Hindi Pangako ang Napapako

85 6 0
                                    

"Itinali ako ng mga pangako mo."

----------------------------------------------------------

Maagang nagising si Jace kinakabukasan. Hindi na iyon bago pa para sa kanya ngunit ang kaibahan nga lang ngayon, hindi siya bumangon para sa trabaho. 

Mataman niyang tinignan si Sol sa sala habang seryoso nitong sinusuri ang hawak na remote control. Kunot ang noo nito habang ang mga namimilog nitong mga mata ay sinusundan ang maninipis na daliri niyang bahagyang naglalakbay sa teklada nito. 

"Kasi... hindi nga ikaw siya."

Muling bumalik sa isipan niya ang mga salitang iyon habang pinanonood ito. Huminto siya sa pagbaba at tahimik itong pinagmasdan. Muling bumalik sa kanyang isipan ang emosyon sa mga mata ni Sol nang sabihin nito ang mga salitang iyon. Sandaling lumutang ang dibdib niya sa hindi maipaliwanag na nararamdaman habang inaalala ito. 

Nang makita niya kasing may parte sa emosyon nito na tunay ngang  masaya na hindi siya si Javier, parang inilagay siya ni Sol sa isang pwesto kung saan siya nararapat.

Para bang gumawa ito ng linya na nagsasabing kahit ano pang gawin niya, hindi siya makakatawid dahil hindi siya ang taong inaasahan ni Sol na makita.

Na siya lang si Jace— iyong kamukha ni Javier pero hindi ang mahal ni Sol.

"Jace!"nagising siya sa realidad nang marinig ang masayang boses nito.

Nakaluhod na ito sa nakatalikod na sofa habang nakatungkod ang kamay sa sandalan. Ang isang kamay niya ay kumakaway kay Jace habang hawak-hawak ang remote. "Gising ka na pala. Magandang umaga!" bati nito.

Tumango lamang siya rito bago nagtuloy sa pagbaba saka dumiretso sa kusina. 

"Kanina ka pa gising?" tanong niya nang maramdamang sumunod ito sa likuran niya.

"Hm. Hindi naman. Lumabas lang ako roon sa kwartong ibinigay mo dahil sobrang lamig. Ngayon lang ata ako nakaranas ng ganoong panahon! Ang lamig talaga, parang may nakatapat sa akin na malaking pamaypay." mahabang saad nito.

Umangat ang gilid ng labi ni Jace nang maisip na ang tinutukoy nitong malaking pamaypay na sobrang lamig ay ang aircon.

"Hindi iyon dahil sa panahon. Hihinaan ko iyong aircon mo mamaya kung ayaw mo ng sobrang lamig." aniya.

Kumuha siya ng tasa sa kabilang parte ng kusina upang makapagtimpla ng kape. Nang sumunod muli sa kanya si Sol ay nilingon niya ito.

"Ang alin? Err...kon?" Nagbaba siya ng tingin dito nang mahina nitong banggitin ang salitang sinabi niya. 

Napailing siya nang marinig ang kakaibang pagbigkas nito sa salita. Ang sulok ng kanyang labi ay walang kahirap-hirap na umangat sa simpleng bagay na iyon ngunit mas mabilis pa sa hangin na bumalik sa dati ang mukha niya nang mapansin ang inboluntaryong pagngiti. 

"Iyon ba iyong parang aparador na nakasabit sa itaas ng kwarto?" dagdag na tanong ni Sol habang kunot na kunot ang noo.

Sandaling tumigil si Jace sa pagtimpla. 

"Wait." mahinang saad niya saka inilabas ang cellphone. Nagtipa siya ng ilang letra at pagkatapos ng ilang minuto ay iniangat niya ang tingin dito. "Hm." saad niya saka nagpatuloy sa ginagawa.

Namilog ang labi ni Sol. "Ang galing..." mahinang bulong nito.

"Magkakape ka?" Tanong ni Jace upang mabago ang usapan.

Umiling si Sol saka bumalik sa kinauupuan. "Salamat, pero hindi na hehe. Inaantok kasi ako kapag nakakainom ng kape." anito saka pinindot pindot muli ang remote.

Bawat PiyesaWhere stories live. Discover now