Chapter 10

3.2K 43 16
                                    

Tuwing Linggo ay lagi kaming pumupunta sa simbahan nina nanay para magsimba. Kapag may extrang kita siya, kumakain kami sa Mcdo o Jollibee. Pero mas madalas ay kumakain kami ng fishball at kikiam sa may malapit sa simbahan. Ito ang simpleng bonding namin linggo-linggo.

Pero ngayong araw na ito, hindi sila ang kasama ko. Napasubo akong sumama kina Lolo Antonio para magsimba. Wala namang kaso sa akin ang pumunta sa simbahan.

Kaya lang, kailangan naming sumakay sa kotse at hindi ko alam kung kakayanin ko na ba ang sumakay sa kotse nang hindi ako inaatake ng panic attacks ko.

"Maglalakad nalang po ako," sabi ko habang nasa labas kami ng mansion at hinihintay ang kotseng gagamitin nila.

"Pero malayo yun, apo. Tsaka ang init pa ng panahon. Baka ma-stroke ka," sagot naman ni Lolo Antonio.

"Sanay po akong maglakad. Huwag kayong mag-alala. Tsaka kailangan ko rin namang mag-exercise para magising ako." Lumundag-lundag ako sa kinatatayuan ko para magising ang diwa ko.

Isang oras lang ata ang tulog ko. Nagulat nalang ako nang kinatok nila ang pintuan ko kaninang alas-siyete ng umaga. Akala ko kung may sunog o ano. Sasamahan pala namin si lolo sa simbahan.

"Samahan ko na siyang maglakad, 'lo."

Napatingin ako sa lalaking paparating mula sa likuran ko. Nakaputing polo siya na nakalislis ang manggas nito at naka-itim na slacks pa na parang dadalo ulit sa isang meeting sa kongreso. Sigurado ako puro ganito ang laman ng cabinet niya.

"Oh sige mabuti pa nga. Hintayin nalang namin kayo sa simbahan," ani Lolo Antonio bago sila pumasok ng nurse niya sa loob ng kotse.

Nang maiwan kaming dalawa ni Kahel sa labas ng mansion, inirapan ko siya.

Nakalagay ang mga kamay nito sa bulsa ng pantalon niya at nagsimula na rin siyang maglakad nang hindi man lang ako kinakausap.

"Kahel, teka lang!" Hinabol ko siya dahil hindi siya tumigil sa paglakad. Nakarating kami sa labas ng gate at hindi pa rin siya umiimik.

Teka, awkward ba siya dahil niyakap ko siya kagabi? Bakit naman siya magiging awkward? Ako nga dapat yung makaramdam nun.

"Miss, tabi!"

Sa pag-iisip ko, hindi ko narinig ang sumisigaw sa may likuran ko. Paglingon ko ay may paparating na motorsiklo na dire-diretsong umaandar patungo sa direksiyon ko.

Nakailag naman ako pero hindi ko nabalanse ang sarili ko kaya natumba ako at sumadsad ang pwet ko sa lupa. "Aray!"

"Fina! Okay ka lang?" Biglang tanong ni Kahel sa akin at doon lang siya naglakad papalapit sa akin.

Tumango naman ako sa kanya habang hinahawakan ang binti ko. "Okay lang ako."

Napatingin si Kahel sa humaharurot na motor palayo sa amin. Nakita ko ang pagtikom ng bibig niya habang nakasara ang kamao nito. Parang pinipigilan niya ang sarili niyang hindi sumigaw at magalit.

"Okay lang ako," inulit ko para marinig niya at para kumalma siya.

Binaling ni Kahel ang tingin niya sa akin at yumuko ito para tulungan ako. "Kaya mo bang tumayo?"

Tumango ako at pinilit ang sarili kong tumayo. Ngunit sa pagtayo ko ay nakaramdam ako ng kirot sa paa ko. "Aahhh..."

Bumuga ng hangin si Kahel at inabot ang kamay niya sa akin. "Tulungan na kita."

"Kaya ko," pagpupumilit ko.

"Fina, hindi mo kaya. Akin na 'yang kamay mo," utos ng lalaki.

Nang hindi ko kinuha ang kamay niya, bigla nalang niya akong binuhat sa mga bisig niya kaya napasigaw ako. "Hoy, ibaba mo ako!"

The Orange Project [Gen L Society #2]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon