Dedicated to everyone. I wish you feel home this Christmas.
--
Bago maupo para sa agahang mami't pandesal, binuksan ko ang t.v. Hindi dahil sa gusto kong makarinig ng report ng patayan, pagtaas ng ganito, ganyan, bagaman kung isa kang tagapaglingkod sa bayan, tulad ko, dapat kahit papaano'y may alam ka sa current affairs ng bansa. Nagbubukas lang ako nito kasi sobrang tahimik. Maingay sa labas, oo. Andiyan 'yong mga harurot ng tricycle, tilaok ng manok at tsismisan ng mga Marites, pero dito sa bahay iingay lang kung ako'y kikilos. Iingay lang kung gusto kong mag-ingay. At least kapag binuhay ko ang t.v. nabibigyan ako ng ilusyon na hindi ako nag-iisa. Na may kasama ako sa bahay.
Sa buhay.
Pero minsan, hindi ko rin maiwasan ma-trigger (tulad na lang ngayon) sa mga advertisement na nagpapakita ng kompletong pamilya. Wala kasi ako no'n. Ibig kong sabihin, mayroon. Noon. Wala na ngayon.
Para 'di na ako mag-aksaya lalo sa kuryente, pinaspasan ko na ang pagkain, nagbutones ng uniporme't nagcommute papunta sa istasyon sa EDSA. Kapag 'di ko kasi dinistract ang sarili'y maaalala ko na naman ang madilim na karanasan sa probinsya, iyong panahong sinalakay ang lugar nami't pinagpapapatay ng rebelde ang lahat ng may buhay.
Buhay ako noon dahil nang paulanin ng bala ang bahay, balot ako sa yakap ng mama't papa. Sila ang sumalo noon. Hindi ko alam kung anong motibo ng mga taong iyon o kung meron man. Pero tanda ko ang paglagay ni mama ng daliri sa bibig bilang instruction sa akin na 'wag mag-ingay. Para maligtas ako, sa madaling sabi.
Naibalita ito noon sa telebisyon. Isa lang ako sa iilang batang nakaligtas. Kinupkop ako ng mga tiga-Sisters of Peace and Justice at ginawa ang makakayang mabura sa alaala ko ang masalimuot na kabanatang iyon. Sa harap nila, oo, nakumbinsi kong nagtagumpay ang mga madre. Pero kapag ako na lang mag-isa sa kuwarto, lumalangoy ako sa katanungang, 'Bakit hindi na lang ako sinama noong patayin?' na siya ko namang sasagutin ng, 'Siguro kasi alam nilang mas masakit ang mararamdaman mo, pangmatagalan ba kung ika'y bubuhayin.'
Ang nakakatawa niyan, kinupkop ako ng mga madre, pinag-aral ng highschool para hulmahin sa pagkapari. Nariyan na raw kasi ang hitsura, ang dating ng isang 'servant of the Lord'. Pero alam ko sa sariling hindi ito ang calling ko. Lagi kong naririnig sa kanila na sa Panginoon daw mararanasan ang 'kapayapaan' at 'hustisya'. Sabi ko naman (sa sarili), baka may iba pa. At iyon nga ang pagpasok sa pulisya.
Bakit pulisya? Mga tulad kasi nila ang sunod kong naaalala no'ng gabing inatake lugar namin. Karga ako ng isa't pinatatahan. Napatay nila karamihan sa mga rebelde bagamat ang iba'y nakatakas. Rumihistro sa kokote ko ang kabayanihang iyon sa puntong gusto ko maging kasapi nila.
Dahil alam kong may agam-agam ang mga madre sa propesyong napili ko, nagpaalam na rin ako sa kanila't lumuwas ng Maynila para pag-aralin ang sarili sa kolehiyo. Estudyante sa umaga, kargador sa gabi. Ilang taong pagbabanat ng buto't pagsusunog ng kilay at sa wakas, nakapagtapos akong cum laude.
BINABASA MO ANG
Seasons of Love: Twelve Days of Christmas
General FictionAng pag-ibig ay tulad ng panahon, darating ito ng hindi natin nalalaman, darating ito na hindi sinasabi kung sino nga ba ang darating para sa atin, wala itong pinipili, wala itong nakikitang katauhan, hindi ito humuhusga, sa halip tulad ng panahon a...