Kabanata 1

56 4 0
                                    

Alas kuwatro ng umaga sa araw ng Martes ay nagising si Melvin sa tunog ng kaniyang alarm sa bagong cellphone niya na regalo ng kaniyang Papa bago ang araw ng graduation niya. Gamit ang kanang kamay niya ay hinanap niya ang kaniyang cellphone na kanina pa tumutunog habang nakapikit ang mga mata niya. Nang mahagilap na ng kaniyang kamay ang cellphone niya na nasa ibabaw ng maliit na mesa sa tabi ng kama niya ay pinindot niya ang off para ito ay tumahimik.

Tatlong araw na ang nakalipas nung umakyat siya sa entablado upang tanggapin ang diploma na simbolo ng kaniyang pagtatapos ng pag-aaral sa kolehiyo sa kursong business administration. Hindi madali ang lahat para sa kaniya pero nalampasan niya naman ang lahat ng iyon kasama ang mga kaibigan niya na kaniya ring mgakaklase.

Malamig na hangin ang dumampi sa kayumangging balat ni Melvin habang siya ay nakahiga at nakapikit pa rin dahil hindi pa kaya ng bagong gising niyang katawan ng bumangon kaagad. Isang saglit at matinis na tunog ang umagaw pansin kay Melvin na dahilan upang dumilat ng kaunti ang kaniyang bagong gising na mga mata.

Itinapat niya ang cellphone sa kaniyang mukha at biglang nasilawan ang kaniyang mga mata sa ilaw ng screen ng cellphone niya. Ilang segundo ang hinintay niya na masanay ang mata niya sa ilaw ng phone screen. Isang mensahe mula sa kaibigan niyang si Samuel ang kaniyang natanggap.

"Good Morning guys! Huwag niyong kakalimutan na 5 am sharp ay aalis na tayo. Ang ma-late mamaya ay mag-isang magbi-biyahe papunta sa baryo 😆"

Doon na pumasok sa utak ni Melvin na may outing pala sila ng mga close niyang kaibigan. Kaya dali-dali siyang bumangon sa kama at hinila ang tuwalyang nakasabit sa may dingding ng kuwarto niya. Dumiretso siya agad sa banyo sa katabi ng kuwarto niya upang maligo.

Ang baryong tinutukoy ng kaibigan niyang si Samuel ay yung baryong matagal na panahon ng walang mga taong nakatira noong panahong bago naganap ang unang digmaang pandaigdig. Sa hilagang bahagi iyon ng Tarlac. Halos lahat ay mga kabahayan ang nakatirik doon. Ang dahilan ng paglisan ng mga tao doon ay binili ng mayamang negosyante ang lugar na iyon para magpatayo ng pabrika. Kaya lang ay hindi natuloy dahil pagkatapos ng dalawang linggo ay naganap ang digmaan.

Ginawang lungga ang baryong iyon ng mga mananakop pero nahuli sila ng mga sundalong Pilipino at naganap ang madugong sagupaan nila. Kaya pagkatapos ng kaganapan na iyon ay hindi na ginalaw pa ang baryong iyon. Namatay na rin yung bumili ng lupa at ayaw ng ibang negosyante na bilhin ulit dahil para na iyong historical place kung saan naganap ang digmaan.

Doon magka-camping ang anim na magkaibigan. Kakaibang outing ang trip ng magbabarkada dahil sa halip na nasa gubat o baybayin sila ay napili nilang mag-camp sa abandonadong lugar. Request kasi iyon ni Leah na mahilig manood ng mga horror at thriller movies.

Pagkatapos ni Melvin maligo at magbihis ng panlakad na damit ay kinuha na niya ang dalawang bag na backpack at travel bag.

Si Melvin ay 22 taong gulang na. Dahil sa dagdag na dalawang taon sa high school ay umabot siya sa ganitong edad nang makatapos siya ng pag-aaral. Pinakamatangkad si Melvin sa kanilang magkakabarkada. Kayumanggi ang balat niya, matangos ang kaniyang ilong, makapal ang mga kilay, mga matang kulay-kape at mapupula't maninipis na mga labi. Malaki ang pangangatawan niya na puwedeng pumasa sa men's health magazine dahil nagji-gym siya kapag weekends at kung may oras siyang libre.

Pagbukas niya ng pinto ng kaniyang kuwarto ay isang tahimik na paligid ang bumungad sa kaniya. Ang kaniyang mga magulang kasi ay bumisita sa kaarawan ng kanilang high school friend sa kabilang bayan at doon nagpalipas ng gabi. Nakapagpaalam naman siya kahapon sa mga magulang niya kaya alam nila na aalis si Melvin ngayong umaga. Ang kaniya namang isang kapatid ay sumama rin sa magulang nila.

Sinigurado muna ni Melvin na sarado ang mga pintuan at pinatay ang mga ilaw bago niya kandaduhan ang gate ng bahay nila. Iyon kasi ang bilin ng Mama niya bago ito pumunta sa kasiyahan.

Abandonadong BaryoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon