8 - Isang Malamig na Gabi

204 9 3
                                    





8 - Isang Malamig na Gabi

Magalang, Pampanga, 1816

LUMABAS si Severino ng simbahan upang makita kung ano ang pinagkakaguluhan ng taumbayan sa labas. At dahil likas na pilya si Mariana, sinundan niya ang pari at nang sandaling iyon ay hiniling niya na sana'y hindi na niya ginawa ang bagay na iyon.

Sa labas ng simbahan, magkakatabi ang tatlong katawan na wala nang buhay. Hindi pa naaagnas ang katawan nila ngunit ang mga mukha ay halos burado na.

Natutop ni Mariana ang sariling bibig. Halos lumuwa na ang mata ng dalawang lalaki at ang isa naman ay nakabukas ang bibig at nakalabas ang dila.

Naramdaman na lang niya ang mainit na kamay na humawak sa pulsuhan niya, puwersahan siyang pinatalikod nito mula sa karumal-dumal na eksena sa harapan niya.

"Mariana," si Severino. Naramdaman niya ang mabilis na pagdaplis ng kamay ni Severino sa kaniya. "Umuwi ka na. Hindi ka na muna dapat lumabas."

Nanginginig ang buong katawan ni Mariana na nasa estado ng matinding pagkasindak. Sisilipin pa niya sana ulit ang tatlong bangkay ngunit hinarang ni Severino ang sariling katawan upang hindi na niya makita iyon.

"Dyusko.." Kumawala na ang luha mula sa mata ng dalaga, "S-Sino ang gumawa nito?"

Hahawakan sana ni Severino ang isa niyang kamay subalit palapit na si Dante sa kanilang dalawa kasama ni Don Malvar na nagpatawag na ng mga guardia civil.

"Hijo de puta.." usal ni Dante nang makita ang pangyayari. Napatakip siya sa bibig wari'y nasusuka sa natunghayan.

"Nandito na si Dante, sumama ka sa kaniya." Kalmadong saad ni Severino kay Mariana.

Nilapitan na ni Dante si Mariana at niyakap niya nang mahigpit ang dalaga. Samantala, nilapitan ni Don Malvar si Severino. "Padre," bakas sa boses ng gobernadorcillo ang takot, "Hindi tamang nasaksihan mo ang ganitong pangyayari, isa kang pari at labag sa inyong..."

Halos walang naririnig si Padre Severino sa mga sinasabi ni Don Malvar. Malabo ang kaniyang isipan at ang mga mata niya'y nakapako lamang sa tatlong bangkay na nakaratay sa harapan ng simbahan.

Napapikit siya at napahilot sa sumasakit na sentido. "Padre Severino?" tila nalulunod na ang boses ng lahat sa pandinig ni Severino. Nilagpasan lang niya ang gobernadorcillo saka, itinukod ang isang tuhod sa lupa upang mapagmasdan nang maigi ang tatlong lalaki.

Pumikit siya at tumingala sa langit. Nagdaop-palad ang kaniyang kamay habang sinasambit ang isang dasal. "Panginoon ko, bigyan mo ng hustisya ang mga batang ito at dalangin ko na salubungin mo sila sa iyong kaharian upang makamtan nila ang kapayapaan."

Humingi si Severino sa isang guardia civil ng tela na puwedeng gamitin upang masukloban ang katawan ng mga binata. Nang makuha ang hinahanap, siya mismo ang nagkumot sa katawan ng mga ito hanggang sa nilapitan na niya si Don Malvar.

"Hindi ko muna aabisuhan na magdaos ng misa ang mga tao rito sa Magalang gaya ng nakasanayan, ngunit mamayang gabi, magtitirik tayo ng kandila dito sa harapan ng simbahan para sa mga namayapang batang ito." Sambit niya kay Don Malvar.

Tumango lang ang gobernadorcillo. Sa kanilang lahat, siya ang nakatataas ngunit ng mga sandaling iyon, kay Padre Severino niya iniatang ang responsibilidad sa maaaring gawin upang mapanatili ang kaayusan sa kanilang bayan.

Samantala, hinayaan na lang ni Mariana na manatili siya sa piling ni Dante. Nakaalalay sa kaniya ang binata habang papasok sila ng simbahan, tatawag daw ito ng kalesa at huwag siyang lalabas hangga't hindi nito sinasabi.

Ang Saserdote (The Priest)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon