IKAAPAT NA KABANATA

15 2 0
                                    

ISANG GUNITA

Isa sa mga itinuturing na pribado at sagrado na lugar sa palasyo ng Verbanwa ang Agora o Bulwagan ng mga Bayani. Pribado ang yaong silid gayong doon ginaganap ang lahat ng pagupulong at paghuhukom na tanging ang mga miyembro lamang ng konseho ang siyang pinapahintulutan na makapasok at makaalam sa mga kaganapang naroroon. Ang nasabing konseho ay binubuo ng mga lakan o punong tagapagpayo, baisha o ang mga heneral ng hukbo, baylan o mga pinuno ng mga lupaing nasasakupan ng kaharian, at higit sa lahat ang Raya o reyna na siyang may bukod tanging kapangyarihan na magbigay ng huling pasya o desisyon base na rin sa kung ano ang napagkasunduan ng konseho.

Sa loob din ng nasabing bulwagan nakahimlay ang mga labi ng mga bayani na nakipaglaban upang maprotektahan ang reyno mula sa mga kalabang barbaro at ibang kaharian na nagtangkang pabagsakin ito.

Isa sa limang tinaguriang bayani ng kaharian ay si Ysagani, ang panganay na anak ni Raya Carolina at nakatatandang kapatid nina Menandro at Estevan.

Isa itong magiting na heneral ng hukbo. Matalino at mapamaraan din ito. Kasama ang kanyang hukbo ay naipagtanggol nila ang reyno mula sa mga barbarong mangkukulam na noo'y nagbibigay pangamba sa mga karatig kaharian ng Verbanwa. Ayon sa iba ay sadyang malalakas at mapupusok ang mga mangkukulam lalo na sa tuwing nagpapakawala sila ng nakamamatay na itim na mahika.

Pinaghandaan naman ito nang wasto nina Ysagani at sa basbas ng Inang Reyna, nagapi nila at nalupil ang mga barbarong mangkukulam bagama't nalagay sa panganib ang buhay ni Ysagani dahil na rin sa hindi inaasahang mahika na tumama sa bandang dibdib niya kahit na nakakalasag ito.

Marami pang laban ang naipanalo ni Ysagani dahilan upang maging tanyag ang pangalan niya hindi lamang sa Verbanwa kundi maging sa buong kalupaan ng Arkadia (mundo ng mga engkanto). Kaya naman walang ni sinuman ang nagbalak mula noon na maghasik ng digmaan sa Verbanwa. Mas lalo ring umigting ang relasyon sa pagitan ng Verbanwa at ng ibang kaharian dahilan upang kilalanin na Inang Reyno ang kaharian ng Verbanwa magpahanggang sa ngayon.

Halos sampung taong kapayapaan din ang umiral sa buong kalupaan ng Arkadia ngunit agad din namang binasag ng isang panibagong pagsubok, ang misteryosong pagkamatay ni Prinsipe Ysagani.

Napabalitang wala ng buhay ang mga kawal na kasa-kasama ni Ysagani sa isang ekspedisyon. Mas mga laslas ito sa leeg at mga tila kalmot sa katawan. Nawawala rin ang mga puso ng mga ito at maging ang ibang lamang -loob. Misteryosong wala roon sa mga bangkay ang katawan ng heneral liban lamang sa duguang kapa at kwentas nito na tila ba ginamit pa nito upang lumaban sa kung sinumang halimaw ang lumusob sa kanila. Hanggang ngayon, tanging ang mga bakat lamang ng mga malalaking paa sa lugar ng krimen ang siyang palatandaan na hindi pangkaraniwang nilalang ang lumusob sa kanila.

Kasabay n'on ay ang biglaang pag-usbong naman mula sa Silangan ng Arkadia ng isang bagong kaharian na pinamumunuan ng mga Hulagyo (masasamang espiritu) sa pangunguna ni Ydlizar. Mga bihasa sa itim na mahika at medisina ang mga mamamayan ng naturang kaharian. Angat din sa paggawa ng sandata ang mga ito kaya naman todo-bantay ang mga malalapit na kaharian sa kanila sa pangambang magsimula ito ng gulo o digmaan sa mga karatig kaharian nito.

Mula sa pintuan ng naturang silid ay pumasok na si Menandro, ang punong heneral ng hukbo. Ang kanyang presensya na lang ang hinihintay roon upang masimulan na ang nasabing pagpupulong hinggil na rin sa kung anong balita ang dala ng mga espiya na inatasan niya na magmasid sa kaharian ng Agravah.

Tumayo naman mula sa kinauupuan nito ang Raya ng Verbanwa na sinabayan naman ng pagluhod ng lahat ng naroroon bilang pagbibigay pugay sa reyna.

"Marahil kayong lahat ay nagtataka sa biglaang pagpapatawag ko ng pulong dito sa bulwagan," pambungad nito. "Iyon ay dahil na rin sa gusto kong ipabatid sa lahat na dumating na ang mga espiyang isinugo ni Heneral Menandro upang magmatyag sa kalupaan ng Agravah," wika ng reyna sa seryosong tono. "Gaya ng inaasahan, wala pa ring dapat ikabahala ang lahat," pagsabing iyong ay tila nagpalitan ng kuro-kuro ang mga naroroon.

The Lost Prince Of BiringanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon