Kabanata 1: Eloise

44 8 0
                                    

Tatlong taon na ang nakalipas nang itangay ng mga alon ang bangkay ng nanay ko. Tatlong taon na rin kaming kasal ni Mikoy. Sa loob ng tatlong taon na yun, maraming nangyari. Singbilis ng pagtangay ng mga alon sa mga tinatayo kong kastilyong gawa sa buhangin ang pagbabago ng buhay ko. Wala man lang akong nagawa upang masalba ito.

Isa sa mga pagbabagong nangyari sa buhay ko ang pagpasok ni Mikoy sa pulitika. Hindi naman sa hindi ko inaasahan ito. Bago pa lang kami ikasal ay alam kong binabalak na niyang tumakbo bilang Bise Mayor ng lugar namin. Ang ikinabigla ko lang naman ay yung pagdadawit niya sa akin sa mga ganap niya sa pulitika.

Ang daya. Hindi ko naman ginustong masangkot sa pulitika na yan. Pinanganak na nga akong may kapit sa pulitika, pinakasalan ko pa! Edi syempre, wala na akong kawala, hindi ba?

Sa loob ng tatlong taon na yun ay nanalo si Mikoy bilang Bise Mayor at si Daddy bilang Mayor. Dahil dun ay mas lalong nahaluan ng pulitika ang buhay ko. Paano ko pa matatakasan 'yon sa lagay na 'yon?

Isang halimbawa ng mga bagay na hindi ko matakasan ay ang charity ball na in-organize nina Daddy at Mikoy para sa mga nasalanta ng bagyo. Pinagtalunan pa namin ito ni Mikoy dati.

"Eh bakit kayo gagawa ng charity ball para sa mga nasalanta eh hindi ba nasa budget naman yung tulong na kailangan nila?" Wala akong pakialam kung taklesa ako. Ang importante ay nagsasabi ako ng totoo.

Napangiwi si Mikoy sa sinabi ko. "Syempre, nasa budget 'yon! Pero mas maganda kung mas marami tayong maibibigay na tulong sa kanila."

Ang kapal talaga ng mukha ng mokong. "Hindi mo ako maloloko, Mikoy." Umiling-iling ako. "Nagbago ka na."

Iiwan ko na sana siya sa kwarto n'on nang biglang sabi niya sa akin, "Nagbago ba talaga ako o hindi mo lang ako kilala?"

🌊

Binisita ko si Daddy sa mansyon nila bago ako umuwi sa bahay namin ni Mikoy. May ibibigay raw kasi siya sa akin. Galing sa kwarto nila ni Tita Ysay ay bitbit niya ang isang gown na nakasabit pa sa hanger.

Iniabot niya sa akin iyon. "Ito ang isuot mo sa charity ball, anak."

Tinignan ko ito mula ulo hanggang baba. Mahabang gown ito na may plunging neckline at slit sa gilid. Tingin pa lang alam ko na agad na magmumukhang hapit ito sa katawan ko.

"Ito talaga, Dad?" nagtatakang tanong ko.

Kahit na matanda na ako ay pakiramdam ko wala pa rin akong kalayaang magdesisyon para sa sarili ko. Hindi ko naman masuway-suway si Daddy kasi naging sobrang bait niya sa akin. Ayaw ko siyang madismaya kapag hindi ko siya sinunod. Isa pa, kapag sumuway ako sa utos ni Daddy, isusumbat na naman ng mag-ina niya yun sa akin. Akala mo hindi sila nagkakamali sa buhay nila eh. Bad trip!

Tumango sa akin si Daddy habang malawak ang ngiti niya. Labag sa loob kong tinanggap ang gown na kanina pa niya inaabot. "Anak, you have to come to the ball with your husband," utos niya.

As if namang may choice ako, hindi ba? "I will be there, Dad. Isa pa, event din naman ni Mikoy 'to."

Umakyat ako sa dating kwarto ko para makipagchismisan kay Pipay. Mahirap na kapag sa labas kasi baka kung sino pa ang makarinig. At least sa kwarto ko dati, medyo may privacy pa rin. Pagpasok ni Pipay ay agad siyang bumuntong-hininga. "Hay nako talaga, ma'am!" Nakapameywang pa siya habang binabalita sa akin ang mga kaganapan dito sa bahay. "Iyang prinsesita," tukoy niya kay Quinn, "kapag wala ka, napakalakas ng imahinasyon. Palaging pinagpapantasiyahan yung asawa niyo."

Tumawa ako kasi mas naimbyerna pa si Pipay kaysa sa akin. "Wala namang bago doon," komento ko kaso hindi pa pala siya tapos.

"At nako 'yang asawa ni mayor, kinukumbinsi pa siya na huwag kang isama. Ilusyonada!" Kita kong rinolyo ni Pipay ang kanyang mga mata.

Eloise & JiyuTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon