11 - Ang Ikinukubling KadilimanManila, 2015
"Peter! Tanghali na! Kanina pa kita ginigising na bata ka!" Naalimpungatan si Peter sa boses ng kaniyang tiyahin. Kanina pa pala iyon kumakatok sa kaniyang pintong nakakandado.
Dali-dali siyang bumangon. Napamura pa siya nang sumabit ang paa niya sa isang wire mula sa charger ng cellphone niya. Binuksan niya ang pinto at humihikab na binati ang tiyahin, "good morning, Tita Shiela. Napuyat ako sa schoolwork ko kagabi," pagrarason niya. Bumungad agad sa kaniya ang amoy ng inilutong almusal ni Shiela na sinangag at daing.
"Akala ko kung napano ka na." Napailing si Shiela na nakapameywang pa. "Hindi ka naman kasi nagkakandado ng pinto."
"Sorry na, Tita. Pasalubungan na lang kita mamaya ng paborito mong meryenda?"
Pabirong pinalo ni Shiela si Peter sa noo. "Nako, idadaan mo na naman ako sa pasa-pasalubong na 'yan!" singhal nito. "Huwag na! Ipunin mo na lang 'yang pera mo. O siya, mag-ayos ka na't paplantsahin ko na 'yong uniporme mo."
"Thank you, 'Ta." Isinara ni Peter ang pinto at naupo sa kaniyang kama. Ilang segundo siyang natulala dulot ng kaantukan. Nawala lang ang antok niya nang mapansin sa basurahan ang librong itinapon niya kagabi.
Pinulot niya 'yon at pinagmasdan. "Ibalik ko kaya sa museum 'to?" tanong niya sa sarili. "'Wag na pala, baka pagbintangan nila akong magnanakaw."
Napailing siya at muling itinapon ang lumang libro sa basurahan. Kinuha niya ang tuwalyang nakasabit sa upuan at nagsimula nang mag-ayos bago umasok sa paaralan.
NAGINHAWAAN si Peter dahil wala pa ang kanilang propesor nang dumating siya sa classroom para sa kaniyang unang klase.
Pumwesto siya sa madalas niyang inuupuan; sa likuran na bahagi ng kaniyang mga kaklase dahil ayaw niyang napapansin ng mga ito.
Isinabit niya ang drawing tube sa silya. Napatingin siya sa daliring nasugatan kagabi nang dahil sa papel ng lumang libro, pero laking gulat niya dahil wala na ito. Inilapit niya lalo ang kamay sa mukha, at nagulat siya nang may tumawag sa kaniya bigla.
"Peter," si Paulina. Hindi niya namalayan na nasa harap na niya ito. "Kumusta ang research paper?"
"Ayon, wala pa akong nasisimulan," aniya. "Baka sina Gomburza na lang ang gawin ko. Hindi naman major subject 'yong Philippine History class natin."
"Sabagay." Napakibit-balikat si Paulina. Inilabas niya mula sa make-up kit ang compact powder at brush, saka nag-retouch ng mukha. "Aywan ko ba riyan kay Sir Calugay, masiyadong pa-major! Balita ko, ang daming bumabagsak sa subject niya."
"Balita ko nga rin. Marami naman kasi ang hindi interesado sa history, kaya hindi rin natin sila masisisi."
Isinara ni Paulina ang compact powder at tiningnan si Peter. Hindi naman makatingin nang diretso sa mga mata ni Paulina ang ikalawa. "By the way, sorry nga pala sa iniasal ni Mark sa museum kahapon. Pinagsabihan ko na siya, and he told me na hindi ka na niya pagdidiskitahan ulit."
"Salamat, pero hindi mo na dapat ginawa 'yon. Kaya ko naman ang sarili ko."
"I know, ayaw ko lang talaga kung paano ka niya tratuhin."
BINABASA MO ANG
Ang Saserdote (The Priest)
Historical FictionTaong 1816, nabulabog ang tila natutulog na bayan ng Magalang, Pampanga nang kumalat ang balita tungkol sa isang mamamatay-tao na handang kitilin ang buhay ng kahit na sino. Sa isang dekadang pagtugis ng taumbayan sa salarin, hindi nila inaasahan na...