Kakaselpon Mo 'Yan!

3 0 0
                                    

Napagalitan ka na naman ng nanay mo. Nahuli ka na naman niyang gumagamit ng selpon. Paano ba naman kasi, sinabing magwalis ka, hindi mo ginawa. Pinalagpas niya 'yon. Tapos sinabi niya maya-maya, magsaing ka. Aba, tanghalian na at doon lang malalaman ng nanay mo na hindi ka nagsaing. Ano ngayon ang kakainin niyo? Kinagabihan, ikaw ang nakatoka na maghugas ng pinggan. At syempre ano pa ba ang aasahan, hindi mo na naman iyon nagawa. Anong nangyari sa huli? Nahampas ka ng walis tambo ng nanay mo. Kasabay pa doon ang banat niyang: Kakaselpon mo 'yan! Mapapakamot ka na lang ng ulo mo.

Isang araw, maaga kang nagising. Nagwalis ka ng sala niyo. Nag-ayos-ayos ka dahil tingin mo ay magulo na ang kabahayan niyo. Naglinis ka na rin sa kusina dahil may nakita kang nilalanggam na pagkain sa mesa. Pati ang ref niyo na puno ng mga pitsel at lalagyan ng tubig na wala namang mga laman, inayos mo na rin. Nagising na ang nanay mo maya-maya. Wala kang narinig na kahit ano sa kanya na papuri man lang sa ginawa mo pero para sa'yo, sapat na 'yon kasi hindi ka naman napagalitan. Pagkatapos niyong mag-almusal, dumiretso ka sa sala at hinarap na naman ang selpon mo.

Masaya kang nanonood ng bagong kinaaadikan mong serye. Tawa ka nang tawa kaya naman binibigyan ka ng mapanghusgang tingin ng mga kasama mo sa bahay. Pero 'di mo sila pinapansin kasi nga masaya ka naman sa pinapanood mo. Dahil may nakasalpak sa tenga mo at napakataas pa ng tunog na naririnig mo, nagulat ka na lang nang tapikin ka ng kapatid mo. Sisigawan mo sana siya sa pang-iistorbo pero bigla niyang tinuro ang nanay mo na nag-aapoy na ang tingin sa'yo. Ayon pala, kanina pa siya may inuutos na hindi mo narinig dahil nagkulong ka sa sarili mong mundo upang makatakas.

Muntikan ka pang mahambalos pero kumilos ka na kaagad para maiwasan ang bagay na masakit at makati sa balat kapag nangyari. Pero sa ilang eksena na nangyari ang mga 'to, bakit nandiyan ka na naman sa selpon mo? Bakit patuloy ka pa ring nagbabasa ng sulating ito? Hindi ka ba nadadala sa mga pagbubunganga ng nanay mo? Hindi ka ba nadadala na sa araw-araw na ginawa ng Diyos, laging may isang sermon kang matitikman? Ah. Alam ko na. Alam mo kung ano? Iyon ay dahil selpon na lang ang kakampi mo.

Kasi kapag mag-isa ka at masaya kang nanonood ng kahit anong serye pa 'yan, parang nakatakas ka na rin sa hirap ng buhay. Nagkaroon ka ng pagkakataon na tumakas sa mga problemang hanggang ngayon ay hindi mo mahanapan ng solusyon. Sa mga pagsubok na hanggang ngayon ay hindi mo alam kung paano tatapusin. Sa mga pahirap na hindi mo alam kung kailan titigil. Sa simpleng ginagawa mong pagbababad sa selpon mo, nabibigyan ka ng oras para naman sumaya. Kahit kakarampot at paputol-putol pa, nararamdaman mo na gumagaan ang damdamin mo. Nararamdaman mo na nawawala ang bigat ng mga bagaheng dala-dala mo sa loob ng puso mo. Nararamdaman mo na kahit mag-isa ka, masaya ka.

Kaya ano lang ba 'yong sakit ng pagpalo sa'yo? Kung kapalit naman no'n ay ang saglit na oras na alam mo sa sarili mo na masaya ka. Hayaan mo na. Gano'n talaga, e. Hindi lahat ng pagkakataon, nakalaan sa'yo. Minsan, kailangan nating tumaya at mag-antay kung kailan tayo papalarin. Kailangan nating tumakas dahil kinakailangan din naman natin ng pahinga. Kailangan nating lumaban dahil ang tagumpay na nais natin ay malayo pa. Kaya ayos lang 'yan. Magselpon ka lang diyan. Basta 'wag kang papahuli sa nanay mo.

Better YouWhere stories live. Discover now