Sa dami ng post sa FB and Tiktok kung gaano sila kaswerte sa kanilang mga kasama sa buhay ay minsan nakaka inggit, lalo na kapag ang relasyon na meron ka o ibinigay sa iyo ay kabaliktaran ng pinagdadasal mo.
Ilang buwan na ba simula ng iwan ko ang bahay na iyon? Ilang gabi na ang nakakaraan matapos ng huli kong bangungot sa buhay.
Kapag tumatanda ka na at wala na sa kalendaryo ang edad mo, ang pagpapakasal o paghahanap ng makakasama sa buhay ay parang mandatory nalang. At dahil doon ay maling pagmamahal ang nakuha ko.
"Asan ka na? Di ba sabi ko magpapaalam ka kapag aalis ka?"
"Kanina pa ako nakauwi tapos wala akong aabutan na pagkain, wala ka pa dito! Ano magluluto mag-isa yung bigas at ulam?"
"Bilisan mong umuwi kung saang lupalop ka man nagpunta. Malilintikan ka!"
Imbes na pagmamahal ay pagmamalupit ang nakuha ko. Huminga ako ng malalim habang tinatanaw ang mga maliliit na patak sa bintana, hawak-hawak ko ang mainit na tsokolate na ibinigay sa akin ni Trisha. Ang taong tumulong sa akin na makalayo sa impyernong bahay na iyon.
Isang malakas na sampal ang bumungad sa akin pagpasok ng pinto. Imbes na yakap na mainit at mahigpit ay sakit ang binigay sa akin ng lalaking akala ko ay para sa akin.
"Nanlalaki ako kaya ngayon ka lang nakauwi 'no?!"
Ito ang pauli-ulit na bungad niya sa akin bukod sa naglalakwatsa ako na paaraang dalaga at walang asawa na uuwian. Hindi ko alam kung paano pa ipagtatanggol ang sarili mula sa mga paratang niya. Ngayon ay pagbubuhat ako nito ng kamay, mamaya ay lalambingin ako para makabawi sa pananakit niya pagkatapos ay babalik ulit siya sa tunay niyang ugali.
Dahil sa pagmamadali sa mga nakikita ko sa iba, naauso dahil nagkakapamilya na ang kaanak at sa akin ay mas bata, ay napilitan akong humanap at sumagot ng lalaki na akala ko ay biyaya. Oo ngang sa una ay masaya ang relasyon dahil ang apoy ng pagmamahal ay malakas pa at kulay pula. Ang hindi ko alam na ang nagbabago at namamatay pala ang apoy kalaunan at nakakapaso nalang siya.
Sa takot na ako'y tumandang mag-isa at magiging malungkot na nag-tiis pa ako dahil akala ko kay maitututwid at magbabago pa. Natapos lang ang bangungot ng marinig ko sa kanya ang mga kataga na nagpagising sa akin na hindi ito ang pagmamahal na ninais ko gaya ng mga nakikita.
"Lumayo ka bago kita mapatay, putangina ka!"
Hindi ako umalis dahil sa kanyang mga masasakit na salita at mura kundi sa katotohanan na kaya ako nitong saktan ng higit pa at bawiin nag hiram na buhay na hindi naman siya ang nagpahiram. Sa takot ay tumakbo ako habal dala-dala ang ilang papel na pera sa aking bulsa, manipis na kamiseta lang ang suot na panangga sa lamig ng gabi at hindi ko inalintana na mga pito at patak ng ulan na tumatama sa mukha.
Walang galit o poot bagkus ay takot at tapang lang para sa sarili ang bitbit ng gabing iyon. Hindi ko alam kung paano ako napadpad sa probinsyang tinutuluyan at pinagtataguan, o nakita ng kumupkop sa akin na basing-basa sa ulan.
Dahil nabulag sa ideya ng pagmamahal at takot na baka wala akong maging kasangga. Sa inggit at lungkot na kumakain sa akin ng mga gabing nag-udyok sa akin upang sumubok at nagbakasaling mayroong pagmamahal na para sa akin ay mali ang nakuha.
Saan ako nagkulang sa pagmamahal na binigay? Anong bagay ang hindi ko nagawa ng tama para akong saktan? Anong mali sa dasal na pinanalanganin upang ako'y magdusa? Gusto ko lang naman ay ang pagmamahal na para sakin gaya ng iba, bakit hindi masaya ang binigay sa akin at kulay pula?
Ang pagmamahal ko ba ay isa lamang ideya at walang may kayang magpuna, dapat lang akong manonood lang sa relasyon ng iba dahil kahit kailan hindi ako maaring maging masaya?
Copyright © UntamedReina