Chapter 4 'Crush Back'

6.6K 470 112
                                    

"Sa murang pag-ibig inaakala na ang lahat ay di magwawakas."


Angie POV


Takbo... parang walang kapagurang pagtakbo. Tipong halos natutumba na, natatapilok na, ngunit hindi kailanman titigil o hihinto. Halos wala nang hangin ang baga ng sa wakas ay tumigil ako. Nakayukong nakahawak sa magkabilang tuhod. Para bang may nakadagan sa aking baga sa sobrang hingal. Haist... kung alam ko lang... kung alam ko lang...

"Angie!"

Napangiwi ako tsaka itinakip ang unan sa aking tainga sa lakas ng boses ni mama, sinabayan pa ng ilang pagkatok sa pinto ng kuwarto ko.

"Bumangon ka na diyan, tanghali na!" Muli niyang sigaw.

Sa katunayan ay kanina pa ako gising ngunit tinatamad at parang walang lakas na bumangon.

"Angie!"

Haist si mama talaga hindi titigil hangga't hindi ako napapabangon sa kama. Buti na lang at nagla-lock na ako ngayon ng pinto, kung hindi ay baka nasa loob na sana siya ngayon ng kuwarto ko.

"Angie -"

"Opo!" Napipilitang sagot ko para lang tumigil na siya sa kakakatok sa pinto. "Gising na po ako!"

Wala na akong narinig na tugon mula sa kanya pagkatapos.

Tamad na tamad ang mga kilos na bumangon sa kama. Isang napakalalim na buntong-hininga ang aking pinakawalan kasabay nang paghilamos sa mukha gamit ang mga palad. Napapalatak na kumuha ako ng tuwalya, di na nag-abala pang magsuklay, tsaka lumabas na ng kuwarto.

Linggo ngayon kaya magsisimba kami.

"Dalian mong maligo't, kakain na tayo." Utos ni mama ng dumaan ako sa kusina. Abala na siyang naghahain sa hapag-kainan. 

Hanggang ngayon napa-puzzle pa rin ako, kung bakit sa tuwing saka naman bumabalik ang ibang mga alaala. Tsk. Napapailing-iling na lang ako sa katangahan ko. Naisip ko na naman ang nangyari noong nakaraang linggo. Kulang na lang ay sabunutan ko ang sarili dahil sa katanghan.

Mag-aalas otso na ng umaga ng makaalis kami ng bahay patungo sa simbahan sa bayan. May sampung minuto rin ang ibabyahe namin mula bahay hanggang bayan. Marami ng tao ng makarating kami sa simbahan. Mga kagaya naming mas pinipiling makisimba sa second mass.

Kakasimula pa lang ng misa ng makapasok kami sa loob ng simbahan. May mga kakilala si mama na tahimik na bumabati sa kanya bago tumungo ang mga ito sa kanilang upuan. Kung tatakbo lang sigurong Punong-barangay si mama may tsansang mananalo siya.

Nasa kalagitnaan ako ng pag-iisip ng biglang may mabining kamay na tumapik sa kaliwang balikat ko. Halos mapugto ang paghinga ko ng mapagsino ito.

"Hi." Mahinang bati ni Erich sabay ngiti sa akin.

Ilang segundo siguro akong nakatanga lang sa kanya. Feeling ko nga may liwanag pa na nagmumula sa kanyang likod. Napakaputing liwanag... haist.

"Hoy." Mahinang untag ni mama sa akin.

Wala sa sariling napatingin ako sa kanya.

"Umusod ka dito." Sabay mosyon sa akin na umusod papalapit sa kanya para bigyan ng espasyo ang mga bagong dating.

Napatingin ako sa paligid. May mga bakanteng upuan pa naman sa bandang harapan pero bakit dito pa kasi nila gustong maupo sa tabi namin. Tahimik akong umaangal. Iwas na iwas nga ako di ba?

Walang nagawang umusod ako papalapit kay mama. Kakasya yata ng pitong katao ang pahabang upuang gawa sa kahoy. Kaya nagkasya kami dito. Si kuya at si mama sa bandang kanan ko, habang sina Erich, Lino at ninang Susan naman sa bandang kaliwa. Kaya naman hindi ko malaman kung papaano kikilos. Nako-conscious ako. Isa pa, 'nagtatago' nga ako para hindi ako makita ni Erich pero, haist... para namang nang-iinis ang tadhana dahil heto nga o, katabi ko pa!

ABKD Mahal KitaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon