Ang lalaking kamukha ng patay na ngayon ay nakikihalubilo sa mga nakikipaglibing ay ang mismong patay. Ramdam na ramdam niya ang negatibong enerhiyang nagmumula sa multo.
Kasisindi lang ni Cedric ng dalawang kandilang itinirik niya sa harap ng puntod ng kanyang ama na nagdaraos ng kaarawan nito nang araw na iyon nang mapalingon siya.
May pumapasok na prusisyon ng libing malapit sa lugar na kinaroroonan niya. Napasulyap uli siya sa bagong gawa at wala pang lamang nitso di-kalayuan sa puntod ng kanyang ama. Natiyak agad niya na iyon ang paglalagakan ng kabaong na nang mga sandaling iyon ay pinagtutulungang buhatin ng anim na lalaki. May bubong ang nasabing nitso na halatang ginastusan ang pagkakagawa.
Halos umabot sa puwesto niya ang maraming taong kasama sa libing kaya napilitan siyang umatras. Nasipa pa ng isa sa mga bagong dating ang isa sa mga kandila niya at natumba. Namatay ang apoy niyon pero hinayaan na lang niya iyon. Sisindihan na lang uli niya iyon mamaya. Tumuntong siya sa kalapit na magkapatong na dalawang nitso at doon pinagmasdan ang huling seremonya ng libing.
Mayamaya pa ay ibinaba na ang kabaong at binuksan.
Nagsilapitan na roon ang marahil ay mga kamag-anak at malalapit na kaibigan ng namatay at pinagmasdan ang mga labi nito sa huling pagkakataon.
Prenteng nakaupo siya sa ibabaw ng nitso nang matigilan siya. Isa sa mga lalaking tumutunghay sa patay sa loob ng kabaong ay kamukha nito. Hindi lang magkamukha ang mga ito, pareho rin ng suot. Parehong matangkad at katamtaman lang ang mga pangangatawan.
Nanlaki ang mga mata niya nang isang babae ang lumagos sa katawan ng lalaking pinagmamasdan niya!
Ang lalaking kamukha ng patay na ngayon ay nakikihalubilo sa mga nakikipaglibing ay ang mismong patay. Napasulyap siya sa relo niya. Pasado alas-diyes pa lang ng umaga. Pero hindi naman talaga kakatwa na may nagmumulto sa umaga. Ilang beses na rin siyang may nakitang multo na gumagala sa umaga, partikular na sa mga sementeryo. Sa bawat oras ay may mga gumagalang multo sa sementeryo at ang madalas na inuusisa ng mga ito ay ang mga bagong inililibing. Hindi gaya nang mga sandaling iyon na ang multong nag-uusisa sa libing ay ang multo mismo ng inililibing.
Natutulalang pinagmasdan niya ang multo. Hindi na ito nakikipag-agawan sa pagtunghay sa kabaong nito. Pinagmasdan na lang nito nang tahimik ang mga taong sa huling sandali ay gustong makita ang bangkay nito. Pero mayamaya pa, nakita niyang may galit na rumehistro sa mukha ng multo nang may makita ito sa mga nakikipaglibing.
"Ano'ng ginagawa mo rito?" hiyaw nito sa isang lalaki. "Umalis ka rito!" Anyong galit na galit ang multo sa naturang lalaki. Sinakal nito ang lalaki pero tumagos lang ang mga kamay nito sa leeg ng lalaki. Nang mabatid ng multo na walang epekto ang ginagawa nito sa lalaki ay nagpalinga-linga ito sa paligid. Isang matulis na kaputol na kahoy ang nilapitan nito at tinangkang damputin. Sasaksakin nito ang lalaki! Pero hindi mahawakan ng multo ang matulis na kahoy.
Nadidismayang nagsisigaw ang multo bago muling binalingan nito ang lalaki. "Umalis ka rito! Huwag mong bastusin ang libing ko!" Pinagmumura pa nito ang lalaki. Nanlilisik ang mga mata nito. Walang ibang nakakakita sa multo kundi siya. Bukas ang third eye niya at malakas iyon kapag nasa sementeryo siya. Tuwing nasa sementeryo siya, walang palyang palagi siyang nakakakita ng multo. Pero kapag wala siya sa sementeryo, masuwerte nang may makaengkuwentro siyang multo minsan sa isang linggo.
Hindi siya natutuwa na may kapangyarihan siyang makita ang hindi nakikita ng pangkaraniwang mga mata. Madalas ay perhuwisyo at abala ang dala niyon sa kanya, bukod pa sa natatakot pa rin siya sa tuwing makakakita siya ng multo. May mga multo na marahas at talagang nakakatakot ang hitsura. Mayroon din namang multo na maamo at walang pakialam kahit alam ng mga itong nakikita niya ang mga ito.