KABANATA 26

229 12 0
                                    

KINABUKASAN, NAGISING AKO sa sikat ng araw na pumasok sa kuwarto mula sa bintana, at sa huni ng mga ibon at mga insekto sa labas. Pagdilat ko, isang napakagandang tanawin ang tumambad sa ‘kin, ang matamis na ngiti ni Sunshine. Patagilid kaming nakahiga at nakaharap sa isa’t isa. Hinaplos niya ang mukha ko, naramdaman ko ang lamig ng palad niya na unti-unting nagkaroon ng init nang hawakan ko ang kamay niya.

“Maayos ba ang tulog mo?” tanong niya.

Pinagmasdan ko lang siya at ninamnam ang mga sandaling ‘yon. Lumipas ang mga oras at unti-unting bumubuti an gaming pakiramdam. Pumasok sa isip ko ‘yong Tiya Cecilia na binanggit ni Mang Pedro at ipapaliwanag niya raw. Maliwanag na ang araw ang paliwanag niya, wala pa rin.

“Sorry, kung hindi ko napansin na nasugatan ka,” nakayukong nasabi ko kay Sunshine. Nahihiya ako at nando’n pa rin ang kabang naramdaman ko sa nangyari sa kanya kahapon.

“Wala kang dapat ihingi ng sorry,” sagot niya.

“Pero bakit mo ba ginawa ‘yon?!” tumaas ang boses ko at tinitigan ko siya. “Ako dapat ang magprotekta sa ‘yo, ‘di ba?”

“Bakit ka nagagalit?” nakakunot-noong tanong niya at napausog siya ng upo palayo sa ‘kin. Nasa hagdan kami ng terrace. Pinili naming mag-usap muna bago makinig sa mga sasabihin ni Mang Pedro, at mukhang ayaw niya pa namang magpaliwanag. Kanina, nang i-check ko ang sugat niya ay wala na ito maging ang bakas ng dugo. Ang nabutas na damit sa kanyang likod na lang ang ebidensiyang nasugatan siya.

Parang masamang panaginip lang ang mga nangyari. At si Sunshine, hindi siya talagang patay, at hindi rin namang lubusang buhay. Buhay siya kapag hawak ko siya, at multo kapag hindi. Parang sasabog ang utak ko. Gusto ko munang magpahinga sa pag-iisip. Baka kapag natapos ‘to lahat, eh, baliw na ako.

“Hindi ako galit,” sabi ko.

“Hindi, pero ang sama mo makatingin?” inirapan niya ako.

“Nag-alala lang kasi ako. Bakit mo ba ginawa ‘yon?”

“Para iligtas ka. Natakot akong mawala ka.”

“Mas gusto mong ako ang mawalan?”

“Tsk. Tumigil ka nga. Parehas lang naman nating gustong protektahan ang isa’t isa, ‘di ba?” natahimik na lang ako. “Sorry, kung natakot kita.” Napayuko siya at pinagmasdan ko lang siya.

“Lumapit ka nga,” utos ko sa kanya.

Nang lumapit siya sa tabi ko, namayani ang katahimikan at pinagmasdan lang namin ang tahimik na kalangitan – hinahanda ang aming mga sarili sa mga malalaman. Isang mahabang buntong-hininga ang pinakawalan ko – pagpapakawala sa natitirang kaba sa dibdib ko. Ilang minutong tahimik lang kami, ninanamnam ang buhay. Naagaw ang pansin namin nang marinig namin ang ingay ng natutuyong halaman ng sunflower, at nagkatinginan na lamang kami.

“Ipangako mong hindi mo gagawin ang ginawa ni Lucio kahit anong mangyari – huwag mo nang ulitin ang ginawa mo sa nakaraan,” nasabi niya.

Hindi ako nakaimik. Tinutukoy ba niya ang posibilidad na baka hindi na siya tuluyang mabuhay? Sinasabi niya ba sa ‘kin na ‘wag akong magpakamatay tulad nang ginawa ni Lucio – o ginawa ko sa nakaraan?

“Hindi,” nabigkas ko. Natigilan ako at pinagmasdan ko lang siya. Sa totoo lang, kagabi, hindi ko alam kung paano ako nakatulog. Sobra ang pag-iisip ko. Naisip ko, paano kung hindi na siya magising? Makakaya ko ba? At pumasok sa isip ko no’n ang ginawang pagpapakamatay ni Lucio. At naintindihan ko kung bakit niya ginawa ‘yon – dahil napakasakit. At hindi nga talaga natin mahuhusgahan ang mga tulad ni Elizabeth na kayang gumawa ng labag sa batas at labag sa utos ng Diyos para sa kanyang minamahal.

Saving My SunshineTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon