†Kabanata 4†
『Mithiin ni Allastor Frauzz』
Malalim pa ring nag-iisip si Leonardo Dracus ngayon. Kanina pa siyang ganito sa kaniyang nalaman kanina. Seryoso lamang ang kaniyang ekspresyon habang inaalala niya ang sinabi sa kaniya kanina ng pinuno ng Adventurer's Guild at ng ilan sa mga Look-out Officer nito.
"Kung ganoon, ang tao na nagsumbong sa paglilitis kila Stallion Ibzaar ay si Joy Silverheart, ang namamahala sa rehistrasyon sa Adventurer's Guild." Kumuyom ang kamao ni Leonardo. Sa puntong ito ay naalala naman niya ang salaysay ng mga nakakita sa aktuwal na kamatayan ng dalaga. Taimtim na nagpatuloy si Leonardo. "At ngayon ay hindi na rin siya maaaring makausap pa... Hindi ko alam kung paano nila napasunod sa kanilang gusto ang ang mamamayan ng aking kaharian... Kinakailangang maimbistigahan pa ito nang husto."
---Isang buwan na ang nakalipas magmula nang umatake ang malalakas na myembro ng Dark Alone Bandits sa Kreo kingdom. Brutal man ang naging labanan sa mga araw na iyon, gayunman ay wala ni isa sa mga mamamayan ng Kreo Kingdom ang nasawi.
Upang mapakalma rin ang nangangambang mga mamamayan, ipinaliwanag ni Leonardo na simula ngayong wala nang espiya at sa tulong ng mataas niyang ranggo, nakasisiguro siyang hindi na muling susugod dito ang mga kalaban. Napagaan ng anunsyong iyon ang tesnyon na nararamdaman ng kaharian, gayunman, hindi pa rin nawawala sa kanilang puso ang kakarampot na kaba.
Sa nakalipas na buwan na iyon, kahit kaunti ay hindi nabawasan ang poot ni Allastor Frauzz. Nandoon na sa harapan niya ang mga kriminal na hinahanap niya, ganoon man, wala siyang nagawa upang mapatay ang kahit na isa man sa mga ito. Hindi niya inaasahan na sa kabila ng lakas na kaniyang nakuha ay masyado pa ring malakas para sa kaniya ang Dark Alone Bandits.
Bumuntong hininga si Allastor Frauzz suot ng itim na takukbong. Sa kaniyang ginawang paghakbang, ang mga Adventurers na nakapulong sa Quest Board ay isa-isang nagbigay daan. Ngayong opisyal na ipinakilala ng Hari si Allastor Frauzz sa publiko, wala ni isa pa sa mga mamamayan ng Kreo Kingdom ang hindi nakakikilala sa kaniya.
Tumitig lamang ang mga lumayong Adventurers kay Allastor at hindi na rin lamang nagbigay ng ilang salita o bulungan. Tahimik lamang sila at payapang hinihintay na matapos si Allastor Frauzz sa kaniyang ginagawa.
Sa lumipas na buwan, gayong batid na ni Allastor na hindi pa rin sapat ang kasalukuyang siya upang matalo ang mga bandido, nakabuo siya ng paisa-isang plano. Una, ninanais niyang mag-ipon ng mas maraming salapi upang makabili ng pinaka mataas na kalidad ng [Sword Mastery Book] na maaaring mabili sa kaharian, ang [Grade-A Sword Mastery Book]. Maaari man siyang matulungan ni Leonardo Dracus patungkol sa bagay na iyon, gayunman ay hindi gusto ni Allastor Frauzz na humingi ng tulong sa iba. Tatanggap lamang siya ng tulong kung ang iba mismo ang nag-alok noon kay Allastor. Bukod pa roon, plano rin ni Allastor na habang inaaral niya ang may mas mataas na kalidad ng Sword Mastery Technique, ninanais din ni Allastor na isabay dito ang pagpapataas sa kaniyang ranggo. Sa ganoong paraan din ay maaari siyang makahanap ng mga bakas na magdadala sa kaniya sa taguan ng mga bandido.
At syempre, upang mabilis na magawa ang ika-una niyang plano, ang maka-ipon ng sapat na salapi upang makabili ng [Grade-A Sword Mastery Book], ninanais na piliin ni Allastor Frauzz ang quest na mayroong mataas na pabuya.
Saglit niyang hinalungkat ang mga nakadikit na Quest-Paper sa Quest-Board. Hindi niya tinitingnan ang buong laman ng Quest Paper, bagkus ay sa pabuya lamang na meron ito. Wala na ring isang minuto nang kuhanin niya ang isang papel doon na napili niya. Nirolyo niya iyon at taimtim na bumaba sa ikalawang palapag. Sa puntong iyon, wala pa rin ni isa sa mga Adventurers na iyon ang nag-ingay. Pinagmasdan lamang nila ang payapang pagbaba ng Sikretong Sundalo ng mahal na hari.
BINABASA MO ANG
Allastor Frauzz [Volume 2]
FantasíaSa mapanganib na mundo ng Illunor, kung saan ang mahiwagang enerhiya ng magicules ay ginagamit sa pagpapamalas ng abilidad at mahika, ang ranker na si Allastor Frauzz na ata ang pinaka malas sa lahat. Dahil barado ang daluyan ng magicules sa kaniyan...