KABANATA 3

364 16 2
                                    

NAPAUPO AKO SA sofa na natatakpan pa ng puting tela, sa pagod ko sa paghahakot ng mga pinamili ko na binalikan ko nang dalawang beses. Buti halos kalahating kilometro lang ang layo ng bahay sa Hangganan. Kalahating kilometro lang naman! Hay, pambihira!

Sumulpot sa harap ko ang babaeng nakadilaw na damit. Ngayon, hindi ko makuhang tingnan ang mukha niya. Naupo siya sa tabi ko, sa gawing kaliwa. Hindi ko siya nilingon pero natatanaw ko sa gilid ng aking mga mata na nakatitig siya sa 'kin. Parang huminto na naman ang oras. Walang kabang naramdaman ang dibdib ko sa presensiya niya. Bagkus, ninamnam ko ang mga sandaling 'yon. Naging payapa ako at nawala ang pagod ko. Ipinikit ko ang aking mga mata at pinakinggan ang musika ng huni ng mga ibon sa labas. Naisip kong kailangan kong sanayin ang sarili ko sa multong katabi ko dahil mukhang dito siya sa bahay na 'to naglalagi. Marahil siya ang multong nananakot sa mga tagarito. At parang siya lang naman ang multo sa bahay na 'to - wala na akong ibang maramdaman bukod sa kanya. Kanina, wala akong multong nakita sa daan. Siguro may oras lang ang pagpapakita nila. Pero itong katabi ko, mukhang oras-oras ata?

NILINIS KO ANG bahay. Habang naglilinis ako, tuloy-tuloy ang pangungulit sa 'kin ng multong nakadilaw. Sa bawat sulok na lilinisin ko, nagpapakita siya; sa pagbukas ko ng mga kabinet, sa pag-alis ko ng mga sapot sa kisame, sa paglinis ko ng banyo, sa lahat-lahat! Mukhang sinusubukan niya ang ideya ko na sanayin ang sarili ko sa kanya. In-on ko na ang fuse ng kuryente, na kinabahan pa ako baka sumabog. Tiningnan ko na rin ang poso - no'ng una, malabo ang tubig pero kinalaunan luminis na.

Halos padilim na nang matapos ako sa paglilinis. Hindi ko man nalinis nang maayos, pero okay na rin. Mabubuhay na siguro ako rito? Baba lang ang nilinis ko dahil do'n lang naman ako maglalagi. Walang gaanong gamit ang bahay. Mga lumang kabinet, upuan at mesa, pati mga litrato at orasang patay na nakasabit sa dingding lang. At ang lumang salaming may nakaukit na disenyo ng mga bulaklak ng sunflower sa kahoy na frame nito. Tinakpan ko ang salamin ng puting tela dahil pakiramdam ko may nakatingin sa 'kin sa likod no'n at may biglang susulpot lang.

Nilabas ko ang mga nakolekta kong basura, tumambad sa 'kin ang ma multo sa tapat ng gate. Tulad kahapon pagdating ko, nakatayo lang sila at nakatanaw sa bahay. Nakita ko ang matandang lalaki at ang aso. Ang aso, tumuloy siya sa loob. Dumaan ito sa sirang bahagi ng gate. Nilapag ko sa gilid ng gate ang plastik ng basura. Sabay-sabay na lumingon sa 'kin ang mga multo sa ingay na nagawa ko. Napalunok ako sa mga titig nila. Paatras akong naglakad na tila binuhusan ng malamig na tubig. Nagmadali akong pumasok sa bahay. Sumilip ako sa bintana para tingnan ang mga multo. Nakatingin din sila sa 'kin. Hindi ko alam kung nananakot ba sila? Basta ang werdo lang.

"Nand'yan na naman sila." Narinig kong boses ng babae. Alam kong galing 'yon sa multong nakadilaw.

Isinara ko ang bintana. Binuksan ko ang ilaw sa sala, isang maalikabok at puno ng sapot na chandelier. At naupo ako sa lumang kahoy na sofa na nalinis ko na para magpahinga. Nakita ko ang paglakad ng multo papalapit sa 'kin. Tumayo siya sa harap ko.

"Nakikita mo ako?" tanong ng multo.

Diretso lang ang tingin ko. Hindi ako umiwas ng tingin para hindi ako mahalatang nakikita ko siya. Lumapit pa ang multo sa 'kin. Yumuko siya at humaba ang leeg, at itinapat ang mukha niya sa mukha ko. Napalunok ako. Ayaw kong malaman ng mga kaluluwang nakikita ko sila at kayang makausap dahil baka hingin lang nila ang tulong ko. At baka ikapahamak ko pa 'yon. Marami silang isyu at mga unfinished business kaya narito pa sila sa mundo ng mga buhay.

Nilapit pa ng multo ang mukha niya sa 'kin na halos magdikit na ang aming mga ilong. "Nakikita mo ako, tama?" muling tanong niya.

Gusto ko sanang tumayo. Kaso masyado siyang malapit sa 'kin. Baka madaanan ko siya at tumagos pa siya sa katawan ko. Ayaw ko sa pakiramdam na 'yon. Noong bata pa ako, may multo ng batang lalaking makulit na tumakbo palapit sa 'kin at tumagos sa katawan ko. Nakaramdam ako ng panlalamig no'n at ayaw ko sa pakiramdam na yo'n. Isipin ko pa lang na may multong dumaan sa mga laman at laman-loob ko sa katawan, nangingilabo na ako.

Saving My SunshineTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon