4- Kaawaan kayo ng Diyos"Kasalanan? Anong kasalanan?" tanong ni Padre Severino kay Mariana. May hawak itong isang lampara at suot nito ang bestidang puti na pantulog. Labis niyang ipinagtataka kung paano natunton ng dalaga ang kanilang tahanan ngunit mamaya na niya iisipin ang tungkol doon.
Napalingon si Severino sa likuran niya at una niyang naisip si Juana na maaaring maabala sa pag-uusap nila. Ayaw niya ring makasalamuha ni Mariana ang kaniyang ina sa kadahilanang hindi maayos ang lagay nito.
Isinara niya ang pintong yari sa pawid at sumenyas sa pamamagitan ng daliri na huwag masiyadong mag-ingay si Mariana. Mukhang naintindihan naman ng huli ang nais ipaintindi ni Severino.
Bahagya silang lumayo sa maliit na dampang tinitirhan ni Severino at sa ilalim ng puno ng mangga naisipang mag-usap. Hindi maitatanggi ang pagkailang na nararamdaman ng binata dahil para bang kinatagpo niya ang lihim na kasintahan.
"Ano ba ang nais mong sabihin?" tanong ni Severino. Inilawan niya ang mukha ni Mariana.
"N-Nagkasagutan kami ng aking ama dahil pilit niya akong ipinapakasal sa taong hindi ko naman iniibig," panimula ni Mariana. "At nasabi ko sa kaniya na wala siyang kuwentang ama at hiniling ko na sana ay hindi na lang ako ang naging anak niya..mapapatawad pa ba ako ng Diyos, Padre Severino? Labis kong pinagsisisihan ang nasabi ko sa aking ama!" Nangingiyak na sinabi ng dalaga.
Napakurap nang ilang beses si Severino. Bilang isang pari, sanay siya na makarinig ng kumpisal mula sa isang estranghero pero hindi naman iyon nagaganap sa ilalim ng puno ng mangga katulad ng nangyayari ngayon.
"Tiyak naman ako na napatawad ka na ng Diyos," bigkas ni Severino. Kumikislap ang mga luha ni Mariana na nasisinagan ng ilaw ng lampara. "Hindi maiiwasan ang hindi pagkakaintindihan sa pagitan ng magkakapamilya, ang tanging magagawa mo lang ay intindihin ang ninanais ng iyong ama."
"Sinasabi mo ba na hayaan ko lang siya na ipakasal ako sa iba?" tanong ni Mariana, wari nanunudyo. "Na hayaan ko siyang tanggalan ako ng karapatan sa mga ninanais ko?"
"Hindi sa ganoon," malumanay ang boses ni Severino sa pag-asang mapakalma niya ang babae. "Matanda na ang iyong ama. Kung anuman ang nais mong ipahiwatig sa kaniya, mabuti pa't idaan n'yo ito sa pamamagitan ng maayos na usapan. Huwag n'yo hayaang magdesisyon ang inyong emosyon."
At tila natauhan, napatango nang ilang beses si Mariana. Inilabas niya ang panyong nasa bulsa ng bestida at saka pinunasan ang basang pisngi.
"Kung lisanin ko na lang kaya ang aming tahanan? Mapapanatili mo kaya ang lihim na 'yon?" suhestiyon pa nito.
"Ako naman ang magkakasala sa ganoon, binibining Mariana."
"S-Sabagay," napayakap si Mariana sa sariling braso. Labis pa ring nagtataka si Severino kung paano nakatakas sa kamay ni Don Malvar ang nag-iisang anak nito. Batid niya kasi na bantay- sarado ang gobernadorcillo sa unica hija nito sa takot na mapaslang ito katulad ng nangyari sa kaniyang asawa.
"Masiyado yata kitang naabala, Padre Severino. Humihingi ako ng dispensa at binulabog pa kita ng ganitong oras." Bahagyang napayuko ang dalaga. Natauhan na ito at nagising na sa sariling kahibangan.
"Hindi naman problema iyon para sa akin," mahinang sagot ni Severino, "Ngunit paano mo nalaman kung saan ako nakatira?" tanong niya.
Nakita ni Severino ang kaswal na ngiti ni Mariana. "Hindi naman mahirap na mabatid ang lugar na ito kung ikaw ang palaging usapan ng kababaihan dito sa bayan." Napakibit-balikat ang dalaga.
"Mabuti nang pinag-uusapan nila ang salita ng Diyos," hindi naintindihan ni Severino ang pahayag ni Mariana kaya naman mas lumawak ang ngiti ng babae.
"Hindi iyon ang ibig kong sabihin, Padre." Inilagay ni Mariana ang ilang hibla ng buhok sa likod ng tainga. "Bueno, hindi na kita nais na abalahin pa. Asahan mo na dadalo ako muli sa susunod mong misa."
BINABASA MO ANG
Ang Saserdote (The Priest)
Ficción históricaTaong 1816, nabulabog ang tila natutulog na bayan ng Magalang, Pampanga nang kumalat ang balita tungkol sa isang mamamatay-tao na handang kitilin ang buhay ng kahit na sino. Sa isang dekadang pagtugis ng taumbayan sa salarin, hindi nila inaasahan na...