Chapter 1

7 2 0
                                    

ISANG malalim na buntonghininga ang binitiwan ko matapos sulyapan ang building na nasa aking harapan—ang Rueco Group of Companies—na pagmamay-ari ng isa sa mga prominenteng pamilya sa bansa. May dalawampung palapag ang gusaling iyon na kinalalagyan ng opisina ng iba't ibang negosyo ng pamilya Rueco. Isa na roon ang Gems Media and Publishing Corporation—kung saan ay limang taon na rin akong nagtatrabaho bilang isang full-time romance novel writer. Pinamamahalaan iyon ng unica hija ng mga Rueco na si Catrice at siya ring naging modelo ko at inspirasyon sa loob ng limang taon ko sa kumpanyang iyon. Sa kabila kasi ng karangyaan sa buhay na tinatamasa nito ay naging saksi ako sa pagkakaroon nito ng mabuting kalooban. Magaling din itong makisama maging sa mga katulad kong simpleng empleyado lamang.

Si Catrice ang bunso sa tatlong magkakapatid. Ang dalawa pa niyang nakatatandang kapatid na lalaki ay kapwa nagma-manage din ng iba pang negosyo ng pamilya. At kagaya ni Catrice ay mababait din naman ang mga ito. Iilang beses ko na ring nakadaupang palad ang mga Rueco lalo na at nasa iisang building lang naman kami.

Inayos ko ang aking large-frame sunnies eyeglasses na kumikinang sa sikat ng araw dahil sa kulay pilak nitong frame at saka ko itinali ang mahaba na kulay kapeng kulot na buhok sa isang ponytail. Kinuha ko ang colored lipbalm na nasa bulsa ng aking pastel CLN leather backpack saka iyon madaliang inilapat sa aking mga labi. I looked at my reflection on my phone at nang makuntento ako ay itinapat ko ang nakakuyom na kamao sa dibdib at saka iyon kinabog nang tatlong beses. 

"Kaya mo iyan, Stacey! Aja!" pagbibigay motibasyon ko pa sa aking sarili at gumuhit ng isang matamis na ngiti sa mga labi. Sa aking pagtapat sa entrance ng gusali ay sandali kong pinasadahan ng tingin ang aking sarili gamit ang glass walls.

Sakto lamang ang aking taas na nasa 5'4" at balingkinitan ang katawan. Maputi ang kulay ng aking balat at natural na mamula-mula ang mga pisngi. Simple lamang ang aking suot na maong jumper dress na tinernuhan ng puting t-shirt at converse chuck taylor sneakers.

"Maganda ka na, neng!" natatawang sabi sa akin ng guard sa shift na iyon, si Manong Ben. Isa siya sa pinakamatagal nang guard sa kompanya ng mga Rueco. Ayon sa matanda ay katatayo pa lamang ng RGC ay empleyado na ito roon. Madalas ko siyang makakuwentuhan sa tuwing papasok ako sa opisina.

"Good Morning po, Manong Ben!" nakangiting bati ko rito nang lingunin siya at saka ito kinawayan.

"Hindi ka pa ba papasok? Baka mahuli ka. Kanina ka pa diyan kaya napansin kita," muling sabi nito habang nakangiti pa rin sa akin. Likas na sa kaniya ang pagiging mausisa. Bukod pa roon ay talagang madaldal si Manong Ben at masiyahin kaya naman magaan ang loob ko sa kaniya.

"Ah, eh, papasok na nga po ako. Alam n'yo naman po, dapat always pretty tayo lalo na kapag pupunta sa opisina. Sige po, Manong, mauuna na po ako." Muli ko siyang kinawayan at dumeretso na sa pagpasok sa gusali.

Tipikal na isang corporate scenario ang sumalubong sa akin pagkapasok sa loob. As usual, halos mga naka-business attire ang mga nandoon pero hindi naman ako nakaramdam ng pagka-out-of-place dahil sadya namang walang specific na dress code sa mga writer ng Gems. Nasanay na lang din ako. Isa pa ay hindi lang naman kasi Gems ang opisinang naroon dahil nandoon din ang iba pang mga negosyo ng pamilya. Nang bumukas ang elevator ay nakisabay ako sa dagsa ng mga taong pumasok doon.

Ang totoo ay nagdadalawang-isip pa ako kung tutuloy ba sa pagpasok dahil inaasahan ko na ang sermon ng aking editor. Pero mas masesermonan ako kapag hindi na naman ako sumipot sa pagkakataong ito. Malapit na rin kasi ang deadline ng mga nobelang kailangan kong ipasa para sa renewal ng aking kontrata sa Gems. At hindi ko hahayaang isang walang kwentang bagay lamang ang makahadlang sa mga pangarap ko.

Napapikit ako nang mariin at umiling nang ilang beses para maiwaksi ang mga negatibong bagay na pumapasok na naman sa aking isipan. I can't ruin my day with the thought of that jerk. Pagod na pagod na ako at ayaw ko nang patuloy pang mapinsala dahil lang sa kawalang-hiyaan ng ex-boyfriend kong mas makati pa yata sa gabi.

Loved by the HeroineTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon