MGA PLANO
"Ina! Nagsusumamo ako. Bawiin niyo ang hatol!" Pagmamakaawa ni Menandro sa harap ng pintuan ng silid ng reyna. Umaasa pa rin itong magbabago ang desisyon ng reyna ukol sa naging hatol nito sa kanyang nobya. Bakas din ang determinasyon ng heneral sa kabila ng pagiging pusong bato ng kaniyan ina sa mga hinaing nito.
"Nakalimutan na yata ng prinsipe, mali, ng dating prinsipe na hindi na mababawi ninuman ang hatol ng reyna kahit na siya mismo ay hindi na rin magagawang bawiin ang huling hatol. Kung ang reyna nga ay walang nang magagawa, paano nalang kaya ang alibughang prinsipe ng Verbanwa?" Pangungutya ng baylan na si Beruya, ang punong tagapagpayo, sa heneral. Hindi naman nagbingi-bingihan ang heneral sa mga sinabi nito at tinapunan ito ng matalim na tingin. Ang mga tingin nito ay waring isang tigre na handang-handa na lumapa ng kahit anong sasalubong sa daanan niya. Ngunit hindi ganoon kaiksi ang timpi ng heneral. Nakuha pa rin nitong ngumisi sa baylan na para bang nangiinis pa.
"Nakalimutan din yata ng bwarkang (traydor) baylan na kailanman ay hindi nakatataas ang isang gaya niya sa isang dugong bughaw na gaya ko. Hindi ko rin batid kung ilang beses kang nabagok sa mga bato at kay bilis mo ring nalimot na anak ko ang siyang magiging prinsipe ng kahariang ito." Ganti nito sa mga binitawang kutya ng baylan.
Mukhang hindi naman naapektuhan sa mga sinabi ng heneral ang naturang baylan at nakuha pa nitong humalakhak na waring nangaasar pa sa kausap niya.
"Hindi yata aakma sa akin ang katagang iyong binitawan baisha. Ang pagiging dwarka ay hindi mainam na ikabit sa mga katulad kong tapat sa Raya at maging sa reyno. Mas bumabagay ito sa mga diwatang naakit at napaibig ng isang mortal na talos naman nating lahat ay mahihinang nilalang at mga alila lamang kung ikumpara sa lahi natin," pagpaparinig nito sa heneral.
Batid naman ni Menandro na siya ang tinutukoy nito sa mga binibitawan niyang salita. Pinalampas lamang ito ng heneral at pinahaba ang kanyang timpi.
"Ang sakit lang isipin na may mortal na nakipamuhay rito sa Arkadia. Ang masaklap nga lang ay yaong hindi pa mapagkakatiwalaan ang napadpad dito. Mabuti na lamang at mawawala na siya hindi lang sa Verbanwa, bagkus, sa buong Arkadia," dagdag pa nito na nagpausok sa dalawang tenga ni Menandro. "Mapalad pa nga siya sa lagay na iyon dahil nasa tamang pag-iisip pa ako at kamatayan agad ang iminungkahi ko. Mas ikasasaya ko pang makita na naghihirap ang mortal na iyon habang paulit-ulit na nilalatigo at pinapahirapan siya ng paulit-ulit," sa puntong iyon ay hindi na nga napigilan pa ni Menandro ang sarili niya at walang patumanggang nagpakawala ng malakas na kamao sa mukha ng baylan dahilan upang mabuwal ito sa kinatatayuan niya at mapaupo sa sahig. Tamang pagkakataon naman iyon para kay Menandro upang ipaghiganti ang ginawa ng baylan sa kanyang kasintahan. Binunot nito ang espada mula sa sisidlan nito at itinapat sa lalamunan ng baylan. Hindi na pinalagpas pa ni Menandro ang pagkakataong iyon at iwinasiwas nito sa hangin ang sandata patungo sa lalamunan ng baylan.
Naliligo sa sariling dugo, bukang lalamunan at walang buhay na katawan. Ito sana ang daranasin ng baylan kung hindi agad nasagang ni Asvar ang sandata ng heneral na noo'y ilang pulgada nalang ang layo mula sa lalamunan ng baylan.
"Baisha, huminahon ka!" Saway ni Asvar sa heneral na noo'y galit na galit pa rin sa matandang baylan.
"Tumabi ka Asvar. Hindi ako mapapalagay hangga't hindi ko nabubura ang dwarkang ito sa kaharian!" Aniya at muling umatake sa baylan ngunit agad naman itong napigilan ni Asvar. Tumulong na rin ang ibang kawal na naroroon upang paghiwalayin ang dalawa.
Bigla namang bumukas ang pinto sa silid ni Raya Carolina at mula roon ay lumabas ang reyna kasama ang mga dama nito.
"Anong kaguluhan ito?" Kaagad na usisa ng reyna. "Bakit duguan ang iyong bibig, Baylan Beruya?" Baling nito sa noo'y walang imik na baylan.