Nasa punto na naman ako ng buhay ko kung kailan wala na namang kulay ang lahat. Mabigat at malungkot na pakiramdam ang sa akin ay bumungad na naman para sa araw na ito.
Tanghali na base sa taas ng sikat ng araw na naaninag ko sa mula sa bintana ng kwartong inuukupahan ngunit wala pa akong ganang kumilos at tumayo. Sa pag-aakalang makakatulong ang pag-iisip ng mga tambak na gawain upang bumangon na at magsimula ay ipinikit ko ang mga mata at bumuntong hininga.
Isa.
Dalawa.
Tatlo.
Tatlong katok ang nagpamulat sa aking mga mata. Pinakiramdaman ko kung sa amin nga ba talaga ang katok na iyon.Muli, tatlong katok ang narinig. Pilit at padabog kong hinawi ang kumot at tumayo.
Isang itim na pungos ang pinulot ko sa mesang katabi ng higaan at nagtungo sa pinto habang itinatali ang buhok na lampas dibdib na ngayon. Kailan na ba ng huli akong nagpagupit ng buhok?
Isang hagod ang ginawa sa buhok at pag-pagpag sa bistidang suot bago binuksan ang pintuan na sa kanang bahagi ng bahay, malapit sa hagdan. Inihanda ko na ang pagalit na boses upang salubungin ang nang istorbo ng araw ko ngunit nagulat ako sa nakatayo sa patio.
Tatlo, hindi, apat na taong gulang na lalaki ang nakangiting bumungad sa akin. Sa kanan ay bitbit nito ang isang lumang laruan na sa tingin ko ay pinagtagpi-tagping tula upang makabuo ng isang manika. Habang ang bungkos ng isang bulaklak sa kaliwang kamay ay inaabot sa akin.
Inikot ko ang tingin sa paligid, ang mga kapitbahay na maiingay , ang mga sementong bahay na kadikit ay nawala at napalitan ng isang malawak na dama at makukulay nabulaklak. Walang kahit ano at sino maliban sa aking bahay, at sa batang nasa harapan ko.
Pinantayan ko ito ng tingin habang kinukuha ang hawak nito.
"Salamat!" Malambing kong bati sa kanya.
Pinagmasdan ko batang nasa harapan ko, hindi kaputiang balat, itim at bilugang mata na tila nangungusap at may kulay kayumangging buhok ang nakatitig sa akin pabalik.
"Anong ginagawa mo dito? Nag-iisa ka lang ba?" Tumungo siya bilang sagot at nanatiling nakangiting tinitignan ko. Tila ba kinakabisado ang mukha ko bilang isang memorya na babaunin pagkatapos nito.
"Ako si Ellie, ikaw anong pangalan mo?"
"Tommy!" Masigla at bibo nitong sabi.
Inilahad ko ang aking kamay sa kanya ngunit nagulat ako ng yakap ang iginawad nito sa akin. Dahil hindi ako handaa sa kanyang ginawa ay natumba kaming parehas. Inalalayan ko siya upang hindi mauntog ang ulo kahit na hindi kumportable ang posisyon ko mula sa aming pagkakatumba.
"Ayos ka lang? Nasaktan ka ba?"
Matagal na katahimikan ang dumaan bago narinig ang palahaw nito na halatang nasaktan, natataranta at hindi ko malaman ang gagawin upang ito'y tumahan. Nasaan ba ang magulang o kamag-anak nito at hinayaang mag-isa sa gitna ng malawak na tanawin na ito?
"M-mama, M-mama!"
Puno ng sakit nitong tawag sa kanyang inaa, ngunit wala naman akong magagawa upang ibigay ang nais ito. Sino bang irresponsableng magulang ang mang-iiwan ng anak lalo pa't maliit pa lang ito!
Tumayo ako habang buhat ito, yakap-yakap ang kanyang maliit na katawan na parang sa paraan na iyon ay maiibsan ang sakit na nararamdaman. Lumabas ako kasama siya upang tignan kung may iba pang tao maliban sa aming dalawa.
Hindi ko ininda ang sikat ng araw na tumatama sa aking balat kahit na mainit at nakakapaso ay nilakad ako ng malawak na tanawin. Huminto kami sa isang hindi kataasan na burol ngunit sapat na upang makita ang lahat, doon ko nakumpirma na kaming dalawa nga lang ang narooon dahil tanging ang bahay ko lang ang nakatayo sa gitna.