Kabanata 10: Jiyu

35 7 0
                                    

tw: suicide

Naalimpungatan ako nang tumilaok ang manok sa labas. Tinignan ko ang orasan na nakasabit sa pader. Alas quatro pa lang pero bumangon na ako. Umihi, nag-toothbrush, at naligo.

Pagkatapos no'n ay dumiretso ako sa kusina para manghingi ng pagkain pang-almusal kaso mukhang hindi pa tapos si Chef Janet.

"Magandang umaga po, Chef!" bati ko sa kanya.

"Oh, Jiyu! Magandang umaga. Mukhang maganda ang gising mo ah?" sabi niya sa akin.

Nginitian ko na lang siya. Hindi ko rin kasi alam kung bakit maganda ang gising ko. "Hindi ka pa nagsisimulang magluto, Chef?" Umiling siya. "Paano po ako makakatulong sa inyo?"

Kuminang ang mga mata niya nang marinig niya ang alok ko. "Ganito, hiwain mo yung mga carrots ng ganitong hugis. Dice ang tawag d'yan." Pinanood ko nang mabuti ang paghihiwa ni Chef Janet. "Pagkatapos mo d'yan ay pakilagay sa isang lalagyan yung mga nahiwa mo."

Dice... Madali lang pala.

Bukod sa paghihiwa ng mga gulay ay tinuruan din ako ni Chef Janet kung paano tumantya ng lasa ng mga niluluto niya. "Alam mo, Jiyu... palaging tinatanong sa akin ng mga tao kung ano raw ang sikreto ko sa pagluluto."

"Ano po 'yon?" Gusto ko rin malaman kasi baka magamit ko balang araw kapag sinubukan kong magluto.

"Wala." Napakunot ako ng noo sa sinagot niya.

"Po?"

"Wala naman talagang sikreto sa pagluluto. Ang mahalaga ay mahal mo ang ginagawa mo," sabi ni Chef Janet. "Ikaw ba, mahal mo ang ginagawa mo?"

Mahal ko ba ang trabaho ko? Napakamot ako sa ulo ko.

Sasagot na sana ako sa kanya kaso binuksan niya ang niluluto niya kaya natakam ako agad. Nilanghap niya ang amoy nito at kitang-kita ko sa mukha niya ang sigla. Gusto ko ring maramdaman 'yon.

🌊

Pagkatapos naming magluto at kumain ni Chef Janet ay dumiretso ako sa trabaho ko. Wala namang nagbago sa mga ginagawa ko. Inisa-isa ko ang mga kwarto para linisin ito. Papalitan ang mga twalyang gamit na. Aayusin ang kobre-kama at punda ng unan. Itsetsek ang banyo kung may problema. Lalabhan ang mga marurumi sa laundry room.

Pagkatapos ng trabaho ko ay tatambay akong muli sa pwesto ni Lala. Maaga akong natapos sa trabaho ko kasi kaunti lang naman yung kinailangan kong linisin. Kita ko pa yung araw sa labas.

Ang bagong kwento ngayon ni Lala ay yung matandang lalaki na dalawang beses nag-check in sa magkabilang side ng Casa. Magkaiba pa nga raw ang kasama niyang babae sa pag-check in niya.

"Hay nako, Jiyu! Hirap na hirap akong magpigil ng pandidiri kanina," reklamo niya sa akin. Habang nagkukwento siya ay napansin kong naka-park yung motor ni Eloise sa dati nitong pwesto.

"Lala," tawag ko sa kanya, "napansin mo bang dumating si Eloy?"

"Hindi eh."

"Nakita mo ba siya sa paligid?"

Umiling siya. Napakunot ang noo ko dahil kapag pumupunta naman dito si Eloy, dumidiretso siya sa pwesto namin. Baka nandun lang pala siya.

"Teka lang ha. Hanapin ko lang siya," paalam ko sa kanya.

Agad akong tumakbo sa dati naming pwesto sa may dalampasigan pero wala akong nadatnang Eloy doon. "Nasaan kaya 'yon?" tanong ko sa sarili ko.

Dahil wala naman akong mahagilap na Eloy sa may dagat ay pinuntahan ko si Mike sa bar. Nagbabaka-sakaling nakita niya si Eloy.

Napansin naman ni Mike na kanina pa ako lumilingon-lingon. "Oh, anong hinahanap mo?"

"Si Eloy," sagot ko sa kanya na may halong pag-aalala sa tono ko. "Nandito yung motor niya eh. Nakita mo ba siya?"

"Ah, hindi." Tsk. Eloy, nasaan ka ba kasi nagsususuot? Hindi ka man lang nagsasabi.

"Nasaan kaya 'yon?"

"Itanong mo si Chef. Maagang nagigising 'yon 'di ba?" suggest ni Mike.

Napatango ako sa sinabi niya. "Sige, teka lang ha."

"Geh."

Inistorbo ko naman si Chef Janet sa may kusina. "Chef, nakita niyo po ba si Eloy?"

Napakunot naman ang noo ni Chef Janet. "Ang aga pa ah? Hindi ba mga gabi pumupunta dito yun?" pagtataka niya.

"Iyon na nga po eh." Ramdam ko ang pagpatak ng pawis ko dahil sa pag-aalala ko kay Eloy. Hindi na ako natutuwa. "Nakita ko po yung motor niya na naka-park eh."

"Balitaan mo ako agad kapag nahanap mo siya, ha?" bilin sa akin ni Chef. Ramdam ko ang pag-aalala niya.

"Opo, Chef."

Lumabas ako sa kusina nang natutuliro. "Nasaan ka ba kasi nagpunta, Eloy?" bulong ko sa sarili ko.

Hindi kaya...? Umiling ako. Hindi pwede, Jiyu. H'wag kang nag-iisip nang masama. Nandito lang 'yon.

Pinuntahan ko kung saan naka-park ang motorsiklo niya. Napansin kong iniwan niya ang mga gamit niya sa motor niya. Nandito ang wallet at susi niya. Bakit naman niya iiwan ang mga gamit niya dito? Hindi ba siya nag-aalala na manakawan siya?

Bubuksan ko na sana yung wallet ni Eloy para tignan kung ano yung mga nandun nang biglang tinawag ako ni Mike. "Jiyu, si Eloy!"

Tumakbo ako agad papunta sa direksyon ni Mike. Natigilan ako sa pagtakbo nang makita ko ang kumpulan ng mga tao sa gilid ng dalampasigan.

Hindi. Hindi maaari. Dahan-dahan akong lumapit sa kumpulan ng mga tao upang makita kung sino ang pinagkakaguluhan nila.

Habang nagbubulung-bulungan ang mga tao ay wala akong ibang marinig kung hindi ang agos ng dagat. Hindi naalis ang tingin ko sa katawan ni Eloy na namumutla. Tinitignan ng mga tao kung buhay pa siya. Pinakiramdaman nila ang pulso at paghinga niya.

"Eloy... parang awa mo na."

Bumulong ang taong taga-rescue kay Mike. Sa mukha pa lang niya, alam ko na ang sagot. Tumingin siya sa akin saka umiling. Mas napahigpit ang kapit ko sa mga gamit ni Eloy.

Ang sabi ko humingi ka ng tulong eh.

🌊

Binuksan ko ang pitaka ni Eloy para makita kung ano ang laman nito. Bumungad sa akin ang litrato nila ng nanay niya. Kandong-kandong siya ng nanay niya. Parehong malawak ang ngiti nilang dalawa. Napakasimple lang ng suot nila pero halata ko sa mga ngiti nila na masaya sila sa ganoong buhay lamang.

Sa buong pagkakataong nakilala ko sa Eloy, hindi ko siya nakitang ngumiti nang ganito. Naiintindihan ko naman kung bakit. Paano nga ba siya sasaya ulit kung yung pangunahing pinaghuhugutan niya ng kasiyahan ay wala na sa buhay niya?

Nakakatawa dahil may isang libo na itinira si Eloy sa pitaka niya. Hindi ko alam kung sinasadya niyang isang libo ang maiwan niya sa pitaka niya o hindi. Pero ramdam ko na nabawi ko ang nawalang isang libo sa akin noong hindi ko tinanggap ang bayad mula kay Vice Mayor.

Bukod sa mga 'yon ay may nakita akong liham na nakatiklop. Tinanggal ko ang pagkakatiklop no'n upang mabasa ko ito nang mabuti.

▃▃▃▃▃▃▃

Jiyu,

Pasensya ka na kung hindi ako humingi ng tulong kahit na nalulunod na ako. Hindi kaya ng konsensya ko eh. Ayaw kong idamay kayo sa pagkakalunod ko. Imbes na madamay kayo, lumangoy kayo papunta sa dalampasigan. Wala na rin akong nakikitang dahilan pa para lumangoy. Malunod man ako, sana palagi mong tatandaan lahat ng sinabi ko sa 'yo.

Naniniwala akong kakayanin mo ang bawat alon na paparating sa buhay mo, Jiyu. Kaya mag-aral ka. Pumunta ka sa bahay ng nanay ko. Nasa likod ng litrato ang address. May iniwan akong pera dun na para sa 'yo. Dalawa ang susi na iiwan ko sa motor ko. Isa dun ay para sa bahay.

Gamitin mo ang mga iniwan ko para makaahon ka. Pati yung motor, sa 'yo na yan. Gamitin mo kapag kailangan mong tumakas. Pero sana balang araw, hindi mo na kailangang tumakas.

Patuloy kang lumangoy, Jiyu.

🌊 Eloy Magbanua.

Eloise & JiyuTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon