[16] Alcohol and sober thoughts

3 0 0
                                    

"Ace, samahan ka na namin," sabi ni B at akmang bababa na ng sasakyan para samahan si Ace sa pagsundo kay Pan.

"Wag na. Maraming tao don usually, mahirap na. Hintayin n'yo na lang kami dito."

Alas syete nang tumawag si Pan kay Ace, magkakausap pa rin sina Ace, B at C sa cafe, nagpapasundo na. Pare pareho man silang nagtataka dahil sa una, sabi ni Pan sya ang pupunta ng cafe pero 'di natuloy; pangalawa, lasing na ba si Pan nang ganito kaaga?

Hindi na sumagot pa si B, lumabas sila ni C ng sasakyan pero hindi na rin sumunod. Pareho lang nakatayo at nakasandal sa sasakyan, si C nakapamulsa, si B nakahalukipkip, pinapanood lang ang diretsong pagpasok ni Ace sa resto-bar na kinalalagyan ni Pan.


"Gentleman yarn," biglaang pagbibiro ni C.

Tinawanan siya ng bahagya ni B at sumagot, "Kinilig ako ng very light don, sa totoo lang." Nagtawanan sila ng ilang segundo dahil sa mga hirit nila tungkol sa inakto ni Ace. Ganun naman na talaga si Ace, biglaan na lang magiging considerate na madalas kinabibigla nila kaya lagi nilang tinutukso. Eh, sa nakakatuwa rin talagang tuksuhin si Ace - sabi nga ni Pan, ang cute kasi mainis. Kaya lagi na lang tuloy silang may hirit sa mga kilos ni Ace na nakakatuwa.

"Pero hindi ko talaga kinaya 'yung mga pinagsasabi n'on kanina," pagku-kwento ni B.

"Jusko. Ewan ko na talaga sa dalawang 'yon, sumasakit lang ulo ko, para silang nag tataguan ng feelings," sagot naman ni C, "pero mas malala pa rin talaga si Pan sa totoo lang."

"Huh? 'Di ko alam 'yon." Sagot ni B na nagpatigil ng oras ni C. Napatakip sya ng bibig at pinandilatan ng mata ang kausap. Putangina. Sa dami dami ng tao, kay B pa nga siya nadulas.



Dire-diretso lang ang pasok ni Ace, at kitang kita naman niya sa table sa tabi ng bar counter ang magkaibigan. Walang ibang tao sa loob kaya madali rin siyang nakalapit dito, maya maya pa rin namang alas otso ang dagsa ng mga tao.

"Alas, nandiyan ka na pala," bati ni Mark sa kanya nang makitang papalapit na siya. Tumayo pa si Mark at tinabihan si Ace, tinuro ang nakadugdok na sa mesa na si Pan. "Napaaga masyado start namin, kaya bagsak agad," paliwanag nito at nagkamot pa ng ulo.

"Kayong dalawa lang, boss?" Tanong ni Ace, at sinilip ang tulog na tulog na si Pan.

"Hindi. Kasama namin yung iba sa banda, pero mga bagsak na rin. May tugtog sila mamaya kaya pinagpahinga ko na muna sa likod," paliwanag ni Mark habang nagliligpit na ng mesa, inililipat ang lahat ng bote sa may bar counter.


Hinawi ni Ace ng bahagya ang buhok ni Pan na nakatakip sa mata niya nang bigla niyang maramdaman ang pagpigil nito sa kamay niya. "Pan?" Hindi naman sumagot si Pan, nanatili lang ang paghawak sa kamay ni Ace.

"Tara na, uwi na tayo," pagsasalita ulit ni Ace. Hindi pa rin sumasagot si Pan nang mapansin ni Ace na pinapanood na lang siya ni Mark na nakasandal na sa bar counter. Nakangiti lang ito, na ikinataas naman ng kilay ni Ace.

Napatayo ng tuwid si Mark at nagsalita. "Magigising mo kaya siya, kanina ko pa 'yan ginigising kaso wala talaga eh," sabi ni Mark, "sabihan mo ko kapag kailangan mo ng tulong palabas, ligpit ko lang 'to." Huling sabi nito at pumasok na kaagad sa likod bitbit ang ilang tray na ginamit nila.


Napatingin na lang ulit si Ace kay Pan, binawi ang kamay at umupo sa tabi ng kaibigan. Hinagod ng marahan ang likod, at pilit iniaangat ang ulo nito sa mesa, "Huy, tara na. Naghihintay sila B sa labas," sabi nito. Ilang segundo lang naman ay narinig na lang ni Ace ang pagbukas ng pintuan, nandiyan na ang ibang customers.

"Gigising ka o gigising ka?" Pikon na tanong ni Ace sa kaibigan. Nagulat na lang siya nang makita ang pagngisi ni Pan. Lumingon sa kanya nang nakapikit, nakadukdok pa rin ang ulo sa mesa, hindi nagsasalita. "Pan, wag mo 'kong inisin," pagbabanta ni Ace kahit pa patuloy pa rin naman siya sa paghagod sa likod ni Pan, "tara na." Tumango na lang si Pan bilang sagot, umayos ng upo pero nakapikit pa rin.

Sa Totoo LangTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon