2 - Ang Nakaraan

176 14 8
                                    




2 - Ang Nakaraan



1797, Macabebe, Pampanga




PILIT NA TINATAKPAN ni Juan Severino ang kandilang malapit nang mapundi ang sindi dahil sa malakas na pag-ihip ng hangin. Kahit alas-dose na ng madaling araw at ang mga mapupungay na mata niya ay papikit na, hindi siya natinag sa ginagawa.

Nang matapos niyang ukitin ang huling letra ng sinusulat ay tinignan niya iyon nang maigi saka marahang hinipan ang papel upang matuyo. Inilapag niya sa mesa na yari sa kahoy ang ginamit na pluma bago pumihit at tumingin sa ina.

"Ina, Tignan mo at nagawa kong isulat ang ating mga pangalan!" nakangiting wika ni Severino habang ipinapakita sa ina ang ipinagmamalaki at pinaghirapang obra. Nakasulat ang mga pangalang 'Juana' at 'Juan Severino'.

Nakangiti si Severino sapagkat nananabik siya sa reaksyon ng kaniyang ina, ngunit ang mga ngiting iyon ay dagling naglaho dahil hindi man lang ito lumingon sa kaniya.

"Ina?" ibinaba ni Severino ang hawak na papel sa lamesa. Napansin niya na kanina pa nakaupo ang kaniyang ina sa bangkinito ngunit wala iyong imik at tila nakatingin lang sa dingding na pawid.

Nakatalikod ang kaniyang ina kaya naman dahan-dahan niya itong nilapitan upang makita ang lagay nito. Sinalubong ng nag-aalala niyang mga mata ang mata ng kaniyang ina na halos blangko at wala nang emosyon.

Idinampi niya ang kamay sa noo ni Juana. "Mainit ka, Ina, baka napagod ka sa paglalako ng kakanin kanina." Usal ni Severino.

Wala pa rin itong imik, hanggang sa dahan-dahang lumingon si Juana at tinignan nang diretso sa mga mata ang anak. "Hindi ba't pinangaralan na kita ukol sa pagsusulat mo na wala namang saysay?" banta nito.

"P-Pero, Ina, iyon lamang ang aking libangan maliban sa pagtulong sa iyo sa pagtitinda. Nagsisipag naman ako para sa atin." Katwiran niya.

Hinawakan siya nang mahigpit ni Juana sa pulsuhan. Napaimpit siya nang dahil sa sakit. "Ang labis na kaalaman ay ang magdadala sa'yo patungo sa kasalanan!" Bulalas ng kaniyang ina at mas lalong humigpit ang pagkakahawak nito sa parteng iyon ng katawan niya.

Halos kaladkarin siya ng sariling ina dahil tumindig ito saka sinunog ang sinulatan niyang papel gamit ang apoy ng kandila.

Ang ilang oras niyang pinaghirapan ay ilang segundo lang ang katumbas upang ito ay maglaho.

"Hindi mo na ako susuwayin muli! Naiintindihan mo ba ako, Juan?" bulyaw ng kaniyang ina na halos ikabingi niya. "Marapat kang maging alagad ng Diyos upang ika'y hindi malulong sa kasalanan!"

"H-Hindi naman ako masamang tao, Ina!" pagsusumamo ng bata habang pinapanood ang obra niyang tinupok na ng apoy.

"Isasalba kita sa kaniya! Isasalba kita laban sa demonyo!" ipinulupot ni Juana ang rosaryo sa leeg ng anak at pinaluhod ito sa sahig. Halos masakal na si Juan Severino nang dahil doon.

Ipinagdaop-palad ni Juana ang anak at pinapikit ito. "Palagi naman po akong nagdarasal kaya hindi magtatangka ang Demonyo na lumapit sa atin, Ina! Pakiusap, huwag mo namang gawin sa akin ito!" pakiusap niya muli.

Naramdaman na lang ni Juan Severino bigla ang mainit na pagpatak ng likido sa kaniyang kamay gamit ang kandila na hawak ng kaniyang ina. Ang mga iyak at pagsusumamo niya ay humalo sa dasal na sinasambit ng kaniyang ina.

"Napapaligiran tayo ng Demonyo sa pamamahay na ito. Dapat na maging matibay ang pananampalataya natin sa Diyos. Naiintindihan mo ba ako, Severino?" tanong ni Juana at muling dinaplisan ng mainit na kandila ang balat ng anak. Muling napaiyak si Juan Severino ngunit nanatili itong nakapikit habang nakaluhod.

At doon ay nagdasal siya..tahimik siyang nagdasal na sana ay hindi niya dinaranas ang pagpapahirap na ginagawa ng ina.

Napatango na lamang siya dahil wala na siyang lakas para magsalita.

"Ikaw ang magsasalba sa ating dalawa. Ikaw ang tanging pag-asa ko, Anak." Lumuhod sa harapan niya ang ina at inilapit ang bibig nito sa kaniyang tainga. "Ipangako mo sa akin, Severino, na magiging isa kang disipulo ng Diyos. Ipangako mo na gagawin mo ang lahat para sa akin.." bulong nito sa kaniya.

Sinikap ni Juan Severino na itaas ang noo. Tumango siya nang ilang beses bago muling nagsalita.

"Ipinapangako ko po, Ina. Magiging alagad ako ng Diyos at magiging mabuti akong tao.."

Ang Saserdote (The Priest)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon