Araw ng miyerkules, nagising akong muli at bumangon para pumasok sa eskwela. Kumpara kahapon ay mas guminhawa na ang pakiramdam ko, siguro ay dahil na rin sa mga binitawang salita ni Ginang Cruz saakin kahapon ngunit may parte pa rin saakin na hindi sigurado kung maisasakatuparan ko ang misyon na ito ngunit wala naman na rin akong magagawa dahil andito na ako. Nag-ayos na lamang ako ng aking sarili at hinanda ang mga gamit bago pumasok sa eskwela, hindi naman ako nahihirapan na maghanda sa pagpasok dahil tinutulungan pa rin ako ni Nanay kahit pa medyo malaki na ako.
Pagtungtong ko sa Kampus, samu't saring kwentuhan ang naririnig ko, kaniya-kaniyang sinasalubong ang mga kaibigan sa harapan ng eskwelahan at ang iba naman ay kung ano-ano ang mga nilalaro. Sa kabila ng mga nangyari noong mga nakaraang araw, napaka dali lamang para sa lahat ang makalimot, siguro ay dahil hindi naman sila malapit sa mag-aaral na kamamatay lamang. Minsan nga ay iniisip ko, ano kayang nararamdaman ng mga kaibigan ng mga estudyanteng iyon? Nalilimutan kaya nila agad ang nangyari? O pinipilit na lang nilang kalimutan ang lahat? Kahit sino sigurong kaibigan ay malulungkot at magluluksa kung ganun ang sinapit ng mga matalik nilang kaibigan.
Minsan nga ay inilalagay ko ang sarili ko sa sitwasyon nila, minsan ay iniisip ko, paano kaya kung ako naman ang mamatayan ng kaibigan? Siguradong napakasakit nun para saakin ngunit hindi ko rin ito masyadong maisip na posible itong mangyari dahil wala naman akong itinuturing na kaibigan, simula nang ako ay tumungtong sa High School ay inilayo ko na ang aking sarili sa iba. Hindi dahil hindi ko sila gusto pero ito ay dahil hindi ako komportable na makipagkaibigan sa iba. Kung ako ang tatanungin, hindi naman nakalulungkot ang mag-isa, may pangungulilang mararamdaman ngunit hindi ito hadlang upang magpatuloy sa buhay. Umaasa pa rin naman ako na bago ako makapagtapos ng pag-aaral ay may makilala akong mga taong maituturing kong kaibigan.
"Hiraya!" Natauhan akong muli at lumingon, nakita ko ulit ang masiglang mukha ni Sophia na tunatakbo papalapit saakin. "Kanina pa kita tinatawag mula sa likuran ngunit hindi ka nasagot kaya akala ko ay iniiwasan mo ako." Hinihingal niyang pakikipag-usap sa akin habang hawak-hawak ang pareho niyang tuhod. Humingi naman agad ako ng paumanhin sa nangyari, nakahihiya lamang dahil sa tuwing makikita niya ako ay lagi akong wala sa wisyo kaya naman lubos ang paghingi ko ng kapatawaran sa kaniya na tinanggap naman niya.
Tulad kahapon ay nagsabay ulit kaming maglakad papunta sa aming mga silid, hindi matigil ang pagkwento niya patungkol sa mga natutulungan niya, nalaman ko nga rin na dalawa na ang natutulungan niya. Nakakatuwa lang dahil napaka produktibo ng pagkilos niya ngunit hindi ko naman maiwasang makaramdam ng inggit dahil hanggang ngayon ay wala pa rin akong mahanap na maaaring tulungan.
"Ikaw naman ang magkwento, ako lang kasi ang nagkukwento, paniguradong marami ka na ring natutulungan." Pag-imbita niya saakin, napayuko naman ako at napangiti dahil alam ko namang wala pa kong nahahanap, ngunit hindi iyon ang sinabi ko.
"Mayroon na akong nahanap na isa, ngunit hindi ko nais na ikwento ito sa iba dahil nagsisimula pa lamang kaming magkakilala." Pangangatwiran ko kahit ang totoo ay wala pa naman talaga akong nakikita o nahahanap. Napangiti naman siya saaking tugon, sa pag-aakalang totoo ang aking sinasabi.
"Mabuti naman, tama rin ang iyong ginagawa. Tama rin na alam natin ang hangganan ng panghihimasok natin sa buhay ng iba." Pagsang-ayon niya saakin.
"Kahit noong una ko talagang makilala ang mga tinutulungan ko hindi kapansin-pansin sa kanila na nangangailangan sila ng tulong, madalas ay ngumingiti at nakikipagusap rin sila tulad ng iba kaya nahirapan din ako noong una na makapaghanap ng matutulungan dahil halos lahat ng tao ay nagsisinungaling sa tunay nilang nararamdaman."
Hindi ko alam kung bakit ngunit nang marinig ko ang mga salita ni Sophia ay biglaang pumasok sa isip ko ang lalaking nakasama ko sa asotea kahapon, sayang lamang at hindi ko nahingi ang kaniyang pangalan pero ang mga sinabi ni Sophia ay para bang saktong-sakto para sa kaniya, sinabi niya saakin kahapon na hindi siya nangangailangan ng tulong kaya naman naisip ko na baka sinabi niya lang iyon upang layuan at iwasan ko siya.

YOU ARE READING
Tulong
Teen FictionSa eskuwelahan ng San Fernando, binuo ang isang grupo ng mga kabataan upang maging kaagapay ng paaralan sa paglutas ng pangunahing problema. Isa si Hiraya Manawari sa mga napiling mag-aaral na maging kasapi ng grupong ito, at sa isang taon nang pag...