Kabanata 4

44 3 0
                                    


Mga tatlong minuto na ang lumipas sa paghahanap ni Melvin kay Ronalyn. Nag-aalala na siya na baka may mangyaring masama sa babaeng matagal na niyang gusto.

"Ronalyn!" sigaw ni Melvin at wala siyang pakialam kung makaisturbo siya ng mga nananahimik na mga kaluluwa dahil ang importante ay mahanap niya si Ronalyn at makauwi na sila bago pa mahuli ang lahat.

Napahinto si Melvin sa paglalakad nang marinig niya ang malakas na dagundong na parang may bumagsak na malaking bagay. Bigla siyang kinabahan dahil baka nandoon si Ronalyn sa pinangyarihan ng tunog na iyon.

Dali-dali siyang tumakbo hanggang sa may nakita siyang kalye paliko sa kaliwa. Sampung metro pa lang ang layo ng kalye sa kaniya nang biglang may lumitaw palabas sa kalye na malaking hayop.

Tumigil si Melvin sa pagtakbo nang makita niya ang isang malaking aso na sa tantiya niya ay mga apat na talampakan ang taas nito. Naglalaway ang bunganga nito at tumutulo ang malagkit nitong laway sa sementong daan.

"Oh shit," pagmumura ni Melvin nang nakaharap na sa kaniya ang dambuhalang aso. Umaangil ito sa kaniya na parang gusto siya nitong lapain.

Umaapaw na ang kaba at takot na nararamdaman ni Melvin. Mahilig siya sa mga aso pero hindi sa mga ganitong klase na aso na parang kakatay ng tao.

"Ito ba yung sinasabi nila na wild dog? Parang hindi naman ganito kalaki yung mga nakita ko sa video," wika ni Melvin sa isipan niya.

Nang kumilos na ang malaking aso ay tumalikod na rin si Melvin at tumakbo ng matulin. Hindi niya alam kung ano ang susunod niyang gagawin, ang importante ay hindi siya mahuli ng halimaw na humahabol sa kaniya.

Pero habang tumatakbo siya ay parang nararamdaman na niya na malapit na sa kaniya ang halimaw. Nahagip ng mata niya ang isang bahay na may bukas na pinto. Naalala niya na sa lugar na iyon ay may nakita silang pusa ng mga kaibigan niya kanina.

Wala ng pagpipilian pa si Melvin kundi ang pumasok doon. Lumiko siya pakanan at pumasok sa abandonadong bahay na iyon. Pagkahawak niya ng pinto ay isinarado niya iyon at sumandal sa pinto upang hindi makapasok ang halimaw.

Tumutulo na ang pawis sa sentido niya kasabay ng maalinsangan na paligid sa loob ng abandonadong bahay.

Sampung segundo ang lumipas pero wala man lang may naramdaman si Melvin na may bumabangga sa pintuan.

Napaigtad si Melvin ng kaunti nang marinig niya ang malaking boses ng pusa. Mga ilang segundo pa ay isang tunog ng galit na halimaw na aso ang narinig niya. Parang nag-aaway ang dalawang halimaw.

Hindi mapigilan ni Melvin ang kaniyang kuryusidad kaya dahan-dahan siyang lumakad papunta sa bintana ng bahay. May nakita siyang siwang sa gilid ng sirang bintana at doon sumilip.

Hindi siya makapaniwala sa kaniyang nakita. Ang pusa na kanina niya lang nakita kasama ang mga kaibigan niya ay isa ng hindi normal na pusa. Maliit lang ito ng kaunti sa asong kaharap nito at naglalaway rin ito na parang isang mabangis na hayop. Ang halimaw na aso naman na kaharap nito ay may malaking sugat sa mukha dahil siguro sa kalmot ng pusa.

Parang nawalan na ng pag-asa si Melvin na makalabas sa abandonadong bahay dahil may dalawang halimaw na nasa labas. Hindi siya sigurado kung kakampi niya ang pusa na iyon. Pero kanina ay hindi naman iyon nagbago ng anyo.

Umatras si Melvin mula sa lumang bintana at walang ingay na bumalik sa saradong pintuan. Dahan-dahan siyang sumandal sa pinto at dinukot ang panyo sa bulsa ng pantalon niya sabay punas sa pawisan niyang mukha.

Mahigit isang minuto na siyang nakasandal sa pintuan habang nakatayo. Wala na siyang may naririnig na ingay ng malaking aso at pusa sa labas. Sa palagay niya ay umalis na ang mga ito.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: May 02, 2022 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Abandonadong BaryoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon