pwersa, ngayo'y may bagong killer? Sino siya? Ano nga ba ang meron sa likod ng mahiwagang kalsada ng Sta. Barbara? Pati na rin ang malaking punong nakatirik malapit rito?

Ano-ano ang papel na gagampanan ng anim na magkakaibigang mapapadpad din sa kalsadang ito pagkatapos ng apat na namang taon? Makaligtas kaya sila sa kuko ng kamatayan? May matitira kaya sa kanila?

Up Next: Road Trip - Part 3.1: Is It The End?

Road TripTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon