Malakas na musika at nagkakasiyahan na mga tao ang sumalubong kay Dawn pagpasok sa bar. Tila wala nang bukas ang mga ito habang sumayaw sa dance floor. Nakikita niya kung gaano ka-wild ang mga babae habang umiindayog ang balakang sa kapareha nitong lalaki. Nagustuhan naman iyon ng mga lalaki at sinasabayan ng paghaplos sa katawan ng mga babae. Inalis ni Dawn ang tingin sa mga sumasayaw. Hinanap ng kaniyang mga mata ang bulto ng kaibigang si Magnum. Tinawagan siya nito para uminom ngayong gabi, pero alam niyang hindi iyon ang dahilan ng pagtawag nito sa kaniya. Sigurado brokenhearted na naman ang loko at gagawin siyang driver pabalik sa bahay nito.
"Dawn!" Agaw pansin ang malakas na boses ni Magnum sa karamihan ng mga tao.
Tumaas ang kilay ni Dawn nang makita ang itsura ni Magnum. Wala sa ayos ang suot nitong polo, may mga mantsa ng lipstick sa kuwelyo at namumungay na rin ang mga mata nito tanda ng labis na kalasingan. Hawak nito ang bote ng alak habang sunod-sunod na umiinom doon. Kung ang mga tao ay wala nang bukas sumayaw, si Magnum naman ay parang wala na rin bukas kung uminom.
"Basted ka na naman ba?" bungad niyang tanong kay Magnum pag-upo sa tabi nito.
"Dawn!" malakas nitong sabi.
Itinulak niya ang mukha ni Magnum nang akmang yayakapin siya nito.
"Umayos ka nga, Magnum! Ilang babae ba ang gumahasa sa 'yo at ganiyan ang itsura mo?" nakangiwi niyang tanong.
"D-Dawn, I really love her," malungkot nitong sabi sa halip na sagutin ang tanong niya.
Inagaw ni Dawn ang hawak na bote ng alak ni Magnum at diretsong uminom doon. Ayaw niyang tumatak na naman sa kaniyang isip ang sinabi nito. Letse! Paulit-ulit na lang niyang narinig iyon. Wala nang katapusan. Nagsasawa na siya.
Umubo si Dawn nang biglang gumuhit ang kakaibang init sa kaniyang lalamunan dulot ng alak.
"Putspa! Anong klaseng inumin 'to? Ang tapang!" Binagsak niya sa mesa ang bote. Wala na siyang planong inumin pa iyon.
"I love her, Dawn," paulit-ulit na sabi ni Magnum.
Huminga nang malalim si Dawn bago tumayo. "Halika na. Ihahatid na kita pauwi." Inalalayan niyang tumayo si Magnum pero ang walanghiya hinila siya at niyakap.
"D-Dawn! M-mahal na mahal ko siya!" sigaw nito.
Walang nagawa si Dawn kundi marahang tapikin ang likuran ng kaibigan. Iyon lang ang pwede niyang ibigay sa sitwasyon nito ngayon. Hindi siya magaling magpayo. Baka lalo itong masaktan sa sasabihin niya kaya mananahimik na lang siya habang pinapakinggan ang sinasabi nito.
"Mahal ko siya," muli nitong sabi habang nakahilig sa balikat niya.
"Oo na. Narinig kita pero kailangan na nating umuwi. Lasing na lasing ka na oh. Baka magkalat ka pa rito, nakakahiya."
Puwersahan niyang itinayo si Magnum. Inilagay niya ang isa nitong braso sa balikat niya. Hinawakan niya ito sa baywang at inakay palabas ng bar. Nahirapan pa siya dahil sa laki nito. Bukod sa tangkad ni Magnum, malaki rin ang katawan nito. Nanliliit siya sa laki nito. Kahit ganoon, nagawa pa rin niyang ilabas si Magnum sa bar.
Pagkarating sa labas, problemadong nagpabalik-balik ang tingin ni Dawn sa nakaparking na motorsiklo at sa lasing niyang kaibigan.
"Paano ko isasakay ang gagong 'to?" tanong niya sa sarili habang nakatingin kay Magnum. Hinayaan niya itong umupo sa gilid ng kalsada.
"N-Naririnig kita, Dawn!" sagot naman ni Magnum.
Masamang tumingin si Dawn kay Magnum. "Gunggong ka talaga! Bakit hindi mo dinala ang kotse mo? Dito ka pa pumunta sa lugar na ito alam mo namang walang dumadaan na taxi rito! Paano kita isasakay sa motor, huh?" gigil niyang sabi rito.
Ngumiti lang si Magnum na parang timang. Nainis naman si Dawn sa kaibigan.
"Wala akong pananagutan kapag nahulog ka!" babala niya rito bago ito alalayang sumakay sa kaniyang motorsiklo.
"Wohhh! Mahal na mahal kita!" parang baliw nitong sigaw sa likuran niya habang umaandar na ang kaniyang motor.
"Kumapit kang mabuti, gago!" sigaw niya rito.
Mabagal lang ang kaniyang pagpapatakbo dahil ayaw din naman niyang maaksidente sila.
"B-bakit ayaw niya sa 'kin?" tanong ni Magnum habang nakasandal ang ulo sa balikat niya.
"Huwag kang matulog diyan, gago! Sinasabi ko sa 'yo kapag nahulog ka, sasagasaan pa kita!" banta niya. Mukhang hindi naman epektibo ang pananakot sa brokenhearted na tao dahil patuloy pa rin ito sa sinasabi.
"G-gwapo rin naman ako ah! M-mayaman, m-may sariling negosyo at mahal na mahal siya. B-bakit ayaw pa rin niya sa 'kin? Ano pa bang kulang sa perpekto kong pagkato?"
"Aist! Gago ka kasi at nainlove sa may kasintahan na," sagot ni Dawn sa hinaing ni Magnum.
Kilala niya ang babaeng kinababaliwan ni Magnum at alam din niyang may kasintahan 'yong babae. Pasaway lang talaga itong kaibigan niya dahil patuloy pa ring hinahabol 'yong babae tapos sa kaniya magrereklamo kapag nasaktan.
Hindi narinig ni Dawn ang sagot ni Magnum hanggang makarating sila sa gate ng subdivision ng bahay nito.
"Narito na tayo," sambit niya nang tumigil sila sa harapan ng tirahan nito.
Hindi naman ito kumilos kaya bahagya niya itong siniko.
"Uy! Bumaba ka na!" Naramdaman naman niya ang pagkilos ni Magnum. Bahagya pa siyang tumawa nang matumba ito sa semento. That's a true friendship. Tawanan mo muna bago mo tulungan. "Uminom kasi ng sapat lang."
Bumaba siya sa motor at inalalayan niyang tumayo si Magnum bago nag-doorbell. Kaagad namang lumabas ang matandang kasambahay sa bahay ni Magnum.
"Ay, sus maryosep! Jusko ang batang 'to! Anong nangyari sa kaniya?" nataranta nitong tanong pagbukas ng gate.
"Gago po kasi, Manang. Saan ko ba pwedeng ibagsak 'to nang magising sa katotohanan?" biro niya sa matanda.
"Naku, Iha! Doon na lang sa kwarto niya. Ako nang bahala sa kaniya. Pasensya na sa abala ha."
"Sanay na ako rito, Manang. Paki-remind na lang po sa kaniya bukas ang bayad sa pag-istorbo niya sa tulog ko," muli niyang sabi sa matanda bago nagtungo sa silid ni Magnum.
Pagpasok sa silid ni Magnum, inayos ni Dawn ang pagkakahiga ng kaibigan sa kama. Pinagmasdan niya ang payapa nitong pagtulog. Ang himbing niyon na parang hindi nito inabala ang masarap niyang tulog kanina, pero wala naman siyang magagawa kaya pinuntahan niya rin ito. Alam niyang hindi titigil sa pagtawag si Magnum kung hindi siya pupunta kung nasaan ito.
"Gago ka talaga!" naiinis niyang sabi bago lumabas sa silid nito.
***
Mabilis ang ginawang pagpapatakbo ni Dawn sa kaniyang motorsiklo. Bumabalik sa isipan niya ang mga nasaksihang sakit ni Magnum dulot ng babaeng mahal nito. Masakit sa kaniya na makitang ganoon ang kaibigan. Masakit talaga para sa kaniya na makitang nasasaktan ang taong mahal niya.
Oo, mahal niya ang gagong 'yon! Nagpapakagago ito sa babaeng may ibang mahal habang siya'y isang tanga na dumadamay kapag nasasaktan ito.
"Putspang pagmamahal 'yan!" malakas niyang sabi sa ilalim ng suot na helmet. Nanlabo ang kaniyang paningin dahil sa namumuong luha sa kaniyang mga mata. "Sumabay ka pa!" tukoy niya sa luha.
Itinaas ni Dawn ang face shield ng helmet. Pinunasan niya ang luhang tumulo sa pisngi pero isang liwanag ang sumilaw sa kaniya. Isang mabilis na pangyayari ang naramdaman niya. Namalayan na lang niya ang pagtalsik ng katawan sa ere. Ilang ulit siyang gumulong sa semento kasunod ng pagdilim ng kaniyang paningin.
***
MAYBEL ABUTAR

BINABASA MO ANG
Marrying Rebellious Heiress
RomanceHe's perfect and she's not. He's not an alcoholic but she is. He's good at modeling, but she's better at drag racing and gambling. Everything he has, she doesn't care. Vander Monterallo is a successful man and is well known as the most popular co...