1

7 1 0
                                    

Mga mata mo ang unang nagsabi sa akin ng katotohanan. Nang una kitang makilala, hindi ko inakalang gagawin ko ang mga nakatatakot na bagay na talaga nga namang naging bangungot ko tuwing nasa kalagitnaan ako ng mahimbing na pag-iisip. Ang sabi ko noon sa aking sarili ay hinding-hindi ako magiging alipin ng pagmamahal dahil nasubukan ko na kung paano wasakin, kung paano durugin at kung paano paiyakin na halos hindi ko na magawang imulat ang aking mga mata. Ang sabi ko, wala na ulit ni isang makakapanakit sa isang kagaya ko, pero magmula nang matitigan ko nang maigi ang mga mata mo, nakalimutan ko ang masalimuot na pangyayari sa buhay ko na naging dahilan kung bakit ikinulong ko ang aking sarili sa napakahabang panahon. Nang una'y wala naman talaga akong balak na ungkatin ang misteryo sa buhay mo, at mas lalong wala akong balak na maungkat mo ang mga sikreto ko, pero may kung ano sa presensya mo na hindi ko magawang maipaliwanag. Kung paano ka tumayo, kung paano kumurba sa isipan ko ang likuran mo habang hinahanap ng mga mata mo kung nasaan ako. Sinubukan kong lumayo, nagpabalik-balik ako sa puwesto ko. Inisip ko na tumakbo palayo sa lugar na kinatatayuan ng mga paa mo, pero may kung anong hangin na pilit akong itinutulak papalapit sa puwesto mo. Hanggang sa humarap ka at tuluyan mo nang nakita ang hinahanap mo—ako. Nang masilayan ko ang mga mata mo, alam ko nang wala na akong kawala, alam kong isang masalimuot na sakit na naman ang sasalanta sa pagkatao ko. Dahil simula nang bawiin ng mundong ito ang isang taong pinakamamahal ko—ang taong binigyan ako ng buhay, ang taong naging dahilan kung bakit ako nagkaganito, ang taong unang nagmahal sa akin, at higit sa lahat... ang taong una kong minahal ay nangako ako na hinding-hindi ko na hahayaan ang sarili ko na malunod, 'yong para bang hindi ko na magagawang umahon. Alam kong iisipin ng mga tao na dahil sa isang dating karelasyon kung bakit ako nagkaganito, isa lang ang masasabi ko, mali. Mali dahil naging ganito ako ng dahil sa pagkawala ng taong binuo ako, alam ng mga taong malalapit sa akin kung sino ang itinutukoy ko. Magmula ng bigyan ako ng gano'n kahapdi at kasakit na pagmamahal, hindi ko na sinubukang umulit pa. Ngunit gaya nga ng sinasabi ko, simula nang makita ko ang mga mata mo, nakita ko ang katotohanan.

Ang katotohanang lahat ng mga ipinangako at sinabi ko sa sarili ko'y mawawasak lamang. Tuluyan akong nahulog sa misteryong anino mo.

IKAW ANG PIYESATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon