C - Come Back to Me

44 3 3
                                    

Hapon na ng matapos sa trabaho si Chad. Patuloy nya pa ding inililigpit ang pinagkainan ng mga kustomer at pinupunasan ang mesa nang may biglang tumawag sa kanya.

"Chad!"

Agad naman nitong nilingon ang tumawag sa kanya at nginitian ito.

"O Debbie, andyan ka na pala. Tapos na klase mo?"

"Oo, katatapos lang. Pauwi na din ako, kaso nakita kita dito. Ginutom tuloy ako kaya kakain muna 'ko."

"Ha? Anong sinabi mo?"

Alam ni Chad na matagal na syang gusto ng dalaga at nagpapasaring iyon sa kanya paminsan-minsan pero ipinagkikibit balikat nya na lamang iyon. Bilang kaibigan lang kasi talaga ang turing nya sa dalaga.

"Ang sabi ko ho masarap ang ulam nyo ngayon kaya ginutom ako," palusot pa ni Debbie.

"Ah, akala ko kasi ako ang masarap. Ano pala ang oorder-in mo?" sagot naman ni Chad.

Namula naman si Debbie dahil nahalata nitong nagmaang maangan lamang pala ang binata. Himala yata, nakaramdam ng hiya ang dalaga.

"Yung kinunot na pagi tsaka isang kanin. Meron pa ba?"

Sumingit naman si Aling Esing nang marinig na um-order ng paborito nitong ulam si Debbie.

"Oo naman hija. May natira pang kinunot na pagi. Alam kong dadaan ka dito dahil Martes ngayon, kaya ipinagtira kita ng isang order."

"Salamat Aling Esing. Da best ka talaga. Kaya dito ako madalas kumain e. Maliban sa masarap ang pagkain, pati serbedor nakakabusog na." Huminto muna si Debbie sa pagsasalita at mabilis na minuni-muni ang huling sinabi.

"Nakakabusog po ang paninilbihan ng tao mo dito Aling Esing dahil alagang alaga ang customer." Utang na loob, lumusot sana ang sinabi ko kay Aling Esing, sa isip ni Debbie.

Nagpasalamat naman ang ale sa sinabi ni Debbie ngunit nagpahabol pa ito.

"Uso pakipot hija, lantad e," at nagtungo na nga si Aling Esing sa kusina upang ipagpatuloy ang paghuhugas ng pinggan.

Natawa naman si Chad dahil namumula na parang kamatis si Debbie sa tinuran ng amo. Nanlilisik ang mga mata nitong tumingin sa kanya ngunit agad ding binawi nang mapansin nya na inihatid na ni Chad ang order nitong pagkain. At idinaan na lang ni Debbie sa pagkain ang naranasang medyo pagkapahiya sa sarili.

******************************

Alas sais ng gabi ang umpisa ng klase ni Chad. Isa kasi itong dakilang manggagawa at estudyante. Oo, ganyan siya kasipag para pagsabayin iyon.

Mag aalas nuebe na ng gabi natapos ang klase ni Chad. Pauwi na ito nang makarinig ng hikbi sa ilalim ng maliwanag na poste. Alam nyang babae ito dahil halos pasalampak na ang hitsura ng suot nitong palda sa semento at nakatingin sa malayo. Habang umiiyak ay napansin pa nitong pinahid nya ang kanyang luha't sipon gamit ang palda nito na sa tantya nya ay naghalo na dahil sa tindi ng pagkakaiyak. Kadiri lang, dude.

Dahan-dahan nyang nilalapitan ang babae nang bigla itong magsalita.

"Bakit ako pa? Madami naman diyang iba na maaari mong saktan, at bakit ako pa talaga? Alam mo bang pinaghirapan ko ang lahat? Buong puso ibinigay ko na pero anong ginawa mo? Nasayang lang ang pagod ko, halos wala na akong itinira para sa sarili ko. Inangkin mo na ang lahat sa akin, hindi mo man lang naisip na naghihirap din ako," at nagpatuloy pa sa pag-iyak ang babae.

Grabe naman mag-emote ang babaeng ito. Sa kalye pa talaga. Uso kaya umuwi, magmukmok at umiyak sa LOOB NG BAHAY. Hindi nya na ba talaga kayang makauwi muna sa kanila bago naggaganito sa kalye? Sa isip pa ni Chad.

Hindi din naman nya natiis ang babae. Kahit papaano ay naaawa siya para sa babaeng grabe makaiyak, parang walang bukas.

"O heto Miss, panyo. Gamitin mo pamunas ng luha mo. Huwag yang palda mo sa school. Nakakaawa ang tagalaba ng damit mo. Kung ako sayo Miss, hindi dapat lahat ay ibinibigay mo. Matutunan mo sanang magtira para sa sarili mo para hindi ka nagkakaganyan. Hindi lahat ng tao pare-parehong sasaktan ka. Nagkamali ka lang ng taong lalaanan mo ng pagod, oras at pagmamahal." Dirediretsong saad ni Chad sa babae.

Natigilan ang babae sa tinuran ni Chad. Napangiti ng mapakla ang babae bago ito sumagot sa kanya.

"Tama ka nga Kuya, dapat nagtitira ako para sa sarili ko. Hindi dapat lahat dinadala ko. At tama ka din Kuya, kawawa naman ako kasi ako din ang tagalaba ng damit ko. Dinumihan ko pa nang bongga sa pagkakasalampak ko dito sa semento. Pero ang mali lang sa sinabi mo ay ang taong lalaanan ko ng pagod, oras at pagmamahal."

Katahimikan sandali ang namayani.

"Teka nga, alam mo ba kung bakit ako nag-eemote dito sa kalye Kuya?"

Pagtatakang tanong ng babae matapos ang isang minutong katahimikan dahil doon lang nito naalala na may nakikialam sa problema nya ngayon.

"Boyfriend mo, di ba?" Kampante pang sagot ni Chad.

Napatapik na lang sa kanyang noo ang babae at nagsalitang muli.

"Kuya, ang ineemote emote ko dito e hindi ko boyfriend. Yung magnanakaw. Dinala kasi nito ang buong pera ko at cellphone na ipadadala ko sa pamilya ko sa probinsya kinabukasan. Sinabihan ko pa siya at hinabol na 'hoy!bumalik ka ditong hinayupak ka!tirhan mo naman ako kahit pamasahe lang pauwi'. Sayang, ang ganda pa naman sana ng payo mo sa akin kaso hindi mo pala naiintindihan ang lahat. Muntik na kita iuntog sa pader. Pero salamat pa din sa panyo mo, sige uuwi na 'ko."

Naiwang tulala si Chad sa ilalim ng maliwanag na poste pagkatapos iabot ang panyo sa kanya pabalik.

My English Alphabet StoryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon