Araw ng lunes at simula na muli ng klase, normal pa rin naman ang araw na ito ngunit sa bawat hakbang ko papalapit sa loob ng paaralan samu't-saring kwento ang naririnig ko at halos lahat ay pareho lamang ng paksa. Ang lahat ay pinag-uusapan ang nangyaring pagpapakamatay ng isang kamag-aral namin, kung paano siya binawian ng buhay at kung anong dahilan para ito ay magawa niya. Mahigit isang linggo rin kaming huminto sa aming klase upang imbestigahan ng awtoridad ang nangyari sa kaniya dahil sa mismong asotea ng aming paaralan niya kinitil ang sarili niyang buhay.
Hindi na bago para saamin ang ganitong mga balita, sa katunayan ay ang paaralan namin ang nangunguna sa dami ng bilang ng kaso ng mga mag-aaral na kumikitil sa sarili nilang buhay ngunit nangunguna rin ang paaralan namin sa pinaka-organisado, pinaka-maayos at pinaka-payapa na paaralan sa probinsya ng San Fernando. Pangunahing rason ng pagkitil ng sariling buhay ng mga mag-aaral ay ang depresyon kung kaya't nagagawa nila ang mga bagay na iyon.
Sa pagpapatuloy ko sa paglalakad, paulit-ulit pa rin ang naririnig ko. Sa totoo lamang ay nakikilala ko ang mukha ng mag-aaral na usap-usapan ngayon, hindi ko alam ang kaniyang ngalan ngunit madalas ko siyang nakikita sa kantina at iba pang mga gusali sa loob ng kampus namin kahit pa napakalawak ng aming paaralan. Maging ako ay nagtataka sa nangyari dahil sa tuwing nakikita ko naman siya ay parating may ngiti sa kaniyang mga labi. Nananaig din ang kuryusidad saakin ngunit hangga't maaari ay ayoko nang magtanong pa patungkol sa nangyari bilang pagpapakita na rin ng respeto sa kaniya. Habang papalapit ako sa aming silid ay unti-unti nang tumahimik, may iilan-ilan pa rin na nag-uusap ngunit mas marami na ang mga mag-aaral na abala sa kanilang mga ginagawa siguro dahil hindi na bago para sa kanila ang mga balitang iyon kung kaya't hindi na sila nakikialam pa.
Nagpatuloy ang aming klase, maging ang mga guro ay hindi makikitaan ng pagkalito dahil sa mga isyung nangyayari at ito ay bilang pagpapakita ng propesyonal na kilos. Naging madali na lamang para saakin ang makapagpokus sa klase dahil sa kilos ng aming mga guro.
Sa kalagitnaan ng aming pag-aaral, isang guro ang biglang kumatok sa pinto at pumasok sa aming silid para tawagin ang aming presidente sa klase na agad namang lumapit sa kaniya ngunit laking gulat ko nang bigla rin banggitin ng guro ang aking ngalan, kahit pa nagtataka ay tumayo na lamang rin ako dahil mukhang nagmamadali si Ginang Cruz kung kaya't sumama agad kami sa kaniya papalabas ng aming silid.
Habang naglalakad kami sa koridor ng aming gusali hindi ko pa rin maiwasang magtaka kung bakit pati ako ay ipinatawag dahil hindi naman ako isang lider sa kahit na anong klase at kahit pa nais kong tanungin ang presidente ng klase namin ay hindi ko rin magawa dahil mukhang pati siya ay nalilito kung bakit kami pinatawag. Hindi na lamang ako kumibo habang tumatahak ng daan patungo sa isa pang gusali dahil hindi rin naman ako malapit sa aming presidente, hindi dahil may alitan kami kundi dahil kilala si Anna bilang isang hindi pala-imik na estudyante, siya ang laging nangunguna sa klase kaya mas madalas namin siyang makita na kaharap ang mga libro, ngunit isa pa rin siyang responsable na lider.
Ilang minuto lang ang lumipas at nakarating na rin kami sa bagong gusali ng kampus kung nasaan ang mga opisina ng mga guro at iba pang nakatataas at mga tanggapan. Pinapasok na rin kaagad kami sa loob ng isang silid kung saan madalas na ginaganap ang mga pagpupulong, inihatid lamang kami ni Ginang Cruz at siya ay umalis na agad matapos nun.
Nakita namin na mayroon na ring siyam na estudyante ang nakaupo at nahihintay sa loob kasama ang iilang guro. Pinaupo na rin kami ni Anna sa tabi ng iba pa at sinabihan na maghintay ng limang minuto bago magsimula ang pagpupulong. Matapos ang limang minuto ay isang guro ang nakangiting pumasok sa pintuan at tumayo sa harapan.
"Magandang umaga mga mag-aaral!" Masiglang pagbati niya saamin na agad naman naming tinugunan. "Ako nga pala si Binibining Santiago, ako ay isang guro sa edukasyon sa pagpapakatao ngunit sa ibang eskuwelahan, at ako ay nakapagtapos ng bachelor ng agham sa sikolohiya."
"Sigurado ako na nagtataka kayo kung bakit ako nandito at kung bakit kayo ang ipinatawag, kaya sisimulan ko ang pagpupulong na ito sa pagpapaliwanag." Pagpapatuloy niya habang kami naman ay patuloy na nakikinig.
"Marami na at dumadami pa ang bilang ng kaso ng pagpapakamatay dito sa inyong paaralan kaya naman ipinatawag ako upang bumuo ng isang proyekto na tinatawag na kaagapay project at kayo ang mga napili ng eskuwelahan na ito para maging kasapi ng proyektong ito. Ang layunin ng proyektong ito ay maging kaagapay kayo ng mga kapwa kamag-aral ninyo na may mga emosyonal at mental na pinagdaraanan, ang proyektong ito ay gagawin lamang natin sa loob ng isang taon kung kaya't inaasahan ko ang kooperasyon ninyo." Pagpapaliwanag niya na ipinagpatuloy naman niya.
"Ang bawat isa sainyo ay may tungkulin, sa loob ng isang taon nais kong makahanap kayo ng limang tao na tutulungan ninyo, kayo ang magiging kaagapay nila sa mga problemang kinakaharap nila at ang lahat ng gagawin ninyo para sa proyektong ito ay isusulat ninyo sa isang talaarawan at ibibigay ninyo pag natapos na ang buong taon." Pagtatapos ni Binibing Santiago at tska inabot sa bawat isa ang talaarawan na pinamagatang 'kaagapay mo', tinanggap ko ito at ng iba pa. Walang laman ang talaarawan na ito dahil kami mismo ang maglalagay rito.
"Mayroon bang katanungan ang iilan sainyo?" Tanong saamin ni Binibing Santiago matapos ipamigay ang mga talaarawan, agad namang umiling ang lahat bilang sagot. "Kung ganon, nais kong pag-isipan ninyo kung kayo ba ay handa para sa proyektong ito, kung hindi naman ang inyong sagot, maaari kayong lumabas sa pintuan na iyon." Mahinhin ngunit seryosong sambit ni Binibining Santiago.
Napatingin ako sa pintuan at muling tiningnan ang mga kasamahan ko na mukhang nag-iisip rin kung sila ba ay lalabas o hindi. Ilang minuto ang lumipas at tahimik lamang na nag-iisip ang lahat, hanggang sa isang sa mga kasamahan namin na lalaki ang tumayo at lumabas sa pintuan nang hindi kumikibo at hindi lumilingon, sinundan lamang namin siya ng tingin nang may pagtataka dahil sa naging desisyon niya. Kung tutuusin ay hindi naman ganoon kahirap ang proyektong ito kung kaya't lahat kami ay nagtataka sa kaniya.
Tiningnan namin si Binibining Santiago na sinusundan rin ng tingin ang kasamahan namin habang siya ay lumalabas, bumalik ng pagtingin saamin si Binibining Santiago at tska tumango na para bang hindi siya nagtataka sa nangyari.
"Ngayon na handa na ang lahat sa ating magiging proyekto, nais ko kayong makilala at nais ko kayong magkakilala. Maaari bang magpakilala ang bawat isa?" Nakangiting tanong saamin na agad naman naming sinagot. Sunod-sunod na nagpakilala ang lahat at tanging ngalan lamang namin ang aming ibinigay.
Anna Fernando
Cristin Dela Cruz
Sophia Evangelista
Clarence Delos Santos
Kenji Mauricio
Elisa Roque
Yvan Ballego
Cielo Fortunato
Mikael Santos
At ako, Hiraya Manawari Reyes'Yan ang ngalan naming lahat, sampu na lamang kaming natira dahil may isang umalis na, matapos naming magpakilala, inulit lamang ni Binibing Santiago ang mga gagawin naming kilos at sinabi na sa katapusan pa ng taon kami muling magkikita-kita. Matapos non ay umalis na kaming lahat sa loob ng silid at pumunta sa kaniya-kaniyang klase habang bitbit ang talaarawan na ibinigay saamin. Mahigit isang oras lamang ang naging pagpupulong namin kung kaya't nakadalo pa kami ni Anna sa mga klase namin.
Makapal-kapal rin ang talaarawan na ibinigay saamin kaya iniisip ko na agad kung paano ito mapupuno.
Natapos ang araw at nagdesisyon na rin kaagad akong umuwi, habang naglalakad naisip ko na hindi nga madali ang proyektong ito, walang kasiguraduhan kung ikaw ay may matutulungan ba o magagawa mo ang iyong tungkulin kaya naiintindihan ko na kung bakit napagdesisyonan ng kasamahan namin na lumisan at hindi maging parte ng proyekto.
Hanggang ngayon ay iniisip ko pa rin kung paano ito sisimulan, sana lamang talaga ay magawa ko ito ng maayos dahil gusto ko rin na makatulong sa iba.
YOU ARE READING
Tulong
Teen FictionSa eskuwelahan ng San Fernando, binuo ang isang grupo ng mga kabataan upang maging kaagapay ng paaralan sa paglutas ng pangunahing problema. Isa si Hiraya Manawari sa mga napiling mag-aaral na maging kasapi ng grupong ito, at sa isang taon nang pag...