B - Before It's Too Late

97 1 0
                                    

Bumalik na naman ako sayo sa hindi ko na mabilang na pagkakataon. Pang-ilang attempt ko na nga ba mula nang magpaalam ako? Dalawa? Tatlo? Apat? Nah, hindi ko na matandaan. Sa ilang ulit kong pagpapaalam sayo, hindi ka pumayag ni minsan. Sa ilang ulit kong pagpapaalam, hindi ako natuloy na iwan ka.

Natatandaan ko pa nung unang araw na gusto ko nang umalis, halos dalawa't kalahating taon ang nakalipas mula ngayon, ay kinausap mo pa ako. Kinukumbinsi mo akong manatili. Desidido na ako, na ayaw ko na talaga. Pero bigla kang lumuha sa harap ko. Ikinagulat ko yun dahil kilala kita--hindi ka basta-basta luluha lang kung hindi ka labis na nasaktan. Ganon na ba ako kaimportante para sa iyo at nagawa mo akong iyakan? Ilang buwan pa lang mula ng magkakilala tayo.

Naalala ko ang huli mong sinabi sa akin: "Ang pagtitiwala at pagmamahal, hindi lahat nakakakuha nyan. Madalas pinaghihirapan, at sinasabi ko na sayo na nasa iyo na ang tiwala ko pati puso. Saglit man kitang nakilala pero attached na agad ako sayo. Hindi ka mahirap pakisamahan at mahalin. Ngayon, hahayaan kitang mag-isip, desisyon mo na kung itatapon mo na lang ba ang pinagsamahan natin at pagtitiwala ko sayo." At tinalikuran mo na ako.

Sa mga oras na 'yon ay naisip kong bigla na tapos na nga tayo. Ngayon ay halos isang taon na din pala ang nakakalipas mula ng magpaalam ako sayo. Pumayag ka, kahit alam kong ayaw mo.

Binigyan ko ang sarili ko ng kalayaan upang hanapin kung ano talaga ang gusto ko sa buhay kaya ako lumayo sayo. Noon kasi madami akong gusto, at sa dami nga ay hindi ko na alam ang pipiliin ko. Sinubukan ko isa-isa lahat ng gusto ko, pero panandalian lang din akong naging masaya. Sa lahat kasi ng mga ginagawa ko, lagi kitang naaalala.

Matagal ko din pinag-isipang mabuti kung sakaling magdesisyon akong bumalik sa iyo. At ngayon nga ay handa na akong harapin lahat.

******************************

Ako nga ay nagbalik makalipas ang ilang taon. Ganon pa din ang pakikitungo mo sa akin katulad ng dati. Halos walang nagbago. Mas matikas ka pa ngayon kaysa noong huli tayong magkita. Doon ko lang napagtanto kung gaano kita na-miss at kung gaano ako katagal na nawala nang hindi ka kasama.

Sabi ko sa sarili ko, babawi ako sayo. Ngayon pa't alam ko na kung ano ang halaga mo para sa akin--higit pa sa isang kaibigan. Unti-unti ay pinaglalapit ko ang mundong mayroon tayo noon, at alam kong nararamdaman mo iyon. Wala akong nakitang pagtutol sayo, kaya nagpatuloy ako.

Sa paglipas ng ilang araw ay bigla kang nagbago. Hindi ko alam ang dahilan at sa tuwing tatanungin kita, ang tanging isasagot mo sa akin ay 'pasensya na Beth, pagod lang ako.'

Pinalampas ko ang paulit-ulit na senaryo sa buhay nating pareho. Ngunit hindi ibig sabihin noon ay hindi ako makikialam. Ramdam kong may nag-iba na.

Sinundan kita pagkatapos mong magpaalam sa akin na aalis ka na. Katamtaman lang ang layo ko upang hindi mo mapansing sumunod ako sayo. Sa di kalayuan ay nakita ko ang isang babae na hindi katangkaran, morena, ngunit malakas ang dating. Huminto ako sa kinatatayuan ko nang mapansin ko ang babae na iwinagayway ang kanyang kamay upang makita mo kung saan siya naroroon. Nakatalikod ka sa akin ngunit sa ganda ng ngiti ng babaeng kaharap mo ay alam ko na masaya kang makita sya.

Yumakap siya sayo at tinugon mo din iyon. Pakiramdam ko ay tinusok ang kaliwang bahagi ng puso ko. Nanatili akong nagmamasid sa sumunod na nangyari at sa gulat ko ay bigla kayong naghalikan. Napakapit ako sa pader upang maalalayan ang sarili kong hindi matumba. Sobra akong nagimbal sa nakita ko. Sino ba sya at bakit kayo naghahalikan?

Hindi ko namalayang tumutulo na pala ang luha ko. Lumakad na ako palayo sa inyo. Inihanda ko muna ang aking sarili at nagtanong-tanong sa iba pa nating kaibigan kung sino ba ang kasama mo. Nagtaka sila dahil bakit ngayon ko lang naitanong. Sinabi ko na lang na nakita ko kasi silang magkasama nang mapadaan ako sa isang mall.

Kinumpirma nila ang hinala ko. Siya ay iyong nobya, at sa susunod na buwan na ang inyong kasal. Kaya naman pala. Kaya naman pala bigla kang nagbago kasi may iba na. Bago ako umalis ay pinabatid ko sa kanila ang masaya kong pagbati para sa inyong nalalapit na kasal.

Kinabukasan ay kumuha ako ng tiket papuntang Hong Kong. Hindi ako nagsabi sayo na balak ko ng umalis at magpakalayo-layo ng tuluyan. Mabuti na lang at kinabukasan din ng umaga ang alis ko. Nakapatay ang telepono ko buong araw upang hindi ako matuksong kontakin ka at komprontahin sa nakita ko kahapon. Hinayaan kong magmukmok ang sarili ko at ipinaintindi na lilipas din 'to.

Sa labas ng aking bahay ay mapagtatanto mong walang tao. Sarado ang bintana pati na ang pinto. Wala ding bukas na ilaw sa sala, tanging sa kusina lang sa dulo ang hinayaan kong bukas kung saan ako naghahapunan. Hinayaan ko na lang dahil alam kong bukas, huli na itong pagtuntong ko sa bahay ko at hindi na ako babalik.

Biglang may kumatok sa pintuan. Rinig ko ang boses mo na tinatawag ang pangalan ko. Hindi ako sumagot. Ayaw ko ng makita ka pagkatapos mong maglihim sa akin. Dahil doon ay nakita kong may papel na nakalusot mula sa aking pinto at pinulot iyon matapos akong kumain.

Binasa ko ang laman ng papel at eto na naman ako sa pag-iyak.

Hindi mo matanggap na umalis ako sa tabi mo kahit alam kong ayaw mo. Ipinaalaala mo sa akin ang lahat bago ako lumayo. Ipinangako mo sa sarili mong hihintayin mo ako, at naghintay ka nga. Subalit sa pagdating ko ay pakiramdam mo na wala ka ng espesyal na pagtingin para sa akin. Itinuloy mo ang pakikipagkaibigan sa akin dahil may gusto kang patunayan. At nasigurado mo na talagang wala na talaga ang dating tayo. Humingi ka ng tawad sa akin dahil hindi mo sinabi ang tungkol sa nobya mo. Sa pinakahuli ay nagpasalamat ka sa muli kong pagbabalik dahil sigurado ka na sa iyong sarili na okay ka na at manatili pa din sana ang pagkakaibigan na mayroon tayo.

******************************

Ngayon na ang lipad ko papuntang Hong Kong. Walang nakakaalam na noong isang araw na ang huli kong pakikipagkita sa inyo. Sumulyap pa ako sa malayo upang sabihin sa aking sarili na 'oo't huli na ang lahat mula ng magbalik ako, ngunit hindi pa huli ang lahat para sa sarili ko upang tumayo mula sa pagkakalugmok. Bago pa man ako tuluyang malubog sa damdamin ko ay lalayo na ako sayo.'

Paalam, Chris.

My English Alphabet StoryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon